backup og meta

Halamang Gamot Sa Uric Acid, Anu-Ano Nga Ba?

Halamang Gamot Sa Uric Acid, Anu-Ano Nga Ba?

Ang gout na isang napakasakit na kondisyong dulot ng pamumuo ng uric acid ay isang problemang nakaaapekto sa milyon-milyong Pilipino. Dahil maaaring malaki ang gastos sa pagpapagamot ng gout, mas pinipili na lamang ng ibang tao ang paggamit ng halamang gamot sa uric acid.

Ngunit gaano kabisa ang mga halamang gamot pagdating sa pagpapababa ng uric acid? Alamin natin.

Bakit kailangang Pababain ang Uric Acid?

Una sa lahat, talakayin natin kung paano maaaring humantong sa gout ang pagkakaroon ng mataas na uric acid. Naglalabas ng uric acid ang katawan sa tuwing kumakain ng mga pagkaing mayaman sa purine.

Mga halimbawa ng mga pagkaing mayaman sa purine:

  • Pulang karne
  • Isda
  • Shellfish
  • Mga inuming may alak
  • Karne ng lamang-loob

Mas maraming kinakaing ganitong klase ng pagkain, mas maraming uric acid ang nalilikha ng katawan. 

Kapag masyadong maraming uric acid sa katawan, maaari ito bumuo ng mga urate crystal sa kasukasuan. Karaniwang may kaugnayan sa gout ang pamumuo ng mga urate crystal na nagdudulot ng pananakit, pamumula, at pamamaga. Maaari din itong magdulot ng paninigas na nagpapahirap sa paggalaw ng mga taong inaatake ng gout.

Ang pag-inom ng over-the-counter na gamot partikular para gamutin ang gout ang isa sa mga paraan para kalabanin ang mga sintomas nito.  Ngunit para sa mga taong naghahanap ng mga natural na panlunas sa gout, mayroong iba pang pagpipilian na maaaring magamit.

Mga Halamang Gamot sa uric acid

Narito ang limang karaniwang halamang gamot na makatutulong sa pagpapababa ng uric acid at pangangasiwa ng gout:

Ulasimang Bato

Isang kilalang halamang gamot sa Pilipinas ang Ulasimang Bato o tinatawag ding pansit-pansitan.

Pinakakaraniwang ginagamit na gamot sa arthritis at gout ang pansit-pansitan, at mabisang lunas para sa mga karamdamang ito.

Mayroong analgesic properties ang pansit-pansitan na nakatutulong upang maibsan ang pamamagang dulot ng gout. Isa rin sa benepisyo nito ang pagpapababa ng uric acid sa katawan.

Nangangahulugang bukod sa tulong nito upang maibsan ang pananakit dahil sa gout, nakatutulong din ito upang maiwasang muli itong mangyari. Ito ang dahilan kung bakit isa sa pinaka ilalang halamang gamot sa uric acid ang pansit-pansitan.

Upang magamit ang halamang ito, maaari itong kainin nang hilaw, o ibabad ito sa mainit na tubig upang mainom bilang tsaa. Maaari ding balutin sa tela ang dinikdik na dahon bilang pantapal sa apektadong bahagi ng katawan. May ilan ding naglalagay nito sa salad dahil may lasang paminta ang mga dahon nito.

Kilalang ligtas na kainin at gamitin ang pansit-pansitan, kaya walang problema kung nais itong gamitin bilang halamang gamot sa uric acid. Siguraduhin lamang na hugasan ito nang maigi bago kainin.

Kintsay

Kilala ang kintsay o celery bilang mabisang alternatibong gamot para sa pagpapababa ng uric acid sa katawan.

Pinag-aralan ng mga scientist ang epekto ng kintsay sa uric acid ng mga daga, at nadiskubreng nakatutulong ito upang pababain ang uric acid sa katawan.

Upang gamitin ang kintsay bilang halamang gamot sa uric acid, maaari itong kainin nang hilaw bilang masarap na meryenda. Puwede ring ihalo sa iba pang pagkain. Bukod sa nagpapababa ng uric acid sa katawan ang kintsay, may taglay rin itong maraming fiber; vitamin A, K, at C; pati na rin folate at potassium. Ito ang dahilan kung bakit maganda itong idagdag sa diet.

Cherry

Isa rin ang cherry bilang mahusay na halamang gamot sa uric acid. Natuklasan sa mga pag-aaral na mas kaunti ang inaatake ng gout at mas mababa ang uric acid ng mga pasyenteng may gout na kumakain ng cherry, kumpara sa mga hindi kumakain nito.

Gayunpaman, wala pang siyentipikong pag-aaral na sumuri sa epekto ng cherry sa uric acid sa katawan. Sa kabila nito, hindi naman nakapipinsala ang pagkain ng cherry. Maraming pasyenteng may gout ang nagpakita ng magandang resulta sa pagkain ng nito bilang gamot sa gout.

Luya

Isa ang luya o ginger sa mga halamang gamot na ginagamit na mula noong unang panahon bilang gamot sa maraming karamdaman. Isa na rito ang gout.

Natuklasan sa mga pag-aaral na isinagawa sa mga daga na maaaaring magpababa ng uric acid sa dugo at ihi ang luya.

Pagdating sa paggamit ng luya, maaari itong kainin nang hilaw nang walang kasamang iba. Gayunpaman, maaaring matapang masyado ang lasa nito para sa ilan. Maaari din itong gamitin sa pagluluto, o ibabad sa mainit na tubig para inumin bilang tsaa.

Kape

Isa pang karaniwang halamang gamot sa gout ang kape. Natuklasan ng mga scientist na parehong nakatutulong sa pagpapababa ng uric acid ang caffeinated at decaffeinated na kape. Nangangahulugang maaaring makatulong sa pag-iwas sa gout ang pag-inom ng kape araw-araw.

Bukod sa paggamit ng mga halamang gamot na ito, mahalagang tandaan na nakatutulong din sa pag-iwas sa gout ang pagbabago ng diet at lifestyle. Sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga pagkaing mataas sa purine, bumababa rin ang tsansa ng pag-atake ng gout sa hinaharap.

Matuto pa tungkol sa Herbal Medicine dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Indian Medicinal Plants Useful in Treatment of Gout: A Review for Current Status and Future Prospective, https://innovareacademics.in/journals/index.php/ajpcr/article/download/20170/13057, Accessed September 2, 2020

Gout Home Remedies: What Works and What Doesn’t, https://creakyjoints.org/alternative-medicine/gout-home-remedies/, Accessed September 2, 2020

(PDF) Herbs for Gout, https://www.researchgate.net/publication/309271474_Herbs_for_Gout, Accessed September 2, 2020

Gout – Diagnosis and treatment – Mayo Clinic, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/gout/diagnosis-treatment/drc-20372903, Accessed September 2, 2020

ULASIMANG BATO: Anti-Inflammatory drug formulation, http://pchrd.dost.gov.ph/index.php/programs-and-services/create-article/6457-ulasimang-bato-anti-inflammatory-drug-formulation, Accessed September 2, 2020

The role of Western herbal medicine in the treatment of gout – ScienceDirect, https://www.sciencedirect.com/science/article/abs/pii/S2210803313000511, Accessed September 2, 2020

Kasalukuyang Version

12/01/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Stephanie Nera, RPh, PharmD

In-update ni: Lorraine Bunag, R.N.


Mga Kaugnay na Post

Halamang Gamot Sa Rayuma Sa Kamay, Anu-Ano Ito?

Halamang Gamot Sa Vertigo, Anu-Ano Nga Ba Ito? Alamin Dito


Narebyung medikal ni

Stephanie Nera, RPh, PharmD

Pharmacology


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement