Ang Christmas season ay isang panahon na hinihintay ng maraming Pilipino, dahil sa oras na ito madalas na ginaganap ang reunions, parties, at kainan. Kilala ang mga Pilipino sa paggawa ng masayang selebrasyon ng Pasko, mula sa pagbuo ng simbang gabi, paglalagay ng mga dekorasyon sa tahanan, paggamit ng paputok sa pagsalubong ng Pasko, at pagsasalo-salo sa hapag.
Pero sa kabila ng excitement na dulot ng Christmas season sa atin, hindi rin maitatanggi na ito rin ang panahon kung saan tumataas ang “stress level” ng maraming Pilipino. Ilan sa mga dahilan ng stress ng mga tao sa panahon ng Kapaskuhan ay ang suliraning pampinansyal, at problemang pampamilya.
Sa ngayon maraming Pilipino ang apektado ng inflation rate sa Pilipinas na humahantong sa kahirapan at kawalan ng kakayahan makapag-celebrate ng Pasko. Habang ang ibang mga Pilipino naman ay humaharap sa mga suliraning pampamilya na dahilan para hindi nila maramdaman ang masayang diwa ng Kapaskuhan.
Narito ang mga tip na pwede mong subukan, para maging stress-free na Pasko ang inyong selebrasyon.
5 Iwas Stress Tips Sa Pasko
1. Maagang pagplaplano
Kaliwa’t kanan ang ayaan ng bakasyon, at bonding tuwing Christmas season. Madalas ang mga imbitasyon na ito ay nagmumula sa mga katrabaho, kaibigan at pamilya. At minsan hindi maiiwasan na magkaroon ng “conflict of schedule”, at nagiging sanhi ito ng tampuhan.
Para maiwasan ang tampuhan at stress sa pagse-set ng lakad, at pagbabakasyon siguraduhin na ang mga commitment lamang na kayo mong daluhan ang puntahan. Huwag mangangako ng mga bagay na hindi kayang tuparin. Kaya magandang planuhin ninyo nang maaga ang inyong gagawing selebrasyon para mas makapaghanda ang lahat sa mga bagay na dapat gawin, bilhin — at dalhin.
2. Panatilihin ang healthy habits
Maraming handaan at inuman sa panahon ng Kapaskuhan, kaya hindi nakapagtataka kung nagiging stressor ng mga Pilipino ang pagkain at alak, dahil nako-concious sila sa kanilang pagtaba at body figure.
Kaya naman ang isa sa mga mabisang iwas stress tips sa Pasko ay ang pagpapanatili ng ating healthy habits, gaya ng pag-eehersisyo, at pag-inom ng tubig. Malaki ang maitutulong ng mga ito para mapabuti ang ating kalusugan at maging physical fit ka.
3. Kontrolin ang budget
Sabi nila mas nagiging magastos ang isang tao at pamilya kapag Christmas season. Ito raw kasi ang panahon ng pagbibigay ng regalo at handaan. Subalit ang kakapusan ng budget o sobrang paggastos ay maaaring pagmulan ng stress. Maganda kung tayo ay gagastos lamang ayon sa ating budget. Iwasan ang pangungutang para lamang makapagbigay ng regalo at makapaghanda. Ang pagbabayad ng utang ay nakakastress din lalo na kung wala kang pambayad sa inutang.