backup og meta
Matuklasan
Mga Health Tool
Magtanong sa Doktor
I-save

Alamin: Anu-Ano Ang Mga Stages Ng Colorectal Cancer?

Narebyung medikal ni John Paul Abrina, MD · Oncology · Davao Doctors Hospital


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

    Alamin: Anu-Ano Ang Mga Stages Ng Colorectal Cancer?

    Ang salitang cancer ay nagbibigay-takot sa maraming tao. At sa paglipas ng panahon, nagiging mas nakaaalarma ito dahil maaari nitong maapektuhan ang ibang bahagi ng katawan. Subalit ang maagang pag-diagnose nito ay maaaring makapagdulot ng pagbabago sa pamamagitan ng pagpapabuti sa pagpapagaling at pagdami ng pamimiliang gamutan. Basahin ang artikulong ito ay mas maunawaan ang stages ng colorectal cancer at kung ano ang mahalagang gampanin nito sa pagkontrol ng cancer.

    Ano Ang Colorectal Cancer?

    Ang colorectal cancer ay isang uri ng cancer na nangyayari sa gitnang ibabang bahagi ng digestive system, partikular na sa colon o rectum. Tinatawag din ito ng iba na colon cancer o rectal cancer, depende kung saan nagsimulang lumaki ang cancer cells.

    Kadalasan, ang colorectal cancer ay nagsisimula bilang isang maliit na precancerous polyps (adenomatous o serrated). Ang polyps na ito ay kadalasang mabagal na nadedebelop at hindi nagpapakita ng mga sintomas hanggang sa ang mga ito ay lumaki o maging malignant. Ito ang dahilan kung bakit mahirap ang diagnosis at gamutan ng pre-cancerous polyps bago pa man maging cancer. Kaya mahalaga ang regular na screenings upang matuklasan ang cancer. Gayundin, nang matukoy ang stage ng colorectal cancer kung matuklasan ito.

    Mga Senyales At Sintomas Ng Colorectal Cancer

    Bagama’t hindi ito kapansin-pansin sa una, ang ilan sa mga senyales at sintomas ay ang mga sumusunod:

    • Pagtitibi
    • Pagtatae
    • Bowel incontinence
    • Pagkitid ng dumi
    • Pagkakaroon ng dugo sa dumi
    • Hindi maipaliwanag na anemia
    • Pagsakit ng tiyan o balakang (maaaring humantong sa bloating)
    • Hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang
    • Pagsusuka

    Ang mga senyales na ito ay maaaring makatulong sa doktor upang malaman ang iyong medikal na kondisyon sa proseso ng pag-alam sa stage ng colorectal cancer.

    Diagnosis: Evaluation At Screening Tests

    Maraming iba’t ibang screening tests ang maaaring irekomenda sa iyo ng doktor batay sa iyong kanyang naging ebalwasyon. Ang mga ito ay ang mga sumusunod:

    • Stool test tulad ng
      • Guiac-based Fecal Occult Blood Test (gFOBT)
      • Fecal Immunochemical Test (FIT)
      • FIT-DNA test o stool DNA test
    • Flexible sigmoidoscopy
    • Colonoscopy
    • CT Colonography (Virtual Colonoscopy)

    Magsasagawa rin ang iyong doktor ng physical examination at health history check upang mas malaman at maunawaan ang iyong medikal na kondisyon.

    Stages ng Colorectal Cancer: TNM Staging

    Ang American Joint Committee on Cancer ay bumuo ng isang sistema na maaaring gamitin upang malaman ang stage ng nadedebelop na colorectal cancer sa katawan ng isang tao. Iniuuri ng Tumor, Node, and Metastasis (TNM) system ang iba’t ibang stages ng colorectal cancer batay sa mga sumusunod:

    1. Laki ng tumor (T) at ang kalubhaan ng pagkalat nito sa colon o rectum tissues

    • T1 – Ang tumor ay nakita sa inner layer ng bituka.
    • T2 – Ang tumor ay kumalat na sa muscle layer ng gut wall.
    • T3 – Ang tumor ay kumalat na rin sa outer lining ng intestinal wall.
    • T4 – Ang tumor ay lumaki na sa outer lining ng intestinal wall.

    2. Malignancy na lumipat sa ilang malapit na lymph nodes (N)

    • NO – Walang cancer cells na nakita sa lymph nodes.
    • N1 – Pagkakaroon ng cancer cells sa hanggang 3 lymph nodes sa loob ng area.
    • N2 – Pagkakaroon ng cancer cells sa apat o mahigit pang lymph nodes sa loob ng maikling distansya.

    3. Kung paano kumalat (metastasized) ang cancer sa iba pang organs ng katawan (M)

    • MO – Ang malignancy ay hindi kumalat sa ibang bahagi ng katawan.
    • M1 – Kumalat na ang cancer sa ibang organs, tulad ng atay at baga.

    Halimbawa, ang iyong diagnosis ay maaaring “T3N1M0.” Ibig sabihin, ang cancer ay lumipat mula sa outer lining ng bituka hanggang sa tatlong nakapaligid na lymph nodes, ngunit hindi sa ibang bahagi ng katawan.

    Dagdag pa, ang TNM staging report ay kadalasang nakasulat nang may maliit na titik sa unahan nito. Ang cTNM ay nangangahulugan na ang report ay batay sa clinical data. Ito ay batay sa mga scans and biopsies na isinagawa noon hanggang sa simulan ang gamutan. Sa kabilang banda, ang pTNM ay nangangahulugang ang report ay batay sa kompletong findings ng parehong pre-treatment at post-surgery investigations. Maaari din itong samahan ng ilang pathological assessments ng tissues sa ilalim ng microscope.

    Stages Ng Colorectal Cancer: Number Staging

    Natutukoy din ng TNM system ang stage ng cancer — ang pinakamaagang stage ng colorectal cancer na 0, o alinman sa iba pang apat na primary stages. Ang substages na maaaring makasama sa ibang main stages (tulad ng stage 2A o 2B) ay naglalarawan sa tiyak na features. Maaari din nitong imungkahi ang locality ng cancer cells.

    Stage 0 (Carcinoma in Situ)

    Sa panahon ng early stage, ang abnormal cells ay natuklasan sa mucosa (pinakaloob na layer) ng colon wall. Ang abnormal cells na ito ay maaaring madebelop bilang cancer at kumalat sa ibang kalapit na normal tissues. Carcinoma in situ ang ibang tawag sa stage 0 ng cancer.

    Stage 1

    Ang kasunod na stage ay tuwirang dumederetso sa submucosa (ang tissue layer na katabi ng mucosa) o sa muscle layer ng colon wall.

    Stage 2

    Ang Stage 2 colon cancer ay nauuri sa tatlong stages: 2A, 2B, at 2C.

  • Stage 2A: Naapektuhan na ng cancer ang serosa (pinakalabas na layer) ng colon wall mula sa muscle layer.
  • Stage 2B: Kumalat na ang cancer sa tissue na lumilinya sa organs sa tiyan sa pamamagitan ng serosa (pinakalabas na layer) ng colon wall (visceral peritoneum).
  • Stage 2C: Kumalat na ang cancer sa katabing organs sa pamamagitan ng serosa (pinakalabas na layer) ng colon wall.
  • Stage 3

    Sa advanced stage na ito, ang cancer ay kumalat na sa lymph nodes, Ang colon cancer sa stage na ito ay nauuri din sa tatlong stages — 3A, 3B, at 3C. Ang pagkakaiba lamang ng tatlong ito ay ang kanilang kalubhaan ng pagkalat. Tinutukoy rin nito kung ilang lymph nodes ang naapektuhan na sa loob ng area, maaaring 1-3 o 4-6.

    Stage 4

    Sa Stage 4, ang cancer ay kumalat na sa malayong organs. Ang ikaapat at huling stage na ito ay nauuri din sa maraming sub-stages:

    • Stage 4A: Ang cancer ay kumalat na sa isang bahagi o organ, tulad ng atay, baga, mga obaryo, o malayong lymph nodes.
    • Stage 4B: Ang cancer ay kumalat na sa mahigit isang bahagi o organ. Katulad ng stage 4A, maaaring kabilang din dito ang atay, baga, mga obaryo, o malayong lymph nodes.
    • Stage 4C: Ang cancer ay umabot na sa tissues na dulo ng abdominal walls at maaaring kumalat na isang ibang organ o bahagi ng katawan.

    Key Takeaways

    Ang stages ng colorectal cancer ay mahalaga upang matukoy ang kalubhanaan ng cancer. Gayundin, upang malaman ang tamang gamutang kailangang gawin. Higit sa lahat, mahalagang kumonsulta sa iyong doktor kung nakararanas ng anomang senyales at sintomas. Ang maagang pagkatuklas at paggamutan ng colorectal cancer ay nakatutulong upang mailigtas ang buhay ng pasyente.

    Matuto pa tungkol sa Colorectal Cancer dito.

    Disclaimer

    Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

    Narebyung medikal ni

    John Paul Abrina, MD

    Oncology · Davao Doctors Hospital


    Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

    advertisement iconadvertisement

    Nakatulong ba ang artikulong ito?

    advertisement iconadvertisement
    advertisement iconadvertisement