Pangunahing sangkap sa pagluluto ang garlic, kabilang ito sa genus na “allium”, at malapit sa sibuyas, scallion, at chives. Sa Pilipinas, kilala ang garlic bilang “bawang”. Mayroong kakaibang amoy ang bawang na angkop sa karamihan ng pagkaing Pilipino at Asyano. Madali kasi nitong napatatamis o napahihina ang matapang na lasa ng isang pagkain. Bukod sa pagluluto, kabilang sa gamit at benepisyo ng bawang ang paggamit nito bilang gamot. Maaari din itong pang-iwas sa iba’t ibang karamdaman at sakit.
Mga Gamit at Benepisyo ng Bawang
Karaniwang ginagamit ang bawang para makatulong sa mga kondisyong may kinalaman sa puso at circulatory system. Kabilang dito ang ilang mga sumusunod na kondisyon:
May ilang mga pag-aaral na nagpakita ng kakayahan ng bawang na bawasan ang kabuoang cholesterol ng isang tao, partikular na ang bad cholesterol o kilala rin bilang LDL. Isa pang posibleng benepisyo ng bawang ang kakayahan nitong pababain sa normal ang systolic blood pressure at diastolic blood pressure ng taong may high blood pressure.
Gumagawa ng chemical na “allicin” ang bawang. Ang allicin ang responsable sa paggawa ng kapansin-pansing amoy ng bawang. Bagaman may mga produktong naglalayong bawasan ang amoy na inilalabas ng bawang. Nakakaapekto ang prosesong ito sa bisa ng bawang lalo na kung gagamitin bilang gamot.
Mga Palatandaan at Komplikasyon ng Mataas na Cholesterol
Mga Pag-iingat at Babala
Ano ang dapat malaman bago gumamit ng bawang?
Ilan sa mga kilalang side effect ng labis na paggamit ng bawang ang pagduduwal, gas, heartburn at pagtatae.
Gaano kaligtas ang bawang?
Hindi pa sapat ang mga clinical trial upang suportahan ang regular na paggamit ng bawang bilang food supplement. Maging sa kung paano ito maaaring makaapekto sa mga resetang gamot.
Mga Espesyal na Pag-iingat at Babala
Hypertension
Kapag umiinom ng mga gamot para sa blood pressure, mag-ingat sa paggamit ng bawang. Maaari nitong mapababa ang blood pressure sa hindi magandang level. Kapag buntis o nagpapasuso, siguraduhing kumonsulta muna sa doktor. Kung hindi naman, huwag gumamit nito.
Sa mga bata
Kung ginagamit para sa pagluluto o bilang panandaliang gamot para sa partikular na kondisyon, karaniwang ligtas na gamitin ang bawang. Gayunpaman, kung mataas na dose ang gagamitin bilang gamot, maaari itong maging lubhang mapanganib. Bukod pa rito, kung ilalagay sa balat, maaari itong magdulot ng sugat na katulad ng paso.
Sa mga buntis at nagpapasusong ina
Ligtas na gamitin at kainin ang bawang sa panahon ng pagbubuntis kapag ginamit sa normal na dami. Bilang gamot, ang paggamit at benepisyo ng bawang ay maaari lamang makuha sa ligtas na level. Wala pang tiyak na impormasyon tungkol sa epekto nito sa pagbubuntis at pagpapasuso. Kaya’t ipinapayong iwasan ang paggamit nito nang walang pahintulot ng doktor.
Operasyon
Maaaring mapataas ng sariwang bawang ang panganib ng pagdurugo o patagalin ang pagdurugo tuwing operasyon o pagtapos nito.
Digestion
Maaaring ma-irita ng bawang ang gastrointestinal tract, lalo na kung mayroong mga problema sa digestion.
Mga Side Effect
Narito ang ilan sa mga kilalang side effect ng paggamit at benepisyo ng bawang:
- Burning sensation sa tiyan o bibig
- Mabahong hininga
- Gas
- Heartburn
- Pagduduwal
- Pagtatae
- Amoy sa katawan
- Maaaring tumaas ang panganib ng pagdurugo
- Allergic reactions
- Skin irritations
Alamin Ang mga Interaction
Anong mga interaction ang maaaring maranasan sa bawang?
Cyclosporine, kabilang sa mga uri ng immunosuppressant na maaaring mag-interact sa bawang. Maaaring humina ang bisa ng gamot kung isasabay ang bawang sa immunosuppressant. Kumonsulta muna sa doktor bago kumain ng bawang.
Mga contraceptive drug na naglalaman ng estrogen. Ayon sa mga pag-aaral, maaaring makatulong sa estrogen breakdown ang bawang na siyang magiging sanhi ng hindi pagtalab ng mga birth control pill. Kung umiinom ng mga contraceptive kasabay ng bawang, maaaring gumamit ng mga karagdagan pang paraan ng birth control.
Mga anticoagulant drug. Mga uri ito ng gamot na nag-i-interact sa bawang. Maaaring pabagalin ng bawang ang proseso ng blood clot. Kung gumagamit din ng mga anticoagulant, mas magiging mataas ang posibilidad ng pagdurugo. Maaari ding magkaroon ng mga pasa kaysa karaniwan.
Unawain ang Dosage
Hindi pamalit sa anumang medical advice ang mga ibinibigay na impormasyon tungkol sa benepisyo ng bawang. Samakatuwid, ugaliing kumonsulta sa iyong herbalist o doktor o bago gumamit ng gamot.
Ano ang karaniwang dose para sa bawang?
Para sa high blood pressure
- Garlic tablets. 300mg hanggang 1500mg na mula sa hinati-hating dose na maaaring inumin araw-araw nang hindi bababa ng 24 na linggo.
- Garlic powder tablets. 2400mg katumbas ng isang dose o 600mg araw-araw nang hindi bababa ng 12 linggo.
- Garlic extracts (sa capsule). 960mg hanggang 7200mg na mula sa hinati-hating dose na iniinom araw-araw nang hindi bababa ng 6 na buwan.
Para sa high blood cholesterol
- Aged garlic extract. 1000mg hanggang 7200mg na mula sa hinati-hating dose na iniinom araw-araw nang hindi bababa ng 4 na buwan.
- Garlic powder tablet. 600mg hanggang 900mg na mula sa hinati-hating dose na iniinom araw-araw nang hindi bababa ng 6 na linggo.
- Iba pang produkto ng garlic powder. 300mg na iniinom dalawang beses araw-araw na hindi bababa ng 12 linggo.
Sa Anong Anyo Makikita Ang Bawang?
Karaniwang maaaring kainin ang bawang nang hilaw, hanggat hindi ka naaasiwa sa masangsang nitong amoy. Maaaring iprito at ihawin ang bawang. Maaari din itong ibabad sa suka nang hindi bababa sa 30 minuto, o pakuluan sa tubig nang humigit-kumulang 5 minuto. Maaaring kumain ng 2 piraso ng bawang tatlong beses sa isang araw pagtapos kumain.
Makikita rin sa mga food supplement ang mga gamit at benepisyo ng bawang. Ibinebenta ito bilang tablet o garlic extract.
Matuto pa tungkol sa Herbal Medicine dito.