Isa sa pangunahing prayoridad ng mga magulang ay mabigyan ng masustansyang baon ang kanilang mga anak sa paaralan. At dahil dito, hindi na nakapagtataka kung maraming magulang ang naghahanap sa online ng mga masustansyang pagkain na pwedeng ipabaon sa anak.
Para masigurado natin na makukuha ng mga bata ang nutrisyon na kailangan ng kanilang katawan, maaari na pabaunan sila ng mga pagkain na nakaalinsunod sa balanced diet.
Batay kasi sa mga eksperto at sa iba’t ibang artikulo, ang pagkain ng angkop na dami ng Go, Grow, at Glow foods ay makakatulong upang magkaroon sila ng enerhiya sa buong maghapon, at makatanggap ng wastong nutrisyon.
Masustansyang Baon: Go Foods!
Isa sa 3 pangkat ng pagkain ang Go foods na nakakatulong sa pagkakaroon ng lakas ng isang tao. Ito rin ang nagsisilbing fuel sa pagkakaroon ng malusog na paggana ng utak ng isang tao at nagbibigay ng lakas sa iba’t ibang sistema ng ating katawan. Ang Go foods ay maaaring makita sa anyo ng mga pagkain na mayaman sa carbohydrates, sugar, at mga pagkain na nagtataglay ng fats.
Narito ang halimbawa ng Go foods na pwede mong ipabaon sa’yong anak:
- Tinapay
- Kanin
- Pasta
- Prutas
- Sweet Corn
- Good fats na mula sa mga mani at abokado
Masustansyang Baon: Grow Foods!
Pangalawa sa pangkat ng pagkain ang Grow foods, kung saan ito ang mga pagkain na mayaman o may mataas na protein. Malaki ang naitutulong nito sa pagpapalaki ng kalamnan ng katawan ng isang tao, at pag-repair sa mga cell, at paggawa ng hormones, antibodies, at enzymes.
Bukod sa nabanggit, nakakatulong din ang Grow foods sa pagkakaroon ng mas matibay nating mga buto at ngipin, at pagpaparami ng ating dugo. Kilala rin ang Grow foods sa benepisyo nito sa pagpapatangkad ng isang indibidwal.
Narito ang halimbawa ng Grow foods na pwede mong ipabaon sa’yong anak:
- Manok
- Karneng baka
- Baboy
- Isda
- Itlog
- Dairy products gaya ng keso, yogurt, at gatas
- Legumes tulad ng beans, green pease, at mani
Masustansyang Baon: Glow Foods!
Mayaman sa minerals at vitamins ang Glow foods na nakakatulong upang mapalakas ang ating immune system at malabanan ang mga sakit. Kilala rin ang Glow foods sa benepisyo nito na pagtulong sa pagpapagaling ng mga sugat, pag-repair ng mga nasirang cells, pagkakaroon ng magandang balat at buhok, malusog na kuko, at malinaw na mga mata.
Madaling makita ang Glow foods sa anyo ng mga prutas at gulay dahil kadalasan ay nagtataglay sila ng mayaman na minerals at vitamins.
Narito ang halimbawa ng Glow foods na pwede mong ipabaon at ihalo sa pagkain ng iyong anak:
- Whole grains
- Kasuy
- Mani
- Gatas
- Keso
- Mga dahon gaya ng lettuce at spinach
- Tahong
- Talaba
- Tulya
- Soymilk
- Soybeans
- Tokwa
- Taho
- Isda
- Karne ng baboy, manok, baka, at isda
- Makulay na prutas gaya ng manga, pinya, saging, melon, at ubas
- Malunggay
- Kangkong
- Kale
- Patatas
- Kamote
- Karot
- Kalabasa
- Green beans
- Brown rice
- Low-fat o nonfat milk
Key Takeaways
Para mas masigurado ang kalusugan ng anak, maganda kung iiwasan mo ang pagpapabaon sa kanila ng mga junk food at softdrinks bilang kanilang snacks at tanghalian. Mas mainam kung papabaunan sila ng mga pagkain na kabilang sa 3 pangkat ng pagkain. Kung pihikan ang iyong anak sa pagkain, pwede mong gawing exciting ang paraan ng paghahanda ng kanilang baon sa pamamagitan ng paggawa ng iba’t ibang recipe na papatok sa kanilang gusto at panlasa.
Hindi mo rin kailangan lagi gumastos ng malaki para lang makapaghanda ng kanilang baon. Maaari kang magtanim ng mga gulay at prutas sa’yong bakuran upang makatipid at masigurado na masustansya ang pagkain na maibibigay mo sa’yong mga anak. Lagi mo ring tatandaan na ang pagpapakain ng 3 pangkat na pagkain sa’yong anak ay makakatulong upang lumaki silang malusog at masigla.
Matuto pa tungkol sa Masustansyang Pagkain dito.
[embed-health-tool-bmr]