Ang prostate cancer ay ang nangungunang uri ng cancer sa mga kalalakihan. Ito ay ang dahilan kung bakit mahalaga para sa mga kalalakihan ang gumawa ng mga mahahalagang hakbang upang mapababa ang tyansa ng pagkakaroon ng ganitong uri ng cancer. Kabilang dito ay ang mga pagkain para makaiwas sa prostate cancer. Ngunit gaano nga ba kaepektibo ang pagbabago ng iyong diet at pagkain para makaiwas sa prostate cancer? Anu-ano ang mga pagkaing dapat kainin?
Epektibo Ba Ang Pagbabago Ng Diet At Pagkain Para Makaiwas Sa Prostate Cancer?
Hindi na bago ang konseptong ang diet ay nakatutulong upang mapababa ang tyansa ng pagkakaroon ng tiyak na karamdaman. Sa katunayan, ang pagkain ng masusustansyang pagkain ay natuklasang lubhang nakapagpapababa ng pagkakaroon ng maraming mga sakit. Ngunit para sa mga mas malulubhang sakit tulad ng prostate cancer, gaano kaepektibo ang pagbabago ng iyong diet?
Batay sa mga pag-aaral tungkol sa diets at prostate cancer, ang mga kalalakihang na-diagnose ng prostate cancer ay hindi kinakitaan ng anumang malaking pagbabago sa kanilang cancer matapos nilang baguhin ang kanilang diet sa mas malusog na mga pagkain. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugang ang pagkain ay walang epekto, lalo pa na ang pagkain ng mga masusustansya ay mas nakapagpapalakas ng ating katawan.
Isa pang pag-aaral na isinagawa tungkol sa pag-iwas sa prostate cancer ay may magandang resulta. Ang mga resulta ng mga pag-aaral na ito ay nagmumungkahing ang pagkain ng masustansyang diet na mayaman sa prutas at gulay ay nakatutulong na makapagpababa ng tyansa ng pagkakaroon ng prostate cancer. Maraming pananaliksik ang tiyak na kinakailangan pang maisagawa, subalit ang mga impormasyong mayroon ngayon sa kasalukuyan ay maasahan.
Sa huli, tiyak na walang masama sa pagbabago sa mas masustansyang diet. Ang masustansyang diet ay nakapagpapababa ng tyansa sakit sa puso, diabetes, at maging ng obesity. Dagdag pa, natuklasan sa mga pag-aaral tungkol sa ibang uri ng cancers na ang masustansyang diet ay nakapagpapababa ng tyansa ng pagkakaroon ng ganitong uri ng sakit. Kaya ang pagkain ng mga mas masusustansyang pagkain ay nakatutulong sa pag-iwas sa pagkakaroon ng prostate cancer.
[embed-health-tool-bmi]
Pagkain Para Makaiwas Sa Prostate Cancer
Ang pinakasimpleng tuntunin sa pagkain ng masustansya ay unahin ang mga prutas at gulay, gayundin ang lean meats. Narito ang ilan sa mga mas tiyak na pagkaing maaaring isama sa iyong mas masustansyang diet:
Legumes
Ang legumes, na kinabibilangan ng soybeans, kidney beans, chickpeas, at lentils. ay lubhang mapagkukunan ng protina. Ang mga pagkaing ito ay mababa rin sa fat, nangangahuLugang mabuti ang mga ito sa kalusugan.
Subukang kumain ng kaunting legumes araw-araw upang makatulong na mapataas ang pagkain ng protina at bilang pamalit sa red meat.
Green Tea
Ang green tea ay isa sa mga maaasahang pagkain para makaiwas sa prostate cancer.
Ito ay mayaman sa mga kemikal na maaaring makatulong sa pagpapababa ng pagkakaroon ng tyansa ng prostate cancer at sa paglaban sa sakit na ito. Bukod dito, ang green tea ay puno ng antioxidants na panlaban sa pamamaga sa katawan.
Madadahong Gulay
Ang mga berdeng, madadahong gulay ay mabuting mapagkukunan ng fiber gayundin ng mga antioxidants, phytochemicals, bitamina, at mineral. Ibig sabihin lamang nito na ang mga ganitong gulay ay masusustansya at mabuti para sa iyo. Kaya dapat kang kumain ng mas marami nito.
Ang mga ito rin ay nakatutulong upang maiwasan ang pamamaga, na kaugnay ng prostate cancer. At ang mga berdeng, madadahong gulay na ito ay isa sa mga maaasahang pagkain para makaiwas sa prostate cancer.
Berries
Ang berries ay isa pang uri ng pagkain na puno ng antioxidants na nakatutulong upang maiwasan ang pamamaga. Ang mga ito rin ay mabuting alternatibo sa mga matatamis. Gayundin, nakapagbibigay ito ng iyong kinakailangang lakas. Ang berries ay nagtataglay din ng maraming mga bitamina at mineral na kinakailangan ng iyong katawan.
Sa halip na kumain ng chips at mga matatamis, maaaring subukan ang pagkain ng berries. Makatutulong ito sa iyong katawan.
Isda
Ang isda ay mabuting mapagkukunan ng protina, gayundin ng omega-3 na isang uri ng masustansyang fat. Subukang bawasan ang pagkain ng red meat, at sa halip ay piliin ang pagkain ng malalangis na isda tulad ng tuna, mackerel, at salmon.
Kamatis
At huli, ang kamatis ay lubhang mapagkukunan ng lycopene. Ang lycopene ay natuklasang mabisang antioxidant na lumalabas kapag niluluto ang kamatis. Kaya sa halip na kumain ng hilaw na kamatis, maaaring subukang lutuin muna ito bago kainin.
Key Takeaways
Mayroon bang mga pagkain para makaiwas sa prostate cancer? Bagama’t ang pagkain ay hindi direktang nakapagpapababa ng tyansa ng prostate cancer, ang pagkain ng mga masusustansyang pagkain ay maaaring mas makapagpalakas ng iyong katawan. Gayundin, mas napalalakas nito ang resistensya sa mga sakit. Laging mainam ang pagbabago sa mas masustansyang diet, dahil ang iyong katawan ay lubhang makikinabang mula rito.
Matuto pa tungkol sa Prostate Cancer dito.