Paano Naiiba ang Type 1 Diabetes sa Bata?
Hindi maikakaila na seryosong sakit ang type 1 diabetes sa bata. Kapag mayroong ganitong sakit ang isang bata ay ibig sabihin na hindi na gumagawa ng insulin ang kaniyang katawan.
Mahalaga ang insulin dahil bukod sa nakokontrol nito ang blood sugar, nakakatulong ito upang magamit ng katawan ang sugar mula sa pagkain. Kapag walang insulin sa katawan, tataas lang ng tataas ang blood sugar at maari itong magdulot ng matinding komplikasyon.
Ang type 1 diabetes ay walang pinipiling edad. Ngunit mas mahirap i-manage ang diabetes sa bata, lalong-lalo na kung sobrang liit pa niya.
Paano Ito Naiiba sa Diabetes ng Matatanda?
Hindi maikakaila na baka mabigla ang mga batang may type 1 diabetes sa dami ng kanilang dapat gawin. Kabilang na rito ang pag-monitor ng blood sugar, pagturok ng insulin, at pagbabago sa kanilang mga kinakain.
Maaari rin mag-iba ang kanilang mga nakasanayan nang gawain. Kaya’t hindi madali ang pagbabago na ito para sa mga bata.
Bukod dito, kapag maliit pa lang ay nagkaroon na ng diabetes sa bata, mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng komplikasyon pagtanda.
Isa na rito ang pagkakaroon ng cardiovascular problems na maaaring magsimula ng maaga kung bata pa lang ay may diabetes na. Kaya mahalagang ma-kontrol agad ng mga magulang ang diabetes ng kanilang anak.
Sa pamamagitan ng tamang suporta at paggabay, maaaring magkaroon ng mahaba at masayang buhay ang mga batang mayroong diabetes.
Sintomas
Mabilis magpakita ang sintomas ng type 1 diabetes sa bata. Kaya’t maaaring malaman agad ng mga magulang kung mayroong problema ang kanilang anak.
Heto ang mga posibleng sintomas ng type 1 diabetes sa bata:
- Palaging nauuhaw
- Biglaang pagbaba ng timbang
- Palaging pagod ang pakiramdam
- Madalas na pag-ihi
- Naiihi sa kama
- Matamis o “fruity” ang kanilang hiningi
- Pagiging iritable o madaling mainis
- Mabilis magutom kahit na busog pa o kaya kakakain lang
- Sa mga batang babae, ang yeast infection ay maaaring sintomas ng diabetes sa bata
Kung mapansin mo na mayroong ganitong mga sintomas ang iyong anak, mainam na magpakonsulta sa kanilang pediatrician.
Kapag maagang na-detect at nagamot ang diabetes, mas mabuti ang magiging kalagayan ng iyong anak
Sanhi at Risk Factors
Hanggang ngayon ay hindi pa rin alam kung ano ang sanhi ng type 1 diabetes. Lalong lalo na kung bakit ito nangyayari sa mga bata, teenager, at mga matatanda.
Karaniwang nada-diagnose ang type 1 diabetes bago umabot sa edad 40. Ngunit pagdating sa diabetes sa bata, karaniwan itong nada-diagnose sa edad 4-14.
Gayunpaman, alam natin na nagkakaroon ng diabetes dahil autoimmune response na tinitigil ang paggawa ng insulin sa katawan.
Kapag nangyari ito, hindi bumababa ang blood sugar sa dugo, na nagiging sanhi upang magkaroon ng type 1 diabetes.
Heto ang ilang mga risk factors pagdating sa diabetes sa bata:
- Kapag mayroong mga kamag-anak na may type 1 diabetes
- Pagkakaiba-iba ng mga genes
- Ilang virus tulad ng Coxsackievirus B, rotavirus, cytomegalovirus, o kaya mumps o beke ay maaaring magdulot ng autoimmune response. Ito ay maaaring maging sanhi ng type 1 diabetes.
Ang pagkain ng matatamis, o kaya ng carbohydrates ay hindi maaaring maging sanhi ng type 1 diabetes.
Paggamot at Pag-iwas
Sa kasalukyan, walang paraan upang makaiwas sa type 1 diabetes. Kaya mahalagang alamin ang iyong family history, para alam mo kung posible bang magkaroon nito ang iyong anak.
Mahalaga rin na bantayang mabuti ang mga sintomas ng diabetes sa bata, at magpakonsulta agad sa doktor kung magpakita ang mga sintomas na ito.
Paano Ito Nagagamot?
Bago gamutin, ang kadalasang ginagawa sa mga na-diagnose ng type 1 diabetes ay kinikilala ang care team. Kabilang rito ang endocrinologist, nurse educator, dietician, at ang family counselor.
Sa mga meeting na ito, tuturuang gumamit ng insulin injections ang bata, tuturuan sila kung paano alagaan ang sarili, paano kumuha ng CBGs, tamang pag-ehersisyo at pagkain, at pagbibigay ng psychosocial support.
Ang paggamot naman ng type 1 diabetes sa bata ay katulad ng sa matatanda.
Ibig sabihin nito, kailangang tutukan ang blood sugar levels ng iyong anak upang masigurado na palagi itong normal.
Mahalaga rin ang regular na insulin injections upang mapanatili itong nasa ligtas na range.
Bukod dito, kailangan ring uminom ng mga gamot na nireseta ng doktor, at kumain ng tama.
Mahalagang maituro ng mga magulang kung paano gawin ang mga bagay na ito sa kanilang anak. Ito ay dahil habang lumalaki at nagiging independent ang iyong anak, hindi puwedeng palaging ikaw ang gumagawa nito para sa kanila.
Kaya’t habang bata pa sila, mahalagang masanay na silang mag-check ng kanilang blood sugar at magturok ng insulin.
Ito ay upang matuto sila ng mga mabuting habits upang makontrol nila ang kanilang sakit.
Alamin ang tungkol sa Type 1 Diabetes dito.
Isinalin sa Filipino ni Alwyn Batara
[embed-health-tool-bmi]