Para saan ang melatonin na ginagamit ng may halos tatlong milyong Amerikano noong 2012? Ang nasabing datos ay base sa isang survey na ginawa ng Centers for Disease Control and Prevention. Kung isa ka sa milyon-milyong tao na may problema sa pagtulog, siguradong magiging interesado ka kung paano gumagana ang melatonin.
Ang melatonin ay isang hormone na ginagawa ng katawan. Kinokontrol nito ang mga siklo sa gabi at araw o mga siklo ng pagtulog at paggising. Mayroon ding bersyon ng melatonin na ginagawa sa mga laboratoryo ay mabibili bilang over-the-counter supplement.
Ang kadiliman ay hudyat sa katawan upang gumawa ng mas maraming melatonin, na nagsesenyas sa katawan na matulog. Binabawasan ng liwanag ang produksyon ng melatonin at nagsisilbing hudyat sa katawan upang magising.
Para saan ang melatonin at paano ito gumagana
Ang natural na melatonin ay pangunahing ginagawa sa pineal gland, na matatagpuan sa iyong utak. Pinipigilan ng liwanag ang paggawa ng melatonin, ngunit pinasisisgla ang paggawa nito ng kadiliman. Ang mga antas ng melatonin sa iyong utak ay nagsisimulang tumaas sa dapit-hapon habang lumulubog ang araw at bumabagsak ang kadiliman. Naabot nila ang kanilang pinakamataas na antas sa kalagitnaan ng gabi at nagsisimulang bumaba habang papalapit ang bukang-liwayway.
Ang melatonin ay pumipigil sa mga signal sa iyong utak na nagtataguyod ng pagkagising. Nakakatulong ito na mahikayat ang pagtulog sa pamamagitan ng pagpaparamdam sa iyo ng pagod o pagkaantok habang papalapit ka sa oras ng pagtulog.
Ayon kay Luis F. Buenaver, isang eksperto sa pagtulog sa John Hopkins, hindi ka pinapatulog ng melatonin. Bagkus, habang tumataas ang mga antas ng melatonin sa gabi, inilalagay ka nito sa isang estado ng tahimik na pagpupuyat na tumutulong sa pagsulong ng pagtulog.
Para saan ang melatonin: Mga benepisyo
Insomnia
Iminumungkahi ng pananaliksik na maaaring bahagyang mabawasan ng melatonin ang oras na kinakailangan upang ikaw ay makatulog. Ngunit hindi malinaw ang mga epekto nito sa kalidad ng pagtulog at kabuuang oras ng pagtulog. Maaaring mas kapaki-pakinabang ang melatonin para sa mga matatanda na maaaring kulang dito.
Shift work disorder
May sinabi ang American Academy of Sleep Medicine kung para saan ang melatonin. Ayon dito, ang mga melatonin supplements ay maaaring makatulong sa mga nagtatrabaho sa gabi at upang makatulog sa araw. Gayunpaman, hindi ito garantiya ng pagka alerto sa panahon ng trabaho sa gabi.
Ang pag-inom ng isang tableta (3mg) ng melatonin isa hanggang dalawang oras bago matulog ay maaaring maging epektibo sa pagkuha ng mataas na kalidad na pagtulog sa araw. Maaaring tumaas ang epekto nito sa pamamagitan ng pagkonsumo ng mga pagkaing natural na mataas sa melatonin tulad ng mga oats at saging.
Sleep disorders sa mga bata
Marami pang benepisyo kung para saan ang melatonin tulad ng mga karamdaman sa pagtulog ng mga bata. May mga pag-aaral na nagmungkahi na ang melatonin ay maaaring makatulong sa paggamot sa mga abala sa pagtulog ng mga batang may kapansanan. Gayunpaman, ang mga mabuting gawi sa oras ng pagtulog ay karaniwang inirerekomenda bilang paunang paggamot. Makipag-usap sa doktor ng iyong anak bago siya bigyan ng melatonin.
Sa karaniwan, ang melatonin ay magkakabisa sa loob ng 30 hanggang 60 minuto. Ang over the counter (OTC) melatonin ay maaaring manatili sa katawan sa loob ng apat hanggang sampung oras, depende sa dosis at pormulasyon. Dapat iwasan ng mga tao ang pag-inom ng melatonin sa nilalayong oras ng pagtulog. Ang paggawa nito ay maaaring magbago ng kanilang sleep-wake cycle at humantong sa pagka antok sa araw.