Kadalasan, masyado nating nababalin ang ating atensyon sa pag-aalaga sa mga tao sa ating paligid, maging pamilya man o kaibigan. Bagaman ito ay isang magandang paraan upang ipakita ang ating pagmamahal sa kanila, may mga pagkakataon na umaabot sa puntong nalilimutan na natin magbigay pagpapahalaga sa ating mga sarili. Nalilimutan natin na, bilang tao, may pansariling pangangailangan din tayo. Kung kaya, ilalatag ng artikulong ito ang iba’t ibang paraan kung paano pangalagaan ang sarili.
Malamang narinig mo na ang Ingles na kasabihang “You can’t pour from an empty cup.” Ito ay kadalasang nababanggit upang mabigyang diin na dapat unang inaalagaan ang sarili bago maaari itong gawin sa iba. At dito pumapasok ang konsepto ng pag-aalaga sa sarili o self-care.
Pag-Unawa Sa Kahalagahan Ng Pag-Aalaga Ng Sarili
Marami ang nagtatanong kung paano pangalagaan ang sarili ngunit hindi nila nauunawaan kung ano ba talaga ito.
Ayon sa World Health Organization, ang self-care ay tumutukoy sa abilidad ng mga tao na:
- Itaguyod ang kalusugan
- Maiwasan ang sakit
- Mapanatili ang kalusugan
- Makayanan ang iba’t ibang mga sakit at kapansanan
Bukod pa rito, sinasaklaw din nito ang hygiene, nutrisyon, lifestyle, environmental factors, socioeconomic factors, maging ang self-medication. Tulad ng naunang nabanggit sa artikulong ito, nakatutulong ang pangangalaga sa sarili hindi lang para sa pansariling kalusugan, maging sa kapakanan ng mas nakakarami tulad ng isang komunidad. Kapag natutunan mo na kung paano pangalagaan ang sarili sa pangaraw-araw na pamumuhay, malaki ang maitutulong nito hindi lang sa iyong pisikal na kalusugan, pati na rin kalusugang pangkaisipan. Pagdating sa iyong kalusugang pangkaisipan, ito ay makakatulong:
Ito ay dahil kalakip ng mahalagang konsepto na ito ang emotional, psychological, at social well-being. Ilan sa mga aspeto ba mahalaga upang malampasan ang mga hamon at makamit ang ating mga layunin sa buhay.
6 Paraan Kung Paano Pangalagaan Ang Sarili
Ang paglalaan ng oras upang gawin ang iba’t ibang mga bagay ay mainam upang mamuhay nang maayos at mabuti. Narito ang ilan sa mga paraan kung paano pangalagaan ang sarili:
1. Kumain ng masustansya at balanseng diyeta
Syempre, hindi mawawala sa listahan sa kung paano pangangalagaan ang sarili ang masustansyang pagkain.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng nakararami na ang pagkain at pag-hydrate ay nagbibigay enerhiya at pokus sa buong araw. Kung kaya, laging pinapaalalahanan ang mga tao na huwag laktawan ang mga oras ng pagkain.
2. Mag-ehersisyo
Madalas na kapareha ng pagkain ang pag-eehersisyo. Ang paglalaan ng kahit 30 minuto sa isang araw upang maglakad o gumawa ng kahit anong sport o pisikal na aktibidad ay nakatutulong upang mapalakas ang iyong katawan at mapaganda ang iyong mood.
3. Matulog ng sapat na oras
Madalas naisasantabi ang kahalagahan ng pagtulog dahil nais nating makatapos ng maraming bagay sa loob ng isang araw. Ngunit, hindi dapat ganito ang paniniwala. Ito ay marahil malaki ang nagiging epekto ng sapat na tulog sa iyong mental at pisikal na pakiramdam. May mga pagkakataon kung saan nagkakaroon ng isyu sa kalusugan dahil hindi sapat ang tulog ng isang tao.
Makatutulong sa iyo kung gagawa ka ng iskedyul at susundin ito. Malaki ang posibilidad na ang blue light na nanggagaling sa screen ng iyong mga gadget ang nagpapapuyat sa iyo sa gabi. Kung kaya, dapat bawasan ang paggamit ng mga ito bago ang oras ng pagtulog.
4. Makipag-usap sa mga mahal sa buhay
Bukod sa pisikal na aspeto kung paano pangalagaan ang sarili, mainam din ang pagpapalakas ng iyong support system. Nakakapagpagaan ng loob ang pakikipag-usap sa mga taong iyong pinagkakatiwalaan tulad ng ilang mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan.
5. Gumawa ng aktibidad na magpapasaya sa iyo
Ano ang pagsasagawa ng self-care kung hindi ka gagawa ng bagay na makapagpapasaya sa iyo?
Maging ito man ay sa pamamagitan ng pagkanta, pagsasayaw, pagbabasa ng libro, o maging panonood ng paborito mong pelikula, huwag kalimutan na parte pa rin ito ng proseso. Maaari mo itong ikonsidera bilang iyong reward sa iyong sarili matapos ang isang mahabang araw.
6. Maging mabait sa iyong sarili
Hindi lahat ng araw ay puno ng kaligayahan lamang, at ito ay ayos lang. Hayaang maramdaman ang mga bagay na nararamdaman mo. Hindi kailangan lagi kang produktibo kung hindi naman ito ang nararamdaman mo talaga.
Isang mabuti pamamaraan kung paano pangalagaan ang sarili ay sa pamamagitan ng pag-uunawa sa iyong nararamdaman. Higit pa rito, ang pagiging mabait sa iyong sarili.
Key Takeaways
Maraming iba’t ibang paraan kung paano pangalagaan ang sarili at maaaring iba-iba ang anyo ng self-care para sa maraming tao. Ito ay maaaring sa pamamagitan ng pagkain ng paborito mong pagkain o sa paglaan ng oras upang matulog. Gayunpaman, ang mahalagang bagay na dapat tandaan ay nauunawaan kung ano ang kailangan ng iyong katawan at pag-iisip.
Alamin ang iba pa tungkol sa Mabuting Pag-iisip dito.