Ano ang dapat gawin upang maiwasan ang colon cancer? Sa usapin ng pag-iwas sa colon cancer, ang pag-iwas sa mga mapapanganib na salik ay kasinghalaga ng maigting na pag-iingat. Ang edad, history sa pamilya ng colon cancer, sariling karanasan, namanang sakit, alak, paninigarilyo, lahi, at obesity ay nagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng colon cancer.
Nababawasan ang tyansa ng pagkakaroon ng colon cancer sa pamamagitan ng mga sumusunod: pag-eehersisyo, pag inom ng iniresta na aspirin, kombinasyon ng hormone replacement therapy, at pagtanggal ng polyp.
Upang maiwasan ang colon cancer, mahalagang magkaroon ang buong pamilya ng regular na konsultasyon sa doktor. Bilang karagdagan sa screening, maaaring makatulong ang ilang partikular na pagbabago sa paraan ng pamumuhay.
Tips Sa Pag-Iwas Sa Colon Cancer: Paraan Ng Pamumuhay
1. Pagkain Ng Maraming Plant-Based Na Pagkain
Ayon sa mga pag-aaral, maraming mga halamang pagkain, kabilang ang berries, plum, pomegranates, cruciferous na gulay, kamatis, bawang, turmeric, luya, soy, whole grains, at mushroom ang may potensyal na maiwasan at makontrol ang colon cancer. Ang mga produktong natural na dietary ay malawakang pinag-aaralan para sa pag-iwas sa colon cancer at maging sa pagkontrol nito.
Inilalahad ng pagsusuring ito ang mga potensyal na kakayahan ng mga halamang pagkain sa pag-iwas at pagkontrol sa colon cancer at ang kanilang bioactive components ayon sa epidemiological, experimental, at klinikal na pag-aaral, maging ang mga tiyak na case study. Ang mga halamang pagkaing ito ay karaniwang nagtataglay ng fibers at phytochemicals na maaaring makapagpabagal sa pagdevelop at paglubha ng colon cancer sa iba’t ibang paraan. Kabilang dito ang pagprotekta laban sa colon carcinogens, pagpigil sa paglaki ng tumor at metastasis, kasama ang apoptosis at cell cycle arrest.
Ang diet na mayaman sa prutas, gulay, munggo, at whole grains ay natuklasang nakapagpapababa ng tyansa ng pagkakaroon ng colon cancer at iba pang cancers.
Ebidensya
Batay sa isang pag-aaral noong 2017, ang diet ay may epekto sa pagkakaroon ng colon cancer: Ang pagkain ng mga pagkaing mayaman sa fiber tulad ng mga prutas at gulay ay nakapagpapababa ng tyansang magkaroon ng colon cancer, habang ang pagkain ng pula at processed na karne ay nakapagpapataas.
Ayon sa isa pang pag-aaral noong 2015, ang plant-based na diet ay 49% na nakapagpapababa ng tyansa ng pagkakaroon ng colon cancer kung ihahambing sa karaniwang American diet, na may maraming karne.
Ang plant-based na diet ay “nagbibigay din ng mga makabuluhang benepisyo laban sa maraming malignancies habang nagpapakita ng kaunting potensyal ng hindi kanais-nais na mga epekto,” ayon sa resulta ng isa pang pag-aaral noong 2015.
2. Mas Kaunting Pula At Processed Na Karne
Iminumungkahi sa mga taong kumakain ng higit sa 90g (lutong timbang) ng pula at processed na karne kada araw na bawasan ang pagkain nila nito sa 70g o mas mababa pa. Ang mga pulang karne, tulad ng karne ng baka, kambing, at baboy ay magandang mapagkukunan ng protina, mga bitamina, at mineral at maaaring isama sa balanced diet. Gayunpaman, ang pagkain ng maraming pula at processed na karne ay nakapagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng cancer sa bituka (colorectal).
Ebidensya
Ayon sa isang pag-aaral sa Europa noong 2005 na sumubaybay sa 478,000 mga kalalakihan at kababaihan, ang mga taong pinakamaraming kumain ng pulang karne— 5 ounces o higit pa araw-araw —ay may mas mataas na tyansang magkaroon ng colon cancer kaysa sa mga kumakain nito nang kaunti — mas mababa sa 1 ounce.
Batay sa isang pang pag-aaral sa Amerika noong 2005, ang pagkain ng maraming processed at pulang karne ay lubhang nakapagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng colon cancer.
Natuklasan naman ng isang meta-analysis noong 2015 na ang pagkain ng pula at processed na karne ay “lubhang nakapagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng colon cancer nang 20% hanggang 30%.” Ang mga kalahok sa pag-aaral na kumakain ng pinakamaraming processed na karne ay “sa kabuoan may mas mataas na tyansa” (20% para sa colorectal cancer), ayon sa isang pag-aaral noong 2007.
3. Bawasan Ang Pag-Inom Ng Alak
Itinala ng National Toxicology Program ng US Department of Health and Human Services na ang pagkonsumo ng mga alak ay kilala bilang carcinogen ng mga tao. Ang katamtaman hanggang sobrang pag-inom ng alak ay nauugnay sa 1.2 hanggang 1.5 na tyansa ng pagkakaroon ng cancer sa colon at tumbong kumpara sa mga hindi umiinom ng alak; at may isang matibay na siyentipikong ebidensya na sumusuporta sa konklusyong ito.
Ebidensya
Natuklasan sa isang pananaliksik noong 2021 na ang labis na pag-inom ng alak sa yugto ng kabataan ay nakapagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng colorectal cancer. Ayon sa isa pang pag-aaral noong 2018 na tungkol sa pag-inom ng alak at colorectal cancer, ang alak ay isa sa mga pangunahing mapanganib na salik ng sakit na ito.
Pinatunayan ng pinakabagong pag-aaral ng World Health Organization, na inilathala noong 2021, ang kaugnayan sa pagitan ng pag-inom ng alak at pagtaas ng tyansa ng pagkakaroon ng colon cancer.
4. Tumigil Sa Paninigarilyo
Isa sa mga pinakamahuhusay gawi na maaaring gawin pagdating sa pag-iwas sa colon cancer ay ang pagtigil sa paninigarilyo. Ang mga naninigarilyo ay may 50% na mas mataas na tyansang magkaroon ng sakit na ito kaysa sa mga taong hindi naninigarilyo.
Ebidensya
Ang ugnayan sa pagitan ng paninigarilyo at pagkakaroon ng colon cancer ay natuklasan matapos ang 12-taong pag-aaral sa higit 180,000 mga indibidwal. Natuklasan ng pag-aaral na ang mga kasalukuyan, matagal nang naninigarilyo ay ang may pinakamataas na tyansang magkaroon ng sakit na ito. Para sa mga naninigarilyo noon na tumigil na bago ang edad na 40 o mahigit 31 taon nang tumigil ay may mababang tyansa.
Ang pananaliksik mula sa The American Cancer Society ay nagkaroon ng konklusyon na ang matagal na paninigarilyo ay nakapagpapataas ng tyansa ng kamatayan dulot ng colon cancer sa parehong mga kalalakihan at kababaihan. Bukod pa rito, natuklasan ng pag-aaral na ito na ang maagang pagtigil sa paninigarilyo ay nakatatulong upang bawasan ang posibilidad.
5. Panatilihin Ang Malusog Na Timbang At Magsagawa Ng Regular Na Ehersisyo
Ang pag-eehersisyo ay nakapagpapataas ng antas ng antioxidant at nag-aayos ng DNA. Maaari din itong makaapekto sa growth factor production at insulin metabolism sa mga paraang nakapagpapahupa ito ng pamamaga at nakapagpapabuti ng immune function. Ayon sa National Cancer Institute, karamihan sa mga nakatatandang pisikal na aktibo sa pamumuhay ay maaaring magkaroon ng mababang tyansa ng pagkakaroon ng colon cancer nang hanggang 24%.
“Natuklasan namin na ang pagbabawas ng timbang mula sa maaga hanggang huling yugto ng adulthood — kahit 1 pound kada 5 taon — ay may kaugnayan sa 46% na pagbaba ng tyansa na magkaroon ng colorectal adenoma. Ang resulta ng aming pag-aaral ay tiyak na sumusuporta sa benepisyo ng pagbabawas ng timbang ng mga nakatatandang overweight o obese.“
[embed-health-tool-bmi]
Ebidensya
Batay sa isinagawang pag-aaral noong 2016, ang side effects ng obesity, tulad ng mataas na visceral belly fat at insulin resistance, ay nakapagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng colon cancer.
Ayon sa isang pag-aaral noong 2019, ang pag-eehersisyo ay hindi lamang nakatutulong upang maiwasan ang halos 15% ng mga kaso ng colon cancer ngunit nababawasan din nito ang tyansa ng kamatayan at muling pagkakaroon sa parehong bago at pagkatapos ng diagnosis.
Maaaring mawala ang tyansa ng pagkakaroon ng colon cancer nang 24% sa pamamagitan ng regular na pisikal na ehersisyo, ayon sa isang meta-analysis na pag-aaral noong 2009.
Natuklasan naman ng isa pang pag-aaral noong 2017 na ang sedentary na pamumuhay o laging nakaupo, partikular na ang matagal na panonood ng TV, oras ng pag-upo na may kaugnayan sa trabaho, at kabuoang oras ng pag-upo, ay nauugnay sa pagtaas ng tyansa ng pagkakaroon ng colorectal cancer sa mga nakatatanda.
Matuto pa tungkol sa Colorectal Cancer dito.