backup og meta

Anu-ano ang Nagpapataas ng Panganib ng Obesity?

Anu-ano ang Nagpapataas ng Panganib ng Obesity?

Higit pa sa dami ng tasa ng kanin o palaging pag-upo sa sopa ang bumubuo sa mga panganib ng obesity. Katulad nito, mas komplikado ang obesity kaysa sa simpleng pagkakaroon ng mataas na body-mass index (BMI). Tulad ng ibang sakit, may personal, environmental, at genetic factors na pumapasok sa obesity. Nangangahulugan ba na nakatadhanang maging overweight o obese ang isang tao? Hindi. Magbasa pa upang maunawaan kung anong panganib ng obesity ang nasa iyong kontrol at alin ang hindi.

Mga panganib ng obesity

Paraan ng pamumuhay

May malaking impluwensya sa iyong katawan at kalusugan ang paraan ng iyong pamumuhay. Ang pagpili ng pagkain ng salad sa imbis na kumain ng fries ay makakatulong ng malaki sa pag-improve ng energy mo para sa araw at sa pagbawas ng waistline mo sa katagalan. Maaari kang pumunta ng gym, ngunit hindi ito para sa lahat ng tao, kaya naman ag low-impact exercises at activities tulad ng paggamit ng hagdan imbis na elevator, ay malaki na ring hakbang patungo sa tamang direksyon.

panganib ng obesity

Bagaman ang pag-da-diet at pag-eehersisyo ang pinakamabisang paraan upang magpababa ng timbang para sa maraming tao, mahalagang tandaang maghinay-hinay dito at gawin ito nang tuloy-tuloy. Huwag matuksong gumamit ng shortcut at magsagawa ng mapanganib na fad diet. Maaari kang mabawasan ng timbang sa una ngunit pansamantala lamang ito. Ang pagsunod sa balanseng diet at exercise plans na may gabay mula sa doktor o nutritionist-dietitian ang pinakamabuting paraan para pangalagaan ang iyong timbang.

panganib ng obesity

Iba pang paraan ng pamumuhay na maaaring magpataas ng panganib ng obesity:

  • Paninigarilyo
  • Laging nakaupo o kaunting pisikal na aktibidad
  • Labis na pag-inom ng alak
  • Hindi makontrol na taas ng hypertension o kolesterol

Sa kabutihang palad, maaaring baguhin ang paraan ng pamumuhay. Kahit mahirap alisin ang mga nakasanayang gawi o masanay sa mga bago, sulit na sulit ang iyong pagsisikap para mapabuti ang iyong kalusugan.

panganib ng obesity

Genetic factors

Bakit madaling tumaba ang ilang mga tao habang nananatiling payat naman ang ilan kahit anong kinakain nila? Mukhang hindi patas, ngunit may malaking papel ang genetics sa maraming aspekto ng ating kalusugan.

Tingnan ang iyong mga magulang, kapatid, at kapamilya. Mas madalas sa hindi, mas marami kang mapapansing pagkakatulad kaysa pagkakaiba sa inyong tangkad, komposisyon ng katawan, at maging sa hitsura. Naiimpluwensyahan din ng genetics ang mga medikal na kondisyong nakukuha natin. Hindi katulad ng mga hitsura, hindi ito madaling mapalitan ng kaunting makeup.

Nakasalalay ang genetics sa ating DNA, na nagmula sa ating mga magulang. Naka-encode sa ating genes ang bawat detalye ng ating katawan at maaari silang magsilbi bilang predictor ng mga sakit tulad ng hypertension, diabetes, Alzheimer dementia, at maging obesity.

Kung genetics ang nagdidikta ng ating hitsura at panganib sa kalusugan, nangangahulugan bang wala na tayong magagawa sa mga binigay sa atin? Hindi sa ganoon. Kahit nagbibigay ng roadmap ang genetics para sa ating katawan, ang mga desisyon naman natin sa buhay ang nangunguna sa paglalakbay.

Walang sapat na katibayan upang ipakita na may isang gene na responsable para sa obesity. Ngunit may mga gene na ginagawang mas madaming kumain ang isang tao, magtago ng taba, at magkaroon ng insulin resistance. Lahat ng ito ay maaaring makaambag sa hindi ginugustong pagbigat ng timbang. Maaaring kailanganin mong magsumikap lalo upang malabanan ang mga hadlang na ito, ngunit hindi ito imposible sa tulong ng doktor.

Preexisting conditions

Nilalagay ka ng pagiging obese sa panganib na magkaroon ng iba pang mga sakit at vice versa. Sumusunod ang mga pre existing condition na maaaring magpataas ng panganib ng obesity:

  • Mga sakit sa puso
  • Physical injury
  • Type 2 diabetes at insulin resistance
  • Polycystic ovarian syndrome (PCOS)
  • Metabolic syndrome
  • Hypothyroidism

Iba pang panganib ng obesity na hindi mababago

Edad

Hindi lang numero ang edad. Gustuhin man natin o hindi, habang tumatanda tayo, bumabagal ang ating metabolismo at nagiging mas matigas ang ating katawan. Walang tiyak na edad kung saan magiging obese ang isang tao dahil may patuloy na pagtaas ng childhood obesity.

Bagaman hindi na natin maibabalik ang oras, makatutulong ang sapat na pahinga at pagkakaroon ng malusog na pamumuhay upang mapanatiling bata at masigla ang katawan.

Biological na kasarian

Maaaring makaimpluwensya ang kasarian natin sa pagsilang sa pagkakaroon ng ilang mga sakit. Halimbawa, karaniwang mas maraming taba sa katawan ang mga babae kaysa sa mga lalaki, ngunit mas karaniwan sa mga lalaki ang magkaroon ng hindi malusog na taba sa bewang. Gaya ng nabanggit kanina, nakadadagdag ang mga sakit tulad ng PCOS sa pagtaas ng timbang at obesity, at isa itong kondisyon na nakakaapekto lamang sa kababaihan. Ngunit tandaang isa lang ang biological na kasarian sa maraming salik na nakakaimpluwensya sa panganib ng obesity.

Etnisidad

Katulad ng genetics, makapagdadala din sa atin ng ilang mga sakit at kondisyon ang ating etnikong pinagmulan. Mas mataas sa ilang lahi at ethnic group ang panganib ng obesity, type 2 diabetes, hypertension, at iba pang mga sakit kaysa sa iba.

Sa America, may mas mataas na rate ng obesity at diabetes ang mga may lahing African at Hispanic anuman ang kasarian. May mas mababang BMI naman at mas maliit na tangkad kaysa sa ibang lahi ang kalalakihan at kababaihan sa Asya sa pangkalahatan, ngunit maaaring may mas maraming taba sa tiyan, na isang panganib ng obesity at sakit sa puso.

Socioeconomic factors

Kahit madalas hindi napapansin, higit na nakakaimpluwensya sa ating kabuuang kalusugan ang mga socioeconomic factors. Ang pagkakaroon ng malinis na tubig, paninirahan sa isang pamayanan na ligtas maglakad, at pagkakaroon ng sapat na kita para makabili ng sariwang pagkain (sa halip na de-lata o processed food), mas napapadali ng mga ito na mapanatili ang isang malusog na paraan ng pamumuhay. Mahirap mabago ang mga socioeconomic factor sa isang gabi lang, ngunit makatutulong ang pag-unawa sa iyong mga limitasyon na mapadali ang iyong pagpaplano.

Key Takeaways

Sa kabuoan, hindi lamang resulta ng pagiging tamad o kawalan ng motibasyon ang obesity. Maaari din maging obese kalaunan ang mga taong mukhang malusog dahil sa iba’t ibang dahilan. Kahit hindi maaaring baguhin ang mga bagay tulad ng genetics at etnisidad, maaaring malabanan ang obesity sa tulong ng diet, exercise, gamot, at operasyon (sa mas matitinding kaso). Makipag-ugnayan sa iyong doktor para makagawa ng health at lifestyle plan na angkop para sa iyo.

Matuto pa tungkol sa Healthy Eating dito.

[embed-health-tool-bmr]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Overweight and obesity https://www.nhlbi.nih.gov/health-topics/overweight-and-obesity Accessed January 5, 2021

Health risks of being overweight https://www.niddk.nih.gov/health-information/weight-management/health-risks-overweight Accessed January 5, 2021

Adult obesity causes & consequences https://www.cdc.gov/obesity/adult/causes.html Accessed January 5, 2021

Gene could help explain insulin resistance https://med.stanford.edu/news/all-news/2016/10/gene-could-help-explain-insulin-resistance.htm Accessed January 5, 2021

Prevalence of Obesity and Severe Obesity Among Adults: United States, 2017–2018 https://www.cdc.gov/nchs/products/databriefs/db360.htm Accessed January 5, 2021

Health risks https://www.hsph.harvard.edu/obesity-prevention-source/obesity-consequences/health-effects/ Accessed January 5, 2021

Metabolic syndrome https://www.nhlbi.nih.gov/health-topics/metabolic-syndrome Accessed January 5, 2021

Kasalukuyang Version

08/26/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Stephanie Nera, RPh, PharmD

In-update ni: Jaiem Maranan


Mga Kaugnay na Post

Pampawalang Gana Sa Pagkain: Nakakatulong Ba Ito Sa Pagpayat?

Mabagal Na Metabolism, Paano Nakakaapekto Sa Kalusugan?


Narebyung medikal ni

Stephanie Nera, RPh, PharmD

Pharmacology


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement