Nauuri sa dalawa ang Diabetes – ang type 1 at type 2. Pareho itong may kinalaman sa mataas na blood sugar. Isa sa mga unang dapat ikonsidera sa mga pasyente ay ang nutrisyon. Kaya naman mahalaga ang pagkakaroon ng magandang healthy meal plan sa pagkontrol ng sakit na ito. Sa paghahanda ng healthy meal plan, kailangan mo ring isaalang-alang ang mga inuming maaari mong isama sa iyong diet. Kaya naman, anong inumin para sa diabetes ang pinakamaganda? Kung may mga inuming maaaring maging sanhi ng mabilis na pagtaas ng blood sugar, ano ang inumin para sa diabetes ang pwedeng isama sa diet?
Narito ang listahan.
Ang Pinakamagandang Inumin Para sa Mga Pasyenteng May Diabetes
Tubig
Dapat bang uminom ng tubig ang mga diabetic? Walang duda, tubig ang palaging pinipili. Wala itong calorie, walang asukal o starch. Nakaaapekto rin sa mental at pisikal na kalusugan ang pananatiling hydrated dahil ang bawat sistema sa ating katawan ay nangangailangan ng tubig upang gumana.
Minsan, maaari mo ring maipagkamali ang pagkauhaw sa pagkagutom o pananabik sa matatamis. Ito ang nagtutulak sa iyo upang humanap o uminom ng soft drinks o mga juice. Kung mahilig ka sa matamis, subukang uminom ng isang basong tubig muna upang malaman kung paano tutugon ang iyong katawan.
Gatas
Minsan, kailangan ng katawan ng higit pa sa tubig. Pwede mong piliin ang gatas. Ang skim o soy milk, rice milk, o ang mga unsweetened ay makapagbibigay ng calories, vitamins, at minerals. Mahalaga dito na piliin mo ang unsweetened milk.
Herbal tea
Isa ang herbal tea na magandang inumin para sa diabetes, lalo na kung nais mo ng pagbabago sa lasa. Sa pamamagitan ng pagpapakulo ng tubig na may herb, pwede ka nang magkaroon ng masarap at masustansyang inumin. Maaari kang gumamit ng licorice root para sa medyo matamis na lasa na hindi makapagpapataas ng iyong blood sugar.
May ilang mga pag-aaral ding nagsasabi na nakatutulong upang mapababa ang blood sugar sa mga taong may diabetes ang licorice extract.
Fruit juice
Ano ang dapat inumin para sa diabetes? Ang purong fruit juices ay napakaganda para sa mga taong may diabetes. Gayunpaman, dahil may sugar ang mga juice na mula sa prutas, hindi ang fiber, kailangan mo ring limitahan ang pag-inom nito.
Ang pagkontrol sa dami ng iinumin ang susi upang makontrol ang pagkonsumo ng carbohydrate kapag umiinom ng juice kasabay ng pagkain. Pwedeng tumaas ang blood sugar sa pag-inom ng juice, ngunit ang kombinasyon ng pag-inom ng juice at pagkonsumo ng iba pang pagkain ay pwedeng makatulong upang maiwasan ito.
Tamang dami ng kape at tsaa
Maraming debate hinggil sa kung dapat ba o hindi na uminom ng kape ang mga may diabetes. Maaaring may panandaliang hindi magandang epekto ang pagkonsumo ng kape, ngunit ang matagal na pagkonsumo nito ay nakitaan ng ilang benepisyo.
Sa tamang dami ng pag-inom, maaaring magbigay ng energy ang kapeng may caffeine at tsaa nang hindi tumataas ang sugar tulad ng iba pang inumin. Gayunpaman, dapat mong iwasan ang maaasukal na kape at tsaa.
Pinakamasamang Inumin Para sa Diabetes
Mga soda at energy drink
Ano ang hindi dapat inumin para sa diabetes? Ang mga soft drink at iba pang maasukal na inumin ay nakapagpapataas ng panganib ng type 2 diabetes.
Para sa mga taong mayroong diabetes, nagbibigay ang inuming ito ng maraming asukal nang hindi nangangailangan ng higit na digestion. Kapag uminom ka ng soda nang walang kasamang masustansyang pagkain, mapapataas nito ang iyong blood sugar. Ang pinakamagandang paraan upang pantay na maibahagi sa iyong katawan ang carbohydrates ay iwasan ang maaasukal na soda at energy drink.
Fruit cocktails
Ang ganitong mga inumin ay maasukal at lasang tulad ng fruit juice, ngunit madalas na mataas sa sugar o corn syrup. Nakapagdudulot ng biglang pagtaas ng blood sugar ang mga sangkap na ito tulad din kapag uminom ka ng soda.
Nagbibigay ito ng maraming carbohydrates ngunit kaunti lang ang nutritional value kumpara sa tunay na fruit juice. Pwede kang uminom ng tamang dami ng fruit juices at dapat namang iwasan ang cocktails.
Mga inuming may alak
Kaunti lamang ang dapat na inuming alak ng mga taong may diabetes. Pwedeng maging sanhi ng pagbagsak ng blood sugar ang alak. Maaari itong maging problema ng mga taong umiinom ng gamot na nagpapataas ng insulin level sa katawan. Kailangang inumin ang alak na may laman ang tiyan dahil maaaring lalong bumagsak ang iyong blood sugar kung iinom nang hindi pa kumakain.
Kung kaya mong kontrolin ang iyong blood sugar, pwede kang uminom ng light alcoholic beverages. Isang chronic disease ang diabetes. Mahirap sagutin ang tanong na ano ang inumin para sa diabetes. Ngunit kung alam mo kung paano isasama ang inuming maganda para sa diabetes sa iyong pang-araw-araw na diet, madali mo nang makokontrol ang iyong sakit.
Matuto pa tungkol sa Type 2 Diabetes dito.
[embed-health-tool-bmi]