Para sa karamihan, hindi big deal ang pagkakaroon ng trangkaso. Ito ay dahil, natural na kayang labanan ng ating katawan ang impeksyong ito. At gumagaling ang mga tao sa loob ng halos isang linggo. Gayon pa man, maraming tao ang gustong subukan ang mga home remedy sa trangkaso para sa mabilis na paggaling o mas mahusay na pamahalaan ang mga sintomas.
Epektibong Home Remedy sa Trangkaso
Kung minsan, ang remedy sa trangkaso ay maaaring okay o sablay. Pero ang mga home remedy na ito ay suportado ng science, o nagpapakita ng magandang resulta pagdating sa paglaban sa trangkaso. Narito ang ilang remedies na dapat mong subukan sa susunod na magkasakit ka ng trangkaso:
Uminom ng maraming tubig
May kasabihan na kapag nagka-trangkaso ka, kailangan mong uminom ng maraming tubig para malunod ito. Bagama’t hindi literal na nalulunod ng tubig ang virus ng trangkaso, ang pagiging hyrated ay malaking tulong sa paggaling.
Ang pag-inom ng tubig ang isa sa pinakamahusay na home remedy sa trangkaso. Dahil tinutulungan nito ang katawan na alisin ang anumang mikrobyo. Nakatutulong din itong maging moist ang ilong, bibig, at lalamunan mo. Ang pagkakaroon ng flu o trangkaso ay pwedeng magpataas ng risk mo na ma-dehydrate. Kaya ang pag-inom ng mas maraming tubig ay maaaring makatulong na maiwasan ito na mangyari.
Maaaring makatulong ang Vitamin C
Ang Vitamin C ay hindi magic na gamot sa trangkaso. Pero, makakatulong ito na palakasin ang immune system. Ibig sabihin, makakatulong itong mapabilis ang oras ng paggaling mula sa trangkaso. Siguraduhin lamang na iwasan ang pag-inom ng sobrang Vitamin C lalo na kung kumakain ka naman ng maraming prutas bilang bahagi ng diet mo.
Ang dahilan ay ilalabas lamang ng katawan mo ang anumang labis na Vitamin C na iniinom mo. Kaya naman, kung umiinom ka ng masyadong maraming Vitamin C, maaaring nasasayang mo lang ang pera mo. Ganun din sa iba pang Vitamins.
Chicken Soup
Magugulat ka na na ang sopas ng manok ay talagang napakaepektibo na home remedy sa trangkaso. Ang chicken soup, at mga sopas sa pangkalahatan, ay nakakatulong na panatilihing hydrated ka, manatiling warm, at sa kabuuan ay nagpapagaan ng pakiramdam mo.
Kahit na hindi nito ginagamot ang trangkaso, ang pag-inom ng ilang sopas ay nakakatulong makayanan ang mga sintomas.
Nasal drops at sprays
Kung may sipon ka kasabay ng trangkaso, ang nasal drops at sprays ay mahusay ng home remedy. Nakakatulong ang mga ito na mapawi ang anumang pagkabara at tumulong sa pag-hydrate ng mga sinuses mo na nakakabawas ng pamamaga.
Ang Salabat: nakakatulong sa pagduduwal at sakit ng tiyan
Kung minsan, ang mga taong may trangkaso ay maaari ding makaranas ng pagduduwal at pagkasira ng tiyan. Ang isang mahusay na paraan upang makatulong na pamahalaan ang mga sintomas na ito ay ang pag-inom ng ginger tea o salabat.
Maghiwa lang ng kaunting luya, pakuluan ito sa tubig, at magdagdag ng honey o lemon juice para sa pampalasa. Ito ay isang mahusay na paraan upang maibsan ang sumasakit na sikmura, at maaari din nitong i-clear ang sinuses, mapawi ang pamamaga ng lalamunan, at paginhawahin ang iyong pakiramdam.
Maaaring makatulong din ang Elderberry
Mayroong ilang mga pag-aaral na nagpapakita na ang elderberry ay nakakatulong na palakasin ang immune system at labanan ang trangkaso. Gayunpaman, higit pang mga pag-aaral ang kailangang gawin tungkol sa pagiging epektibo nito na home remedy sa trangkaso.
Sa kabila nito, sulit pa rin itong subukan, hangga’t kumunsulta ka muna sa iyong doktor.
Magpahinga ng husto
Panghuli, kakailanganin mong magpahinga nang husto kung magkasakit ka ng trangkaso. Ang sapat na pahinga ay nakakatulong sa iyong katawan na gumaling mula sa sakit. At nagbibigay din sa iyong immune system ng magandang pagkakataon na labanan ang trangkaso.
Mga Paalala
Iwasan ang paggawa ng anumang bagay na mabigat, at subukang manatili sa kama at magpahinga hangga’t maaari kung may trangkaso. Sa ganitong paraan, maaari mong mapabilis ang recovery mo. Para sa anumang mga alalahanin, kumunsulta sa iyong doktor para sa iba pang mga home remedy sa trangkaso.