Kung may sinusunod ka na istriktong diet at exercise araw-araw, puede kang mag-expect na may resulta agad ito sa iyong timbang. Kaya lang, ang pagbaba ng timbang ay hindi ganoon kadali. Puedeng sa ilang tao madaling mabawasan ang timbang, pero madalas ay mahirap ito para sa karamihan ng mga sumusubok. Maaaring ang tanong mo, bakit ako hindi pumapayat sa exercise? Mula sa mga stressor mo sa paligid hanggang sa iyong genetic makeup, tingnan natin ang mga factor na puedeng dahilan ng hindi maipaliwanag na pagtaas ng timbang.
Uri ng Ehersisyo
Kung nag-eehersisyo ka araw-araw ngunit hindi pa rin pumapayat, subukang tingnan ang iyong workout plan. Mayroon ba itong tamang balanse ng ehersisyo sa strength training o kadalasan ba itong cardio? Maaaring isa iyon sa mga sagot sa tanong na, ‘bakit hindi pumapayat sa exercise?’
Kung ang iyong mga ehersisyo ay halos nakatutok sa cardio, subukang magdagdag ng higit pang strength training. Ang strength training ay maaaring bumuo ng mass ng muscles at mapataas ang iyong metabolismo, na ginagawang mas madaling magsunog ng mga calorie.
Karaniwang inirerekomenda na magsanay ng lakas para sa mga pangunahing grupo ng muscles nang hindi bababa sa dalawang beses sa isang linggo. Narito ang ilang karagdagang tip:
- Subukan ang body weight activities para mag-ehersisyo ng mga pangunahing muscle groups (dibdib, balikat, likod, braso, tiyan, at binti)
- Gumamit ng mga weights tulad ng mga barbell at dumbbell
- Mag-gym at subukan ang kanilang mga weight machine
Intensity ng Exercise
Bilang karagdagan, isaalang-alang ang pagtingin din sa intensity. Masyado mo bang pinipilit ang sarili mo? Masasabi mo bang ang iyong weight loss goals ay makatotohanan o parusa?
Kung masyado mong pinipilit ang iyong katawan, maaaring mauwi ito sa failure. Makinig sa iyong katawan kapag may masakit at magpahinga. Para sa strength training, mag-block ng isang buong araw para magpahinga sa pagitan ng bawat muscle group exercise. Pagkatapos ng isang mabigat na araw ng cardio, maaari mong subukan ang yoga o stretching exercises.
Mga Pagpipiliang Pagkain
Ang hindi inaasahang pagtaas ng timbang ay maaari ding may kinalaman sa iyong mga pagpipilian sa pagkain. Subukang suriin kung ano ang iyong kinakain. Kung gagawin ang low-carb o low-fat diet, narito ang ilang bagay na dapat isaalang-alang:
- Iwasan ang mga pagkaing mataas sa trans-fat tulad ng mga baked goods at pritong pagkain
- Iwasan ang mga pagkaing maraming asukal at asin
- Subukang kumain sa mas maliit na dami o bahagi. Ang layunin ay magsunog ng higit pang mga calorie kaysa sa iyong uubusin.
Ito ay mga pangkalahatang ideya sa pagbuo ng isang meal o diet plan. Kung gusto mo ng mas detalyadong payo, bisitahin ang isang dietician na makakatulong sa pagbuo ng isang personalized na diet plan.
Stress
Kung tinatanong mo ang iyong sarili, ‘ bakit ako hindi pumapayat sa exercise?’, maaaring isa sa mga sagot ang stress. Kung ikaw ay stressed, maaari kang mauwi sa hindi malusog na mga gawi sa pagkain nang hindi mo nalalaman. Maaaring ang iyong kinakain ay mga comfort food na kadalasang mataas ang calorie, mataba, at matamis.
Upang maiwasan ang pagtaas ng timbang na nauugnay sa stress, subukang bumuo ng healthy stress management at mga relaxation technique. Kilalanin ang iyong mga comfort food na hindi healthy at ilayo ang mga ito sa iyo para maiwasan ang tukso. Iwasang laktawan ang regular na oras ng pagkain dahil pinapataas nito ang tyansa na kumain ng sobra, at siguraduhing magkaroon ng sapat na tulog. Alamin kung kailangan nang humingi ng propesyonal na tulong.
Genetics
Maaaring magkaroon ng obesity bilang resulta ng mga partikular na genetic disorder tulad ng Bardet-Biedl syndrome (BBS) at Prader-Willi syndrome. Halimbawa, ang isang pasyente na may BBS ay maaaring may mga problema sa fat deposition sa tiyan, na humahantong sa abnormal na pagtaas ng timbang sa early childhood.
Gayunpaman, mahalagang tandaan na kahit ang genes ay maaaring maging dahilan ng isang tao na madaling magkaroon ng ilang mga kondisyon sa kanilang buhay, ang pag-uugali ay mayroon pa ding mahalagang papel. Maaari kang magkaroon ng kontrol at gumawa ng mga aksyon na magbibigay-daan sa iyo na mamuhay ng mas malusog.
Mahalagang Tandaan
Walang madaling sagot sa tanong na ‘ bakit ako hindi pumapayat sa exercise?’ Mabuting tingnan ang ilan sa mga factors na nakalista sa itaas.
Kung gusto mo ng personalized na payo sa pagbaba ng timbang, pinakamahusay na bisitahin ang iyong doktor. Sila ang nasa tamang posisyon para tulungan kang gumawa ng mas malusog na mga pagpipilian at isaalang-alang ang iyong mga natatanging pangangailangan.
[embed-health-tool-bmi]