Para sa maraming working adults, ang pagtulog ay isang luho na pwede lang nila ma-enjoy tuwing weekends. At para sa mga madalas nagtitiis ng insomia, hindi nila nae-enjoy ang dapat sana ay pahinga nila. Ano nga ba ang insomia? Ano ang dahilan kung bakit ang kawalan ng tulog ay isang seryosong problema? At ano ang mga epekto ng pagpupuyat sa overall health?
Ano ang insomia?
Ang insomia ay isang sakit na nagpapahirap sa iyo na makatulog. Kung magawa mong makatulog, mahirap din para sa iyo na manatiling tulog. Nagiging sanhi ito ng paggising ng masyadong maaga. Kadalasan, hindi ka makakaramdam ng pahinga sa paggising mo. Kaya mababawasan ang enerhiya mo sa buong araw. Ang insomnia ay maaaring isang simpleng sleeping disorder. Ngunit ang mga epekto ng kawalan ng tulog ay maaaring magpabago sa kalidad ng buhay ng mayroon nito. Maaari itong maging sagabal sa pagganap sa trabaho o para mag-enjoy sa buhay.
Mga Uri ng Insomnia
Maaaring mukhang okay ka ngayon, ngunit ang sobrang stress o ang pagdanas ng traumatic event ay maaaring mag-trigger ng short-term insomnia. Pwedeng kulang ka sa tulog sa loob ng ilang araw o ilang linggo dahil dito.
Gayunpaman, may mga nahihirapan dahil sa kawalan ng tulog araw-araw. Ang long-term insomnia ay maaaring tumagal ng isang buwan o higit pa, at maaari itong humantong sa mas malalaking problema sa hinaharap.
Para solusyunan ang problema ng kawalan ng tulog, kailangan nating mas matuto tungkol sa insomnia. Kasama na dito ang epekto ng pagpupuyat, sintomas, sanhi, at komplikasyon nito.
Sintomas ng Insomnia
Bukod sa hirap makatulog sa gabi at masyadong maagang gumising, may iba pang senyales na kailangan mong bantayan. Naranasan mo na ba ang mga sumusunod kamakailan:
- Ang matagal na pakiramdam ng pagod sa umaga
- Pagkairita, pagkabalisa,o depresyon
- Kahirapang mag-focus sa mga gawain at sa pagbibigay pansin sa ibang tao
- Nakakaranas ng mas maraming pagkakamali o maliliit na aksidente sa mga nakasanayang gawain sa bahay o sa trabaho
- Nagiging alalahanin ang pagtulog sa pangkalahatan
Kung totoo sa iyo ang mga item sa itaas, at totoo ang mga ito sa iyong mga gawain, inirerekomenda na kumunsulta ka sa doktor. Ito ay upang matukoy ang sanhi ng iyong problema sa pagtulog at epekto ng pagpupuyat.
Mga Sanhi ng Insomnia
Stress, trauma, at mga aksidente
Gaya ng nabanggit, ang insomnia ay maaaring sanhi ng stress. Maging ito man ay sa trabaho, paaralan, o sa bahay. Ang mga alalahanin tungkol sa iyong finances o mga relasyon at iba pa na maaaring magpapanatili sa iyong gising sa gabi. Ito ay maaaring magdulot ng insomnia. Ang mga aksidente at traumatic events tulad ng pagkamatay o pagkakasakit ng isang mahal sa buhay, o pagkatanggal sa trabaho, ay maaari ding humantong sa sleep deprivation.
Drastic schedule change
Kahit na hindi ka nakakaramdam ng stress sa trabaho, ang pagbabago sa schedule o shift, o ang work-related travel ay maaari ding humantong sa insomnia. Ito ay dahil ang iyong circadian rhythms o ang iyong sleep-wake cycle ay ang body clock mo. Kapag naabala na ito, maaaring kailanganin ng iyong katawan na mag-adjust. At maaaring tumagal ito ng kaunting oras. Kaya may maikling oras ng kawalan ng tulog.
Lifestyle
Mayroon ding ilang mga sanhi na lifestyle-related na maaaring iugnay sa insomnia. Halimbawa, meron kang poor sleeping habits. Ito ay dahil sa mga aktibidad tulad ng online gaming, sobra sa social media, at iba pa. Kung may mahabang screen time ka kapag nakahiga ka na, maaari mo pa ring ma-overstimulate ang iyong isip, na pumipigil sa iyong makatulog.
Late-night food binge
Pagsamahin ang mga sanhi na lifestyle-related at ang sobrang pagkain sa gabi, at talagang mahihirapan kang matulog o magpahinga ng mabuti. Ano kaya ang magiging epekto ng pagpupuyat? Ang pagkain habang nakahiga ka sa sopa habang nagpapalipas ng weekend mo ay hindi makatutulong sa pagpapahinga. Ang hindi komportableng posisyon, kasama ang heartburn dulot ng backflow ng acid at pagkain mula sa tiyan, ay maaaring magpanatili sa iyong gising nang maraming oras. Ito ay kahit na gusto mong matulog.
Medical conditions and medication
Hindi rin makakatulong kung mayroon kang existing medical condition. O kung umiinom ka ng mga gamot na maaaring makagambala sa tamang pagtulog. Kabilang dito ang sakit sa puso, gastroesophageal reflux disease, at chronic pain. Ang mga antidepressant, pain meds, at gamot para sa blood pressure o hika ay maaaring magpahirap din sa pagtulog.
Mga Komplikasyon ng Insomia
Malaki ang papel ng pagtulog sa ating kalusugan at well-being. Madalas natin itong pinapabayaan. Ito ay dahil hindi natin nakikita ang mga epekto ng pagpupuyat, labis o konting tulog. Gayunpaman, ang pagkakaroon ng insomnia sa mahabang panahon ay talagang makakaapekto sa kalidad ng buhay ng isang tao.
Physical performance
Kapag kulang ka sa tulog, mahina ka, mahina ang motibasyon, matamlay, at madaling magkamali. Ang mga karaniwan at simpleng gawain ay maaaring maging mahirap gawin at sundin. Kaya, ang performance mo sa trabaho, paaralan, o tahanan ay maaaring makompromiso.
Mental health disorders
Maaaring lubhang maapektuhan ng kakulangan sa tulog ang mental health mo. Ang ilang mga psychological na epekto ng pagpupuyat ay pag-trigger ng anxiety disorders mo, PTSD, o depresyon. Kapag nagising sa gabi at hindi na makabalik sa pagtulog, ito ay nagbibigay sa iyo ng mahabang oras para mag-overthink. Pati na rin ang ma-depress, at mabalisa sa mga bagay na karaniwan mong hindi napapansin.
Ang mga epekto sa utak ng sleep deprivation ay hindi madaling mapapansin. Pero habang patuloy kang dumaranas ng hindi pagkakatulog, pagkabalisa, at depresyon, maaari itong lumala. Hanggang sa maapektuhan nito ang iba pang aspeto ng iyong buhay.
Paggamot sa Sleep Deprivation
Ang paggamot sa sleep deprivation ay depende sa level ng insomnia mo. Maaaring hindi kailangang gamutin ang short-term o pasulpot-sulpot na insomnia. Ang kondisyong ito ay tumatagal lamang ng ilang araw hanggang ang iyong katawan ay umangkop sa sitwasyon mo. Muli, ito ay maaaring sanhi ng pagbabago sa iskedyul, paglalakbay, o stress na kaya mong i-manage. Kung ang paulit-ulit na insomnia ay hindi bumuti, baka kailanganin ito ng paggamot. Maaaring magreseta ang mga doktor ng ilang pagbabago sa pamumuhay o gamot na iinumin sa maikling panahon.
Kung may long-term insomnia, maaaring kailangan ng higit pa sa mga pagbabago sa lifestyle at gamot. Kailangang tukuyin ang underlying medical problems or psychological issues. At simulan ang paggamot mula doon. Ang layunin ay gawing normal man lang ang iyong mga aktibidad, mental at pisikal, para sa normal na pattern ng pagtulog.
Ang behavioral therapy ng isang psychologist o psychiatrist ay makakatulong sa iyong matuto at gumawa ng mga techniques. Maaaring magbigay ng ginhawa sa iyong pagtulog ang mga ito. Ang mga approaches tulad ng stimulus control ay nagsasanay sa iyo na gamitin ang kama para sa pagtulog lamang. At tumutulong na bawasan ang screen time sa iyong mga device. Ang cognitive therapy naman, ay tumutulong na maintindihan ang iyong mga saloobin at paniniwala na maaaring humantong sa hindi mabuting pagtulog o pagpupuyat.
Key Takeaways
Ang insomnia o sleep deprivation ay maaaring hindi mukhang isang seryosong problema. Ito ay kumpara sa iba pang nakakapanghina at nakamamatay na mga sakit. Maaari mong malagpasan ang kakulangan sa tulog at epekto ng pagpupuyat sa loob ng ilang araw. Ito ay dahil maaari kang makatulog ng maayos sa mga susunod na gabi.
Gayunpaman, ang matagal na panahon ng insomnia ay maaaring mapanganib para sa iyong pisikal at mental na kalusugan. Mahalagang matukoy ang underlying causes at matugunan kaagad ang mga ito.