backup og meta

Anu-Ano Ang Benepisyo Ng Aerobics Sa Kalusugan?

Anu-Ano Ang Benepisyo Ng Aerobics Sa Kalusugan?

Ang aerobic exercise, na tinatawag ding cardio, ay mga pisikal na ehersisyo na nangangailangan ng oxygen sa buong proseso. Kinakailangan ang sapat na oxygen upang maging tugma sa lakas na kailangan ng katawan dulot ng aerobic metabolism. Marami ang benepisyo ng aerobics sa kalusugan.

Ang mga ganitong uri ng ehersisyo ay maaaring madali hanggang sa mahirap, mula sa paglalakad hanggang sa jogging, hanggang sa malayuang pagtakbo, o maging paglalangoy.

Kabilang sa aerobic exercises ang paulit-ulit na kilos ng malaking grupo ng muscles sa iyong katawan, tulad ng braso, binti, at torso.

Habang ipinagpapatuloy ang ehersisyong ito, magiging mas malalim at mas mabilis ang iyong paghinga upang matiyak na nakukuha ng iyong dugo ang kinakailangang pinakamaraming oxygen. Kaya naman ang iyong puso ay tumitibok nang mas mabilis upang makapagdala at mapataas ang pagdaloy ng dugo sa iyong muscles.

Ano-Ano Ang Mga Benepisyo Ng Aerobics Sa Kalusugan?

Kung gagawin nang wasto at regular, sinuman ay masisiyahan sa benepisyo ng aerobics sa kalusugan.

1. Napauunlad Ang Physical Fitness

Pinauunlad ng aerobic exercises ang pangkalahatang physical fitness. Ito ay dahil nakatuon ito sa mga pangunahing grupo ng muscles ng katawan.

Sa mga ilang unang sesyon, karaniwan ang makaramdam ng pagkapagod matapos gawin ang cardio exercises. Ito ay lalo na kung hindi ka sanay sa paggawa ng maraming pisikal na gawain.

Subalit sa pagpapatuloy ng iyong mga gawing pang-ehersisyo, mapapansin mo ang malaking pag-unlad sa iyong lakas, stamina, at tatag. Sa mga susunod na pag-eehersisyo ay bahagyang kapaguran na lamang ang iyong mararamdaman.

2. Nagbibigay-Proteksyon Laban Sa Mga Virus

Ang regular na aerobic exercise ay nakatutulong upang maging aktibo at malakas ang iyong resistensya.

Bababa ang tyansang magkararoon ka ng mga sakit na dulot ng virus, tulad ng sipon at trangkaso. Mainam din itong paraan upang ihanda ang iyong sarili sa ibang karamdaman.

3. Napalalakas Ang Kalusugan Ng Puso

Isa sa mga mahahalagang benepisyo ng aerobics sa kalusugan ay napabubuti nito ang kalusugan ng puso.

Sa pamamagitan ng ehersisyo, napabubuti ang sirkulasyon ng dugo at nagiging mas episyente ang pagganap ng puso. Mapapansin mo rin ang pagbabago sa iyong stamina at katatagan.

Nakatutulong din ang regular na aerobic exercise upang maging malinis ang arteries at nababawasan ang tyansa ng pagkakaroon ng mga sakit tulad ng altapresyon at stroke.

4. Napabababa Ang Tyansa Ng Pagkakasakit

Sa pamamagitan ng regular na cardio exercises, lubhang bababa ang tyansa o maiiwasan ang pagkakaroon ng maraming problema sa kalusugan tulad ng obesity, altapresyon, diabetes, at stroke.

Marami sa mga ito ay itinuturing na mga sakit na kaugnay ng paraan ng pamumuhay. Nangyayari ang mga ito dulot ng laging pag-upo, pagkain nang marami, at hindi masyadong pagkikilos, at iba pang bisyo na nakaaapekto sa kalusugan.

Ang 30 minuto hanggang isang oras na paglalakad o jogging ay nakatutulong upang maiwasan ang mga problemang ito.

5. Nakapagpapabuti Ng Mood

Kung ikaw ay nagsasagawa ng cardiovascular exercises, ang iyong katawan ay naglalabas ng endorphins. Ang mga ito ay natural na pantanggal ng sakit na dahilan upang ikaw ay makapag-ehersisyo nang matagal nang hindi napapagod o napupwersa.

Kilala rin ang endorphins bilang sanhi ng kasiyahan at kagalingan. Ang ehersisyo ay nakapagbibigay ng kasiyahan na nakapagpapabuti ng iyong mood sa buong araw.

6. Panlaban Sa Pagkakaroon Ng Edad

Ang pagtanda ay hindi maiiwasan. Sa ating pagtanda, ang ating buhok ay nagiging kulay abo, nagsisimulang lumundo ang ating mga balat, at mas mabilis tayong mapagod. Sa pamamagitan ng cardio exercises, maaari mong mapigilan ang pagtakbo ng oras sa pamamagitan ng pagpapanatili ng malakas at malusog na muscles.

Kung ikaw ay mag-eehersisyo, hindi madaling mawawala ang iyong kakayahang kumilos nang mabilis. Maaaring mabawasan ang tyansa ng pagkahulog at injuries kung sa edad na 60 ay nananatili pa rin malakas at maliksi. Maaari ding mapanatili ng aerobic exercises ang iyong matalas na pag-isiip upang maprotektahan ang iyong memorya habang ikaw ay tumatanda.

Mga Paraan Upang Kawilihan Ang Mga Benepisyo Ng Aerobics

1. Magkaroon Ng Iskedyul Ng Pag-eehersisyo

Kahit na ang magagawa mo lamang ay jogging o pagtakbo sa hapon sa loob ng 30 minuto hanggang 1 oras dahil sa pagiging abala, mas mainam pa rin ang pagkakaroon ng iskedyul at manatili sa pagsasagawa nito.

Kung gusto mo mang gawin ito tuwing makalawa o araw-araw sa loob ng maikling oras, mahalagang panatilihin ang gawing ito hanggang sa makasanayan ng iyong katawan. Kung hindi ka na masyadong pinagpapawisan, kinakailangan nang dagdagan ang hirap ng iyong ehersisyo depende sa iyong layuning pangkalusugan.

2. Huwag Magpakapagod Kung Nakaligtaang Makapag-Ehersisyo

Kung may isang araw sa iyong iskedyul na hindi ka nakapag-ehersisyo, posibleng ang iyong gawin ay ang pagbawi sa susunod na araw. Ang pagbawi sa nakaligtaang araw na pag-eehersisyo ay hindi makatutulong.

Mawawalan ka ng sapat na oras upang gumaling nang sa susunod na pagkakataon ay makapag-ehersisyo ka nang mabuti. Magugulo ang iyong buong iskedyul at walang magiging pagbabago sa iyong katawan. Sa halip na mag-ehersisyo nang lubos sa mga susunod na pagkakataon, maaaring magdagdag na lamang ng isa hanggang dalawang araw na pag-eehersisyo.

[embed-health-tool-bmi]

3. Magpahinga Kung Sumasakit Ang Katawan

Kung nakararamdam ng pagsakit ng katawan, hayaang makapagpahinga ang katawan kaysa sagarin ang sarili sa pag-eehersisyo. Kinakailangan ng iyong muscles ng oras upang gumaling at makapagpahinga. Kung hindi mo susundin ang pangangailangan ng iyong katawan, maaaring humantong ito sa mas malubhang sitwasyon.

Kung sa iyong palagay ay matagal kang nakaupo, ang unang kinakailangang gawin ay ang tumayo, iunat ang hita, at gumalaw-galaw. Maraming ehersisyo ang maaaring gawin kahit sa limitadong panahon at espasyo.

Maaaring gawin ang aerobic o cardiovascular exercises, na may madali hanggang sa mahirap na mga ehersisyong maaaring pagpilian. Simulan ang pag-eehersisyo ngayon at ikasiya ang mga maibibigay na benepisyo nito sa iyong hinaharap.

Matuto pa tungkol sa Cardio at Endurance dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Why endorphins (and exercise) make you happy, https://edition.cnn.com/2016/01/13/health/endorphins-exercise-cause-happiness/index.html, Accessed June 12, 2020

5 signs you’re working out too hard, https://www.nbcnews.com/better/lifestyle/5-signs-you-re-working-out-too-hard-ncna1053186, Accessed June 12, 2020

Aerobic exercise: Top 10 reasons to get physical, https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/fitness/in-depth/aerobic-exercise/art-20045541, Accessed June 12, 2020

Benefits of Exercise, https://medlineplus.gov/benefitsofexercise.html, Accessed June 12, 2020

Kasalukuyang Version

10/06/2022

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Mike Kenneth Go Doratan, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

7 Full body exercises na makatutulong sa iyong kalusugan

Ano ang Cardio Exercise, At Paano ito Nakatutulong sa Kalusugan?


Narebyung medikal ni

Mike Kenneth Go Doratan, MD

General Surgery · The Medical City Ortigas


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement