Matagal nang idineklara ng World Health Organization na ang obesity ay isang lumalaking epidemya sa buong mundo. Ito ay hindi lamang dahil maraming tao ang may labis na timbang, subalit mabilis na dumarami ang mga kaso nito. Maaaring karamihan sa mga kaso ay maipaliwanag ito sa pamamagitan ng mga pagbabago sa diet at paraan ng pamumuhay, ngunit hinihinala ng mga eksperto na ang nutrisyon at hindi pagiging aktibo ay hindi lamang ang mga natatanging salik. Pinaniniwalaan nilang ang mga kemikal sa plastic materials na ginagamit araw-araw ay nagpapabago sa ating metabolismo na dahilan upang mabilis na tumaas ang ating timbang. Maaari nga ba na ang simpleng paggamit ng plastic water bottle ay maaaring humantong sa pagtaas ng timbang? Alamin sa artikulong ito.
Ano Ang Mayroon Sa Paggamit Ng Plastic Water Bottle?
Lumalabas na ang mga ordinaryong produktong plastic, tulad ng pinakakaraniwang plastic water bottle, ay naglalaman ng “metabolism-disrupting chemicals” o MDCs na nagiging sanhi ng obesity sa cell at mga ginagamit na hayop sa eksperimento.
Ang ilan sa mga pinakakaraniwang kemikal sa plastics na itinuturing bilang MDCs ay ang phthalates at bisphenols.
Sa isang pag-aaral, sinuri ng mga mananaliksik ang 34 na plastic products na ginagamit araw-araw. Natuklasan nila ang mahigit 55,000 na kemikal, 629 sa mga ito ay kakaiba, at ang 11 naman ang MDCs.
Kanilang sinabi na ang araw-araw na plastic products ay may sangkap na MDCs. Gayunpaman, maaari itong maging “mahalaga, subalit minamaliit na salik sa obesity.”
Nakaaalarma: Ang Mga Kemikal Mula Sa Plastic Ay Maaaring Makapasok Sa Katawan
Sa puntong ito, maaaring ikaw ay nagtataka: Paano nakakaapekto sa akin ang mga kemikal mula sa plastic kung hindi nakapapasok ang mga ito sa aking katawan? Ang problema ay posibleng makapasok ang mga kemikal na ito sa pamamagitan ng leaching.
Ang leaching ay proseso kung saan ang solute (kemikal) ay humihiwalay mula sa pinanggalingan nito (plastic) dahil natutunaw ito (sa tubig).
Sa ngayon, napatunayan ng mga siyentipikong imbestigasyon na ang plastic products ay naglalabas ng mga kemikal. Sa katunayan, sinabi ng mga awtoridad na ang plastic water bottle ay maaaring maglabas ng kemikal sa nilalaman nitong inumin, lalo na sa katagalan ng produkto at kung malalantad sa init.
Maaaring kaunti maliit lamang kemikal na lumalabas, ngunit patuloy na inaalam ng mga siyentista ang pangmatagalang epekto ng mga ito. Maraming tao ang gumagamit ng iba’t ibang plastic products sa pang-araw-araw.
Metabolism-Disrupting Chemicals (MDCs)
Alam natin na ang plastic ay naglalaman ng MDCs at ang plastic products ay maaaring maglabas ng mga ito (at pumasok sa loob ng ating katawan). Ngunit, paano nga bang ang mga kemikal na ito ay nagiging sanhi ng obesity?
Sa pag-aaral na nabanggit sa itaas, natuklasan ng mga imbestigador na ang disruptors ay nakapagpapalaki at nakapagpaparami ng fat cells sa mga ginamit na hayop sa pag-aaral. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng “reprogramming” ng precursor cells upang madebelop bilang adipose o fat cells.
Ang mas nakaaalarma ay nakita sa pag-aaral na ang MDCs ay hindi lamang nagpapataas sa tyansa ng obesity. Nababahala ang mga eksperto na maaari din itong makaapekto sa pagkakaroon ng iba pang metabolic na sakit, tulad ng type 2 diabetes at non-alcoholic fatty liver disease. Maaari ding maging sanhi ang mga kemikal na ito ng sakit o tumaas ang ating pagiging sensitibo sa mga ito.
Paano Mabawasan Ang Pagkakalantad Sa MDCs?
Ngayong alam natin na ang paggamit ng plastic water bottle o iba pang plastic products ay maaaring maging sanhi ng pagtaas ng timbang, mainam na ideya na bawasan ang pagkakalantad sa mga ito. Paano natin ito magagawa?
Ang unang hakbang ay ang pag-iwas sa paggamit ng plastic products, maging ng mga ordinaryong plastic water bottle, sa lahat ng posibleng pagkakataon. Isaalang-alang ang paggamit ng mga babasaging mga bote. Huwag ding ilagay ang tubig sa plastic sa loob ng matagal na panahon o inumin ang tubig kung ang lagayan ay nalantad sa init.
Hangga’t maaari din, huwag mag-init ng pagkain sa mga plastic na lalagyan. Mas mainam kung illiipat ang pagkain sa ibang microwave-safe na mga lalagyan.
Maaaring hindi posibleng alisin ang plastic sa buhay, ngunit maaari nating limitahan ang oras na ang ating mga pagkain at inumin ay nalantad sa mga ito.
[embed-health-tool-bmi]
Key Takeaways
Maging ang ordinaryong paggamit ng plastic water bottle ay maaaring maging sanhi ng pagtaas ng timbang. Ipinakita ng pananaliksik na marami pang ibang plastic products na naglalaman ng metabolism-disrupting chemicals ang nakapagpaparami at nakapagpapalaki ng fat cells. Subukang bawasan ang oras na ang ating mga pagkain at inumin ay nasa plastic na lalagyan.
Matuto pa tungkol sa Tips sa Masustansyang Pagkain dito.