backup og meta

Vitamins Para Sa Gilagid: Mga Kailangan Upang Mapanatiling Malusog Ang Gilagid

Vitamins Para Sa Gilagid: Mga Kailangan Upang Mapanatiling Malusog Ang Gilagid

Ang malusog na gilagid ay bahagi ng mabuting kalusugan ng bibig. Kabilang sa mabuting kalusugan ng bibig ay ang pagpapanatiling malusog din ng mga gilagid. Kulay rosas at matibay ang malusog na gilagid. Hindi dapat ito mamula at mamaga. Upang mapanatiling malusog ang gilagid, mahalagang magsagawa ng mabuting oral hygiene. Kinabibilangan ito ng pagsipilyo ng ngipin nang hindi bababa sa dalawang beses sa isang araw, pag-floss nang hindi bababa sa isang beses sa isang araw, pagmumumog ng antiseptic mouthwash pagkatapos magsipilyo ng ngipin, regular na pagpapatingin sa dentista, at pag-iwas sa paninigarilyo o nginunguyang tabako. Ang pag-inom ng tamang vitamins para sa gilagid ay makatutulong din sa pagpapanatili ng mabuting kalusugan nito.

Kapag pinabayaan ng isang tao ang kanyang mga gilagid, maaari siyang magkaroon ng sakit sa gilagid. Ang uri ng sakit na ito ay mula sa simpleng pamamaga ng gilagid, o gingivitis, hanggang sa malubhang pagkasira ng tissue at butong sumusuporta sa ngipin (periodontitis). Sa mga malulubhang kaso, may mga indibidwal na maaaring mawalan ng ngipin.

Mga Uri Ng Sakit Sa Gilagid

Ang gingivitis  ay isang hindi gaanong malubhang sakit sa giligid. Ito ay karaniwang nauuna sa periodontitis, isang sakit sa gilagid na humahantong sa pagkawala ng ngipin sa mga nakatatanda. Gayunpaman, hindi lahat ng kaso ng gingivitis ay humahantong sa periodontitis.

Sa gingivitis, ang gilagid ay namumula at namamaga, at madali ring dumugo. Dahil ito ay hindi gaanong malubhang anyo ng sakit sa gilagid, ito ay madaling gumaling sa pamamagitan ng araw-araw na pagsisipilyo at pag-floss ng ngipin, at sa pamamagitan ng regular na paglilinis ng isang dentista o dental hygienist. Kung ang gingivitis ay hindi ipinagamot, maaari itong humantong sa periodontitis.

Ang periodontitis ay ang pangunahing sanhi ng pagkawala ng ngipin sa mga nakatatanda. Kung ang isang tao ay may periodontitis, ang kanyang mga gilagid ay humihiwalay mula sa mga ngipin at nagkakaroon ng tila mga bulsa na may impeksyon.

Kung hindi magagamot, ang mga buto, gilagid, at kaugnay na tissues na sumusuporta sa mga ngipin ay masisira. Ngunit ang pinsala ay hindi lamang sa bibig. Ang sakit sa gilagid ay nauugnay din sa mas mataas na tyansa ng pagkakaroon ng mga malulubhang degenerative na sakit.

Sa paglipas ng mga taon, natuklasang ang mga taong may periodontitis ay may mas mataas na tyansang magkaroon ng cardiovascular disease, diabetes, malubhang sakit sa respiratory, komplikasyon sa pagbubuntis, at dementia.

Mga Karaniwang Sanhi Ng Sakit Sa Gilagid

Pangunahing sanhi ng sakit sa gilagid ang plaque. Gayunpaman, may iba pang mga salik na maaaring magkadagdag sa problemang ito. Ang hormonal changes na nangyayari sa panahon ng pagbubuntis, pagdadalaga o pagbibinata, menopause, at buwanang regla ay maaaring maging magdulot ng pagiging mas sensitibo ng gilagid. Dahil dito, maaaring mas madaling magkaroon ng gingivitis.

Ang ibang mga sakit ay maaari ding makaapekto sa kondisyon ng gilagid. Kabilang dito ang cancer o HIV, na nakaaapekto sa immune system. Ang mga taong may diabetes ay mayroon ding mas mataas na tyansang magkaroon ng mga sakit sa gilagid dahil sa kakayahan ng katawan na gamitin ang mga blood sugar. Isa pang salik ay ang mga gamot. Nagiging sanhi nang kaunting pagdaloy ng laway (na nagsisilbing protective film sa ngipin at gilagid) ang ibang gamot. Ang ilan naman ay maaari ding maging sanhi ng hindi normal na paglaki sa gum tissue.

Ang mga masasamang gawi tulad ng paninigarilyo ay maaari ding maging sanhi upang maging mas mahirap sa gum tissue na gamutin ang sarili.

At huli, ang family history ng sakit sa ngipin ay maaaring maging salik sa pagkakaroon ng sakit sa gilagid.

Mga Vitamins Para Sa Gilagid

Ang pagkakaroon tamang vitamins para sa gilagid ay nangangahulugan ng pagkain ng malusog na diet. Bagama’t karaniwan na ang balanseng diet, mas bibigyang-diin dito ang mga tamang vitamins para sa gilagid.

Vitamin C

Una sa mga vitamins para sa gilagid ay ang vitamin C. Pinalalakas ng vitamin na ito ang immune system, kaya’t nagiging mas malakas ang katawan laban sa mga impeksyon, kabilang ang mga sakit sa gilagid. Kasama sa iba pang mga benepisyo nito ay ang pagtulong sa katawan na ayusin ang nasirang tissues at pagbibigay ng proteksyon laban sa mga problema sa cardiovascular, prenatal issues, mga sakit sa mata, at pagkulubot ng balat.

Omega-3 Fatty Acids

Ang kasunod na vitamin ay ang Omega-3 fatty acids. Dahil ang ating katawan ay hindi natural na nagpoprodyus nito, kailangan nating makuha ang mga ito mula sa ating diet.

Ang flaxseed at canola oil, soybeans at tofu, walnuts, cod liver, at isda tulad ng mackerel, tuna, at salmon ay mayamang mapagkukunan ng omega-3 fatty acids. Natuklasan sa ilang ebidensya na ang mga taong  may diet na mataas sa omega-3 fatty acids ay may mas mababang tyansang magkaroon ng periodontitis. Nagbibigay ang mga ito ng mga mahahalagang sustansya at pinipigilan din ng mga ito ang pamamaga.

Vitamin D

Ang huling vitamin para sa gilagid ay ang vitamin D. Ito ay mahalaga para sa mga buto, cells ng dugo, at immune system.

Kadalasan, ang produksyon ng vitamin D ay nangyayari kapag ang sikat ng araw ay tumama sa balat, ngunit ito ay maaari ding makuha sa mga pagkain at supplements. Kinabibilangan ng salmon, yogurt, portabella mushroom, tuna, at dairy at non-dairy milk ang mga pagkaing mayaman sa vitamin D.

Key Takeaways

Ang pagpapanatiling malusog ng gilagid ay nakapipigil sa pamamaga, pagkawala ng ngipin, at mas malubhang komplikasyon. Ang mga vitamin para sa gilagid ay maaari ding mapatunayang kapaki-pakinabang upang mapanatili ang kabuoang kalusugan. Kumonsulta sa dentista tungkol sa kalusugan ng gilagid.

Matuto pa tungkol sa mga Sakit sa Gigilagid at Bibig dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Periodontitis, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/periodontitis/symptoms-causes/syc-20354473#:~:text=Periodontitis%20, Accessed March 19, 2021

Why Your Gums Are So Important to Your Health, https://www.health.harvard.edu/heart-health/why-your-gums-are-so-important-to-your-health, Accessed March 19, 2021

The Benefits of Vitamin C, https://www.webmd.com/diet/features/the-benefits-of-vitamin-c#1, Accessed March 19, 2021

Foods High in Vitamin D, https://www.webmd.com/vitamins-and-supplements/ss/slideshow-foods-high-in-vitamin-d, Accessed March 19, 2021

Omega-3 Fatty Acids, https://www.webmd.com/diet/supplement-guide-omega-3-fatty-acids#1, Accessed March 19, 2021

Kasalukuyang Version

03/10/2023

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Grazielle Millo-Paderes, DDM, MSc

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Gingivitis: Ano ang sanhi nito, at ano ang dapat gawin?

Alamin: Mga Pambihirang Sakit Sa Dila


Narebyung medikal ni

Grazielle Millo-Paderes, DDM, MSc

Dentistry · Unihealth-Parañaque Hospital and Medical Center


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement