Ang rheumatoid arthritis ay isang malubhang inflammatory autoimmune na sakit na tinatarget ang mga kasu-kasuan. Bukod sa pag-inom ng mga gamot, naniniwala ang mga eksperto na mainam na tangkilikin ang supplemental “diet therapy.” Narito ang mga dapat malaman tungkol sa diet para sa may arthritis na pinag-uusapan ng mga tao.
Ano Ang Rheumatoid Arthritis?
Ang rheumatoid arthritis ay isang autoimmune na sakit, na nangangahulugan ng hindi maayos ang paggana ng immune system. Kung ang isang tao ay may arthritis, ibig sabihin na ang inaatake ng kanilang immune system ang kanilang mga kasu-kasuan, na nagiging sanhi ng pamamaga.
Isang pangmatagalang (malubhang) kondisyon ang arthritis na lubhang nakaaapekto sa buhay ng isang tao. Hindi lamang ito nakapagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng sakit, subalit nakapagpapaikli din ito ng buhay.
Kadalasang nakararamdam ng pananakit at paninigas ng mga kasu-kasuan ang mga taong may arthritis. Maaari silang makaramdam ng pagkapagod o panghihina, at maging ng pagkakaroon ng sinat.
Maaaring magkaroon ng panahon ng remission kung kailan ang pasyente ay nakararamdam ng mas kaunti o walang anomang mga sintomas. Subalit, walang lunas para sa arthritis.
Gayunpaman, sinasabi ng mga eksperto na ang supplemental diet therapy ay maaaring makatulong sa pagpapabuti ng kondisyon.
Diet Para Sa May Arthritis: Bakit Ito Mahalaga?
Paalala: ang diet para sa may arthritis ay hindi tumutukoy sa isang tiyak na diet o meal plan. Ito lamang ang terminong ginagamit upang tukuyin ang pagkaing pinakamainam kainin ng mga taong may arthritis upang posibleng mapabuti ang kanilang mga sintomas.
Ngunit bakit naniniwala ang mga eksperto na ang supplemental diet therapy ay maaaring makatulong?
Ayon sa mga eksperto, may tumataas na ebidensya ng “altered microbiota” sa bituka na responsable para sa pathogenesis (paraan ng pagdebelop ng sakit) at paglubha ng sakit na arthritis. Kaya naman, mainam para sa rheumatologists na isaalang-alang ang supplemental diet therapy.
Mga Pagkaing Pinakamainam Kainin
Ano-ano ang mga pinakamainam na pagkain na kabilang sa diet para sa may arthritis? Sumangguni sa listahang ito:
Mga Prutas At Gulay
Ang mga ito ay may antioxidants na maaaring mag-neutralize sa free radicals na sanhi ng pamamaga. Dagdag pa, ang mga prutas at gulay ay maaaring makatulong sa pagpapababa sa senyales ng pamamaga. Ang vegan diet, na karamihang binubuo ng mga prutas at gulay, ay sinasabing may benepisyo sa remission ng arthritis.
Omega-3 Fatty Acids
Ang mga pagkaing mayaman sa omega-3 fatty acids ay natuklasang nakatutulong upang maibsan ang pamamagang kaugnay ng arthritis. Ito ay hindi maikokompara sa epekto ng mga gamot, subalit ang omega-3 fatty acids sa kabuoan ay walang side effects. Ang Cretan Mediterranean Diet, na mayaman sa Omega-3 (kasama ng iba pang mga nutrisyon) ay nakatutulong upang maibsan ang pamamaga at mapabuti ang kondisyon ng pasyente. Ang mga matatabang isda ay mabuting mapagkukunan ng omega-3 fatty acids.
Whole Grains
Nakatutulong ang whole grain sa pagprotekta ng puso, na tila mas madaling naaapektuhan ng mga sakit kung ang isang tao ay may arthritis. Makabubuti rin ito sa kabuong kalusugan ng pasyente, kung isasaalang-alang ang alternatibo na refined grains, na kadalasang may karagdagang asukal.
Mani At Beans
Ang mani ay mayaman din sa antioxidants habang ang beans ay mabuting mapagkukunan ng protina, na mabuti para sa kalusugan ng muscle. Ang mga pasyenteng may arthritis ay maaaring mas makaranas ng panghihina ng muscle.
Turmeric At Luya
Iminumungkahi ng ilang mga pag-aaral sa mga hayop na ang 200 mg o ang pinaghalong turmeric at luya kada kg ng timbang ng katawan ay maaaring makapagpababa ng mga senyales at sintomas ng arthritis.
Olive Oil
Hindi lamang mabuting mapagkukunan ng fat ang olive oil, natuklasang ito rin ay may mga sangkap na anti-inflammatory at analgesic (pain-relieving).
Probiotics At Prebiotics
Tinatawag ding symbiotics, natuklasan sa mga pag-aaral sa mga hayop na ang pro at prebiotics ay maaaring makapagpabuti ng kondisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng pagpapababa sa lebel ng proinflammatory cytokines.
Key Takeaways
Muli, tandaan na ang bawat tao ay magkakaiba. Bukod sa arthritis, ang pasyenta ay maaari ding may iba pang mga problema sa kalusugan na maaaring makaapekto sa kanilang diet. Kaya naman, kung nais mapabuti ang nutrisyon, pinakamainam na kumonsulta sa doktor. Makapagbibigay sila ng mas detalyadong nutritional plan upang mapabuti ang arthritis at ang kabuoang kalusugan.
Matuto pa tungkol sa Masustansyang Pagkain dito.
[embed-health-tool-bmr]