backup og meta

Paano Mapabagal Ang Pagtanda? Heto Ang 7 Tips!

Paano Mapabagal Ang Pagtanda? Heto Ang 7 Tips!

Maraming tao ang gustong maniwala na ang edad ay isang numero lamang, ngunit totoo ba ito? Mayroon bang mga paraan kung paano mapabagal ang pagtanda?

Ang Proseso Ng Pagtanda

Ang pagtanda ay isang normal na proseso na nauugnay sa mga pagbabago sa dynamics ng sosyal, emosyonal, sikolohikal, at biyolohikal na aspeto ng iyong buhay. Maraming magagandang bagay ang kaakibat ng pagtanda: 

  • Nagkakaroon ka ng mga insight.
  • Natututo ng mga bagong kasanayan.
  • Nakakakilala ng mga tao habang tumatanda.

Gayunpaman, sa physiolohikal na aspeto, nakararanas ka rin ng mga “downside.” Marami sa mga downside na ito ay benign, na nangangahulugang hindi ito mapanganib. Kasama sa mga halimbawa ang pagkakaroon ng kulay-abo na buhok at mga kulubot sa balat. Binabawasan din ng iba pang mga biyolohikal na pagbabago ang paggana ng iyong mga organ na nagreresulta sa iba’t ibang mga kondisyon tulad ng:

  • Malabong paningin
  • Mabagal na paggalaw
  • Osteoporosis
  • Mga sakit sa puso

Ang magandang balita ay mayroong mga paraan paano mapabagal ang pagtanda, ayon sa mga eksperto. 

Narito ang 7 tips kung paano mapabagal  ang pagtanda.

1. Bigyang-Pansin Ang Iyong Diyeta

Pagdating sa kung paano mapabagal ang pagtanda, mahalaga ang diyeta. Ang Ingles na katagang “you are what you eat” ay totoo pagdating sa pagpapabagal sa proseso ng pagtanda. Inirerekomenda ng mga doktor na gawin ang mga sumusunod upang matiyak na ang iyong diyeta at nutrisyon ay nakatutulong sa iyong hitsura at pakiramdam na mas bata ka.

  • Magdagdag ng isda sa iyong diyeta. Piliin ang mga may mataas na omega oil content; siguraduhin lang na wala itong kaakibat na mercury.
  • Ikonsidera ang mga supplement. Maaaring makatulong ang pag-inom ng mga antioxidants at iba pang supplements na angkop sa iyong lifestyle. Inirerekomenda rin ang vitamin C at B-complex vitamins. Ngunit, isaalang-alang lamang ang mga supplement kung sa tingin mo ay hindi ka nakakakuha ng sapat mula sa iyong kasalukuyang diyeta. Tandaan: ang mga ito ay para lamang madagdagan ang iyong kasalukuyang diyeta, at hindi upang palitan ito.  
  • Pumili ng lean sources ng protina. Kabilang sa mga sources ito ang skinless chicken breast, lean ground beef, pati na rin ang mga lentil at beans. Kaakibat nito, mainam na iwasan ang mga matatabang pagkain.
  • Kumain ng mga gulay. Subukang kumain ng mga gulay na may mas kaunting carbohyrate content, ngunit siksik sa mga bitamina at mineral.
  • Magdagdag ng maraming berries. Kumain ng mga berries na may low-glycemic index, o iyong mga hindi masyadong nakakaapekto sa antas ng blood glucose. Ang mga berries din ay mayaman sa mga antioxidants at phytonutrients na nakatutulong na labanan ang mga free radicals na siyang sumisira sa ating katawan.
  • Iwasan ang mga processed food. Binibigyang-diin ng mga eksperto na ang mga prosesong pagkain ay naglalaman ng maraming sangkap na nagdudulot ng pamamaga. Bukod pa rito, pinapahina rin nila ang iyong immune system.

Sa pangkalahatan, ang isang paraan kung paano mapabagal ang pagtanda ay ang pagkakaroon ng mas malusog na mga pagpipilian pagdating sa iyong pagkain.

Pinakamainam na iwasan o bawasan ang pagkonsumo ng mga pagkaing itinuturing ding “inflammatory” na pagkain:

  • White bread
  • Matatamis na inumin
  • Mga prinitong pagkain
  • White pasta
  • Gluten
  • Soybean oil

2. Uminom Ng Maraming Tubig

Nais mo bang malaman kung paano mapabagal ang pagtanda? Nararapat na tandaang uminom ng tubig. Ang rule of thumb dito, ayon sa mga doktor, ay siguraduhing uminom ng hindi bababa sa 2 litro ng tubig araw-araw. Bukod sa pagpapanatiling hydrated ka, nakatutulong din ang tubig sa:

  • Pagsiguro na glowing ang iyong balat 
  • Pag-flush out ng mga toxin sa katawan
  • Pagpapadulas ng mga kasukasuan para sa mas mahusay na paggalaw

3. Mag-Ingat Sa Pagpili Ng Mga Skincare Products 

Ang isang popular at natural na paraan kung paano mapabagal ang pagtanda ay ang pag-aalaga sa iyong balat. Iyon ang dahilan kung bakit nakakaakit na gumamit ng mga produkto na nagsasabing kaya nilang gawin ang lahat.

Ngunit, binabalaan ng mga doktor ang publiko tungkol sa mga naturang produkto dahil, ayon sa kanila, ang bawat sangkap ng isang produkto ay maaaring magkaroon ng ibang reaksyon depende sa kung sino ang gumagamit nito.

Gayunpaman, inirerekomenda nila ang mga sumusunod na produkto:

  • Exfoliator. Ang isang exfoliator ay nag-aalis ng dull at dead skin cells sa ibabaw ng balat, na naghihikayat na gumawa ng mas bago at glowing skin cells.
  • Moisturizer. Ang tuyong balat ay nagdudulot ng pagtanda, kaya pumili ng magandang moisturizer na maaari mong ilapat sa gabi at kapag malamig ang panahon.
  • Sunscreen. Hangga’t maaari, gumamit ng mineral sunscreen sa halip na isang kemikal. Gayundin, pumili ng isa na maaari mong ilapat tuwing 2 oras, lalo na kapag nasa labas ka.

Dahil ang isang paraan kung paano mapabagal ang pagtanda ay ang pag-aalaga sa iyong balat, inirerekomenda ang paggamit ng mga produkto. Gayunpaman, tandaan na kahit na ang mga produktong ito ay iminumungkahi, ang pangangalaga sa balat ay dapat pa ring pang-indibidwal. Sa madaling salita, ang pakikipag-usap sa iyong dermatologist ay ang pinakamahusay na paraan ng pagsasagawa nito.

paano mapabagal ang pagtanda

4. Kumuha ng Beauty Sleep

Alam mo ba? Sinasabi ng mga eksperto na ang mas kaunting oras ng pagtulog sa gabi ay makakaapekto sa katawan. At iyon ay maaaring magpataas ng antas ng stress hormone, na kilala bilang cortisol. Nakakaapekto ito sa mga antas ng blood sugar at nagreresulta sa oxidative stress.

Upang makatulog nang mas maayos, maaari mong gawin ang mga sumusunod:

  • Bawasan ang exposure sa ilaw. Ang melatonin, ang hormone na responsable para sa pagtulog, ay apektado ng light exposure. Gumagawa tayo ng mas maraming melatonin kapag madilim, kaya ang pagpapanatiling kadiliman sa silid at pag-iwas sa blue light ng iyong mga gadget ay maaaring makatulong sa iyong makatulog nang mas maayos. 
  • Orasan ang iyong workout. Ang mga pisikal na ehersisyo ay nagtataguyod ng mas mahusay na pagtulog, ngunit hindi ito nakatutulong kung hindi ito naorasan nang tama. Huwag mag-ehersisyo ng ilang minuto bago ang oras ng pagtulog dahil maaari itong makagambala sa iyong pagtulog.  Iminumungkahi ng mga eksperto na tapusin ang isang masigla o katamtamang siglang ehersisyo nang hindi bababa sa 3 oras bago matulog.
  • Bigyang-pansin ang iyong pagkain at inumin. Para mas makatulog, bawasan ang mga matatamis, caffeine, at alkohol bago matulog. Bukod pa rito, subukang huwag kumain ng marami bago matulog sa gabi. Ang pag-inom ng sobrang likido ay tiyak na magpapagising sayo habang ikaw ay natutulog. 

Panghuli, bago matulog, siguraduhing walang bumabagabag sa iyong isipan. Mahirap matulog kapag ang dami mong iniisip. Gawin ito, hangga’t maaari. Ito ay dahil ang pagtulog ay isang mahalagang paraan kung paano mapabagal ang pagtanda.

5. Mag-Ehersisyo

Paano mapabagal ang pagtanda: gumalaw-galaw. Ayon sa Hypertension Institute, para mapabagal ang pagtanda, kailangan mong gumalaw. Inirerekomenda nila ang pag-eehersisyo ng isang oras sa isang araw, apat na araw sa isang linggo. Ang pag-eehersisyo ay dapat ding kombinasyon ng iba’t ibang aktibidad kabilang ang: 

  • Aerobics
  • Resistance training
  • Flexibility exercises
  • Agility exercises

Idinagdag din nila na ang inirerekomendang isang oras bawat araw ay hindi kailangang tuluy-tuloy. Maaari itong hatiin sa mga segment na 15 o 30 minuto ang haba. Sa wakas, pinayuhan nila na ang anumang uri ng ehersisyo ay makakatulong.

Kung hindi ka sanay sa masiglang pag-eehersisyo, maaari kang magsimula nang dahan-dahan sa isang hindi gaanong nakababahalang pisikal na gawain. Gawin ang iyong routine mula roon.

6. Lifestyle Changes Na Nakatutulong Sa Pagbagal Ng Pagtanda

Bukod sa mga makabuluhang hakbang na nabanggit sa itaas, ang iba pang mga paraan paano mapabagal ang pagtanda ay:

  • Tumigil sa paninigarilyo. Ang paninigarilyo ay hindi lamang nagdudulot ng maraming sakit kabilang na ang cancer, kundi nagpapabilis din ng proseso ng pagtanda. Tigilan mo na iyan, walang mabuting magagawa iyan para sa iyo.
  • Bigyang-pansin ang iyong kapaligiran. Ang polusyon ay negatibong nakakaapekto sa kalusugan. Maaaring wala kang gaanong kontrol sa lugar kung saan ka nagtatrabaho o tinutuluyan. Ngunit kung magagawa mo, subukang iwasan ang mga lugar kung saan may polusyon. 
  • Palakasin ang kalusugan ng utak. Ang brain training ay isang malaking negosyo na ngayon dahil napagalaman ng mga siyentipiko na kaya nating ibalik at gumawa ng mga bagong neural na koneksyon. Isaalang-alang ang regular na pagsasagawa ng mga aktibidad na nagpapasigla sa utak. Kabilang dito ang paglutas ng mga puzzle, pagbisita sa mga museo, at paglalaro ng sports—dahil kapag iniisip kung paano mapabagal ang pagtanda, dapat nating isama ang ating utak sa equation.
  • Panatilihing malusog ang iyong bituka. Ang karamihan ng immune system ay matatagpuan sa iyong digestive system. Kung kaya nararapat na maalagaan mo ito sa pamamagitan ng pagkonsumo ng sabaw ng buto na mayaman sa collagen, gayundin ng mga fermented na prutas tulad ng kimchi. Higit pa rito, huwag kalimutan ang iyong mga probiotics.
  • Bawasan ang stress. Walang alinlangan na ang stress ay maaaring magdulot sa iyo ng mas mabilis na pagtanda. Kaya, panatilihin ito sa mapapamahalaang antas sa pamamagitan ng pagtatalaga ng trabaho, pagpapahinga, at paghingi ng tulong kapag kinakailangan.

7. Alagaan Ang Iyong Emosyonal Na Kalusugan  

Sa wakas, ang isa sa mga pinakamahusay na paraan kung paano mapabagal ang pagtandaay ang paggugol ng oras sa iyong mga mahal sa buhay. Ang paggugol ng de-kalidad na oras sa kanila ay tiyak na magpapasaya sa iyo, maging mas konektado sa lipunan. Ang pinakaimportante ay nakatutulong ito upang makabuluhang bawasan ang antas ng iyong stress.

Alamin ang iba pa tungkol sa Aktibong Pagtanda dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Can You Slow Down the Aging Process? https://www.asccare.com/slow-the-aging-process/, Accessed July 8, 2020

Understanding the Dynamics of the Aging Process, https://www.nia.nih.gov/about/aging-strategic-directions-research/understanding-dynamics-aging, Accessed July 8, 2020

Can the Aging Process Be Reversed or Prevented? 5 Things to Know, https://www.pennmedicine.org/updates/blogs/health-and-wellness/2019/july/anti-aging, Accessed July 8, 2020

How to Sleep Better, https://www.helpguide.org/articles/sleep/getting-better-sleep.htm, Accessed July 8, 2020

RESETTING YOUR BIOLOGICAL CLOCK: HOW TO SLOW THE AGING PROCESS AND LIVE LONGER, http://www.hypertensioninstitute.com/pdf/TOWNSEND_NEWSLETTER.pdf, Accessed July 8, 2020

11 WAYS TO REDUCE PREMATURE SKIN AGING, https://www.aad.org/public/everyday-care/skin-care-secrets/anti-aging/reduce-premature-aging-skin, Accessed July 8, 2020

Anti-Aging Skincare, https://www.aad.org/public/everyday-care/skin-care-secrets/anti-aging, Accessed September 15, 2021

Skin anti-aging strategies, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC3583892/, Accessed September 15, 2021

https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC3583892/

Kasalukuyang Version

08/31/2022

Isinulat ni Fiel Tugade

Narebyung medikal ni Mia Dacumos, MD

In-update ni: Dexter Macalintal, MD


Mga Kaugnay na Post

Ano Ang Circadian Rhythm, At Ano Ang Papel Nito Sa Pagtulog?

Dyeta o Ehersisyo: Ang 80 Diet 20 Exercise Theory ng Pagpayat


Narebyung medikal ni

Mia Dacumos, MD

Nephrology · Makati Medical Center


Isinulat ni Fiel Tugade · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement