Karaniwang nakakaalarma ang kondisyon ng diabetes sa buong mundo. Dahil malaki ang dala nitong panganib sa isang tao. Lalo na kung hindi ito mabibigyan ng angkop na medikal na atensyon at paggamot. Kaya’t marami ang naghahanap ng kasagutan kung paano mawala ang diabetes.
Ilan sa mga dapat tandaan ng mga diabetic ay ang pag-iwas sa mga pagkaing mataas sa carbohydrates at asukal. Dapat din silang maging aktibo araw-araw at magkaroon ng healthy lifestyle.
Mahalaga na i-manage ang diabetes dahil nakakatulong ito para maging maayos ang pakiramdam ng isang tao. Partikular na kung ang asukal sa dugo (glucose) ay normal at maganda. Sapagkat, pwedeng maging masigla ang isang tao at mabawasan ang pagkapagod nila. Nakakatulong din ito upang hindi maging madalas ang kanilang pag-ihi at maging mabilis ang paggaling ng mga sugat. Maiiwasan rin nito ang mga impeksyon sa balat at pantog.
Dagdag pa rito, sa pagkakaroon ng tamang management ng blood sugar mababawasan ang mga posibilidad ng problema sa kalusugan dulot ng diabetes. Tulad ng mga atake sa puso, stroke, problema sa mata, pagkirot at pamimintig ng kamay at paa — mga problema sa bato, ngipin at gilagid.
Basahin ang artikulong ito upang malaman pa ang mga bagay na pwedeng gawin para maging ligtas sa kabila ng pagkakaroon ng diabetes — at kung paano ito maaaring gamutin.
3 Uri Ng Diabetes
Narito ang mga uri ng diabetes na dapat mong malaman para sa’yong sariling kapakanan at kaligtasan:
- Type 1 diabetes — Hindi nakakagawa ang katawan ng isang tao ng insulin at malaking problema ito. Dahil kailangan ang insulin upang gawing enerhiya ng katawan ng tao ang asukal (glucose) — at nakukuha ang mga ito sa mga pagkain na kinokonsumo ng isang indibidwal. Sa madaling sabi, para mabuhay kinakailangan ng tao na magkaroon ng insulin.
- Type 2 diabetes — Ang katawan ng isang tao ay hindi nakakagawa o hindi nagagamit nang maayos ang insulin. Pwedeng uminom ng gamot o gumamit ng insulin ang isang tao para makontrol ang diabetes.
- Gestational diabetes — Nagkakaroon ang ilang mga kababaihan ng ganitong uri ng diabetes kapag buntis sila. Madalas nawawala rin ito pagkatapos nilang manganak. Subalit, nagkakaroon ng malaking posibilidad ang kanilang mga anak na magkaroon ng diabetes.
Nawawala Ba Ang Diabetes?
Sa katunayan, hindi napapawi ang type 1 diabetes at patuloy pa rin ang mga scientist sa pagdiskubre ng posibleng paggamot nito — upang tuluyang mawala ang uri ng diabetes na ito sa mga taong may taglay nito.
Habang ang type 2 diabetes at gestational diabetes ay mayroong posibilidad na mawala. Kagaya ng nabanggit sa unang bahagi ng artikulong ito. Maaaring magkaroon ng gestational diabetes ang isang babae sa kanilang pagbubuntis. Subalit, pwede itong mawala kapag nakapanganak na ang isang tao.
Maaari naman mawala ang type 2 diabetes sa pamamagitan ng pagsasaayos ng tamang level ng blood sugar at pagkakaroon ng malusog na lifestyle at diet. Tinatawag rin na “diabetes remission” ang pagkawala ng diabetes. Subalit, marami pa ring pag-aaral na kinakailangang isagawa upang mas maintindihan ang bagay na ito. Wala pa ring sapat na mga ebidensya kung maaari bang maging permanente ang pagkawala nito. Dahil sa maraming kaso, pwedeng bumalik ang diabetes. Kaya mahalaga pa rin ang pagsunod sa angkop na lifestyle at diet para sa isang tao kung sila’y na-diagnose dati na mayroong diabetes.
Paano Mawala Ang Diabetes?
Maraming paraan upang maiwasan, i-manage at makamit ang diabetes remission. Narito ang mga sumusunod na dapat mong tandaan para dito:
1. Bawasan o Iwasan Ang Stress
Maaaring makapagpataas ng blood sugar ang stress. Alamin ang mga paraan kung paano i-manage ang stress. Dahil makakatulong ito para mas ma-regulate ang antas ng asukal sa dugo.
2. Kumain Nang Maayos
Maganda kung ang iyong diet plan ay aprubado ng iyong doktor. Para masigurado na angkop ang iyong mga kakainin sa’yong kalagayan at treatment. Alamin ang mga pagkain at inumin na mabuti para sa’yo at iwasan ang mga hindi nakakabuti sa’yong kondisyon.
3. Paano Mawala Ang Diabetes: Maging Aktibo
Mainam kung magiging physical active o magkakaroon ng plano sa pag-eehersisyo upang mapalakas ang pangangatawan at maging masigla. Subalit, tandaan lamang na dapat gawin ang pagkilos at pag-eehersisyo batay sa pangangailangan. Maaaring humingi ng payo sa mga doktor at eksperto para sa mga ehersisyo na angkop para sa’yo.
4. Sundin Ang Self-Monitoring Tips
Ang pag-monitor sa blood sugar levels ay mahalaga para sa epektibong diabetes management. Pwede itong magawa sa simpleng mag-regulate ng meal scheduling, physical activity at wastong pag-take ng medication, kagaya ng insulin at mga gamot. Maganda rin kung laging titingnan kung normal ba ang blood pressure ng isang tao. Para mas mapanatili ang kaayusan at kalusugan ng isang tao.
5. Paano Mawala Ang Diabetes: Pagpapakonsulta Sa Doktor
Para maiwasan ang diabetes o magkaroon ng wastong management dito, ugaliing magpakonsulta sa doktor para sa mga medikal na payo at atensyon. Makakatulong ito para mas mapangalagaan ang sariling kalusugan at maiwasan ang anumang problemang pangkalusugan.
Key Takeaways
Matuto pa tungkol sa Diabetes dito.