Alam nating lahat na tayo bilang adults ay kailangan ng hindi bababa sa 7 hanggang 9 na oras na pagtulog. Ito ay para gumana tayo ng maayos. Gayunpaman, alam mo ba na ang posisyon mo sa pagtulog ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa kalusugan mo? Ang simpleng bagay na pagbabago ng posisyon sa pagtulog ay pwedeng magkaroon ng positibong epekto sa kalusugan mo. Narito ang lahat ng kailangan mong malaman tungkol sa wastong paraan ng pagtulog.
Bakit Mahalaga ang Posisyon Ko sa Pagtulog?
Una, ginugugol natin ang halos one-third ng ating buhay sa pagtulog o sinusubukang matulog. Samakatuwid, ang ating posisyon habang tayo ay natutulog ay maaaring magkaroon ng pangmatagalang epekto sa ating kalusugan.
Kalusugan ng Spine
Ang isa pang dahilan ng wastong paraan ng pagtulog ay dahil maaari itong makaapekto sa kalusugan ng gulugod mo. Kung mali ang pagkakahanay ng gulugod mo habang natutulog ka, nagkakaroon ng maraming stress at pagkakapuwersa sa balakang, pangan, balikat, leeg at gulugod. Kaya kung may masakit at tensyon sa mga bahaging ito kapag nagising ka, maaaring dahil ito sa posisyon sa pagtulog.
Sleep apnea
Bukod pa rito, ang mga taong may sleep apnea ay maaaring mabawasan ang kanilang mga sintomas at makatulog nang mas mahusay kapag binago nila ang kanilang mga posisyon. Ang ilang mga sintomas ng sleep apnea ay pananakit ng ulo sa umaga, malakas na hilik, hinahabol na paghinga habang natutulog, kahirapan sa pagtulog, atbp.
Iba pang mga kondisyon
Kahit na wala kang problema sa pagtulog, maaari kang makaranas ng mas magandang kalidad ng pagtulog kapag may wastong paraan ng pagtulog. Maaari din itong makatulong na mabawasan ang mga sintomas ng mga taong may acid reflux at arthritis.
Bakit May Gusto Tayong Posisyon ng Pagtulog?
Ginhawa ang unang bagay na iniisip ng marami sa atin kapag iniisip natin ang mga posisyon sa pagtulog. Ano ba ang dahilan kung bakit tayo pumipili ng partikular na posisyon? Malamang na ang posisyon mo sa pagtulog ay dahil gusto mo lang. Sa ilang tao, ang ilang kadahilanan ay nagiging sanhi ng mga tao na gustuhin ang partikular na posisyon.
Halimbawa, ang edad ay maaaring dahilan sa posisyon mo sa pagtulog. Karamihan sa mga adults ay mas gusto ang side-sleeping position at ito ay kadalasang magiging posisyon habang sila ay tumatanda. Karamihan sa mga matatanda ay mas gusto na matulog sa kanilang kanang bahagi o may mas gusto na side ng pagtulog.
Kahit na ang kasarian ay maaaring makaapekto sa posisyon ng pagtulog na maaaring gusto mo.
Anong wastong paraan ng pagtulog ang dapat kong subukan?
Kung interesado kang subukan ang isang posisyon sa pagtulog, kailangan mo munang matutunan ang tungkol sa pros at cons. Narito ang ilang karaniwang posisyon sa pagtulog at kung ano ang dapat mong malaman.
Fetal position
Isa sa pinakakaraniwang paraan ng pagtulog ay tinatawag na fetal position. Ito ay katulad ng kung paano ang fetus ay naka-posisyon sa loob ng matris ng ina. Sa pangkalahatan, ang fetal position ay isang magandang halimbawa ng wastong paraan ng pagtulog.
Ang fetal position din ang perpektong paraan para matulog ang isang buntis. Partikular ito kung natutulog sila sa kanilang kaliwang bahagi. Habang buntis, ang pagtulog sa kaliwang bahagi ay maaaring magpabuti sa sirkulasyon ng fetus at nababawasan ang tyansa ng stillbirth.
Sasabihin sa iyo ng karamihan sa mga chiropractor at doktor na ang pagtulog nang nakatagilid ay perpekto para sa lahat. Maaari din itong makatulong na bawasan ang mga sintomas ng acid reflux: maaari kang makinabang sa pagtulog sa iyong kaliwang bahagi dahil ang pagtulog sa iyong kanang bahagi ay maaaring magpalala ng mga sintomas.
Gayunpaman, maaari mong i-optimize ang fetal position para mas makapag pahinga ng maayos sa gabi. Sa halip na bumaluktot na parang bola, na maaaring limitahan ang diaphragm at baga mo, hayaang mag-relax ang iyong katawan at bahagyang iunat ito.
Sleeping position ng Sundalo
Ang mga taong may sleep apnea ay maaari ring makaranas ng mas malala pang sintomas sa soldier position. Dahil ito ay maaaring magdulot ng paghilik. Ang sleeping position ng sundalo ay nakahiga ka na flat ang likod habang ang mga kamay mo ay nasa iyong tagiliran.
Gayunpaman, hindi ito wastong paraan ng pagtulog para sa mga taong madalas sumakit ang lower back. Pwede rin namang piliin ang posisyong ito at pagaanin ang pananakit ng lower back. Ito ay sa pamamagitan ng ng paglalagay ng naka- rolled-up na tuwalya o unan sa ilalim ng iyong mga tuhod upang suportahan ang natural na kurba ng iyong gulugod.
Log position
Kung wastong paraan ng pagtulog ang gusto mo para matulungan ka sa sintomas ng sleep apnea, mahusay para sa iyo ang log position. Sa ganitong posisyon, natutulog ka na nakatagilid na medyo tuwid ang likod pero nakababa ang mga braso at malapit sa katawan.
Mahusay na paraan din ang log position na mabawasan ang sakit ng likod at leeg dahil sa pagtulog. Magiging mas mahusay ang paraan ng pagtulog na ito sa pamamagitan ng paglalagay ng nakatuping tuwalya o kumot o malambot na unan sa pagitan ng iyong mga tuhod. Makatutulong ito na mapagaan ang anumang pressure sa mga balakang.
Ano ang mga hindi wastong paraan ng pagtulog ang dapat kong iwasan?
Maaaring isa sa mga pinaka malala ang pagtulog ng nakadapa. Ito ay hindi mabuti para sa mga taong madalas may back pain at mga problema sa spinal, tulad ng scoliosis.
Kapag natutulog ka na nakadapa, ang leeg mo ay napipilipit sa gilid para sa paghinga. Ang paraan ng pagtulog na ito ay naglalagay din ng pressure sa joints at muscles mo. Ito ay nakaka-irritate sa spinal nerves at maaaring humantong sa discomfort at pananakit pagkagising mo.
Sa stomach sleeping position, madaling bumukas ang airway mo, na nakakatulong nang malaki sa paghilik. Gayunpaman, ang mga negatibong epekto ng pagtulog sa iyong tiyan ay maaaring humigit sa isang benepisyo nito. Pinakamainam na makipag-usap sa isang medikal na propesyonal, tulad ng isang doktor o chiropractor, upang makita kung maaari kang matulog nang nakadapa.
Key Takeaways
Bagama’t sabik tayong mahiga at matulog sa gabi, isipin ang wastong paraan ng pagtulog bago mo ipikit ang mga mata mo. Ang healthy sleeping position ay makakatulong sa iyo na makatulog ng mas mahusay sa gabi at magkaroon ng mas positibong epekto sa pangkalahatang kagalingan.