Narinig na nating lahat ang mga katagang, “You are what you eat.” Ngunit, karamihan sa atin ay hindi nauunawaan ang epekto ng wastong nutrisyon sa ating katawan, maging sa ating kabuuang kalusugan.
Ang mga pagkain ay nagtataglay ng iba’t ibang mga sustansiya. Ito ang tumutulong sa ating katawan na gumana’t gampanan ang mga tungkulin. Ang nutrisyon sa pagkain ay ang mga nourishing substances na mahalaga sa pagpapanatili ng pagsulong at paglaki ng ating katawan. Kaya naman, maaaring bumagsak ang ating kalusugan kapag ang ating katawan ay kapos sa natatanggap na nutrisyon. O mas masama pa, walang nutrisyong natatanggap.
Magbasa pa upang matuto tungkol sa epekto ng wastong nutrisyon sa kalusugan.
Pag-Unawa Sa Epekto Ng Wastong Nutrisyon Sa Kalusugan
Kung ang isang tao ay hindi nakakakuha ng wastong nutrisyon mula sa kanilang diyeta, maaaring huminto o bumagal ang metabolic processes ng kanilang katawan.
Maaari nating isipin ang mga sustansiya bilang impormasyon o tagubilin para sa ating katawan. Kapag walang tagubilin o impormasyon, hindi magagampanan nang maayos ng ating katawan ang bawat tungkulin.
Mas makakabuti kung sa ganitong paraan natin iisipin ang pagkain, sa halip na nakatutok sa kung gaano karaming gramo o calories ang ating kinokonsumo.
Sa ganoong paraan, magpokus sa pagpili ng tamang uri ng pagkain na dapat isama sa ating diyeta, sa halip na mga dapat ibukod. Tandaan, hindi kalaban ang pagkain.
Ang nutrisyong natatanggap natin sa partikular na mga pagkain ay makatutulong upang maiwasan ang sakit at mapalakas ang ating kalusugan.
Ang Epekto Ng Nutrisyon Sa Kalusugan: Malnutrisyon Sa Mga Developing Countries
Sa mga developing countries o sa mga bansa na patuloy na umuunlad, maaaring maging mahirap para sa mga tao na makuha ang sapat at wastong nutrisyon na kanilang kailangan. Laganap sa ganitong mga bansa ang mga nakahahawang sakit, at malaking bahagi nito ay dahil sa malnutrisyon.
Gayunpaman, ang mga mamamayan ng naturang developed countries ay maaari ring makaranas ng malnutrisyon. Maraming mga tao ang madalas na pumipili ng kaginhawaan sa halip na piliin ang malusog na diyeta. Ito ang dahilan kung bakit maraming tao ang may gusto sa instant meals at fast food kaysa sa malusog na pagkain. Ito’y dahil nakakabusog at mabilis ihanda.
Ipinakikita sa isang pag-aaral na ang calorie intake ng mga Amerikano ay nasa humigit-kumulang 3,600 calories bawat araw. Sa kabila ng malaking halaga ng calories na kinokonsumo ng mga Amerikano, karamihan sa mga pagkain na kinakain nila ay mataas sa sodium at fat, kaysa iba pang sustansiya.
Isa pang makabuluhang dahilan kung bakit ang mga tao ay hindi nakakakuha ng sapat na nutrisyon sa mga developed countries ay dahil sa mga uso. Ang epekto ng nutrisyon sa kalusugan ayon sa kasarian ay siniyasat sa iba’t ibang pananaliksik.
Ipinakikita sa isang pag-aaral na ang mga kabataang babae na sumusubok sa mga fad diets ay kulang sa copper at potassium. Ang mga resultang ito ay isang dahilan ng pag-aalala. Dahil ang mga bitamina at mineral ay nakatutulong upang maiwasan ang mga malalang kondisyon at ipinapanatiling malusog ang ating katawan.
Mga Panganib Ng Maling Diyeta At Nutrisyon
Ang higit na nagbibigay-diin sa epekto ng nutrisyon sa kalusugan ay ang paraan ng diyeta ng isang indibidwal. Responsable ito sa humigit-kumulang 30-40% ng lahat ng uri ng kanser. Kahit na hindi isang lunas o direktang dahilan sa kanser ang nutrisyon, ito ay may mahalagang papel pa ring ginagampanan.
Ang epekto ng nutrisyon sa kalusugan ay makikita rin sa kung paano ito nakakaapekto sa kabataan. Kung ang mga bata ay hindi nakatatanggap ng wastong nutrisyon, hindi nila maaabot ang kanilang optimal weight and height. Kasabay nito, maaari silang makaranas ng sintomas ng malnutrisyon at iba pang kondisyon.
Dagdag pa rito, ang poor diet ay maaaring maging sanhi ng pagiging overweight o obese ng isang tao. Lalo na kung sila ay kumakain ng diyeta na matataas sa processed foods. Gayunman, hindi lang ang pagtaas ng timbang ang problema.
Ang obesity at pagiging overweight ay naiugnay sa maraming kondisyon at sakit, tulad ng sakit sa puso, altapresyon, diabetes, sakit sa bato, bukod sa iba pa.