Ang adiksyon ay isang sakit na maaaring kumonsumo sa buhay ng isang tao. Walang alinlangan, ang pagkilala sa problema ay ang pinakamalaki at pinakamahalagang hakbang sa tungo sa recovery. Sa kasamaang palad, ang daan patungo rito ay hindi palaging maayos. Ang pangunahing paggamot para sa adiksyon ay behavioral therapy. Walang magic pill upang gamutin ang addiction; Gayunpaman, mayroong mga gamot at natural na solusyon sa addiction na maaaring makatulong.
Pagsusuri sa Addiction
Bago ang pag-alam ng iba’t ibang mga natural na solusyon sa addiction, mahalagang malaman ng isang tao na mayroon ng problema. Ang mga kaibigan at miyembro ng pamilya ay maaaring tumawag para sa isang interbensyon, ngunit sa huli, ito ay nakasalalay sa taong may addiction upang makakuha ng propesyonal na tulong.
Pangalawa, ang mga mental health professionals ay may pananagutan sa pagsuri kung anong partikular na addiction ito. Kakailanganin ng doktor na gumawa ng kumpletong medikal na pagtatasa, na kinabibilangan ng parehong psych exam at psych evaluation.
Mga Diskarte sa Paggamot ng Addiction
Maraming pinagbabatayan na sanhi ng addiction. Maaaring pumasok ang mga salik sa kapaligiran, genetic, pisikal, maging sikolohikal. Ito ang dahilan kung bakit ang isang tao ay maaaring uminom ng alak o gamot sa pananakit na may mindful moderation, habang ang iba ay maaaring maging dependent sa mga ito.
Upang malaman ang ugat ng problema, isinasaalang-alang ng mga doktor at therapist ang lahat ng mga salik na ito. Ini-aangkop ang bawat paggamot sa indibidwal sapagkat walang isang solusyon na angkop sa lahat. Ang puso ng paggamot sa addiction ay behavioral therapy. Bilang karagdagan, ang ilang mga gamot ay maaaring inireseta upang ma-detoxify at mabawasan ang cravings at withdrawal symptoms.
Ang mga halimbawa ng mga gamot na ito ay kinabibilangan ng:
- Methadone, buprenorphine, at naltrexone para sa opioid overdose at addiction
- Disulfiram at naltrexone para sa alcohol dependency
- Nicotine patches at gum para sa smoking cessation
Mahalagang maunawaan na ang addiction ay hindi madaling gamutin. Kahit na may pinakamahusay na care at support groups, may mga pagkakataon na magka-relapse. Habang nagpapatuloy ang pananaliksik at pag-aaral sa utak at mental health, ang mga eksperto ay nagbubukas ng higit pang mga lihim para sa mas mahusay na paggamot.
Natural na Solusyon sa Addiction
Ang problema sa paggamit ng isa pang substance upang labanan ang addiction ay ang panganib ng substitution o cross addiction, kung saan ang isang addiction ay pinapalitan o nabubuo kasabay ng orihinal na klase. Hindi lamang ito nangyayari sa droga o alkohol, kundi pati na rin sa mga aktibidad at pag-uugali. Ang isang karaniwang halimbawa ay ang pagiging addicted sa pagkain habang sinusubukang huminto sa paninigarilyo.
May mga natural na solusyon sa addiction na maaaring makadagdag sa mga programa sa paggamot. Bilang paalala, ang mga remedyo na ito ay hindi dapat gamitin nang nag-iisa lamang upang gamutin ang naturang kondisyon. Ang paggawa nito ay maaaring magdulot ng relapse o magsawalang bisa ng nakaraang paggamot ay matigil ang pag-unlad ng isang tao patungo sa recovery.
#1: Ehersisyo
Una, ang ehersisyo ay isa sa mga pinakamahusay na bagay na magagawa ng sinuman para sa kanyang kalusugan. Mayroon man o walang addiction, ang regular na ehersisyo ay maaaring magpabuti ang daloy ng dugo, muscle tone, kalusugan ng puso, maging ang kalusugan ng isip.
#2: Meditation at prayer
Kung ikaw ay isang relihiyosong tao, ang paglalaan ng oras upang manalangin ay maaaring maging kapaki-pakinabang na natural na solusyon sa addiction na para rin sa iyong katawan at isip. Kahit na hindi ka relihiyoso, ang maingat na pagmumuni-muni ay nagbibigay ng parehong mga benepisyo. Ang mindful meditation at/o dasal ay nagbibigay ng katahimikan at bagong direksyon sa isang tao.
Pinakamainam na manatili sa isang tahimik na lugar habang binibigkas ang mga panalangin/mantra o habang nagmumuni-muni. Ang malinaw na pagsasabi at pag-iisip ng iyong mga intensyon ay nagbibigay-daan sa iyong tumutok sa positibong pagbabago at maalis ang iyong isip sa addiction. Kung mas gusto mo ng may naririnig kahit papano, makinig sa mga podcast o white noise recording upang makatulong na itakda ang tono. Ang group prayer at/o group meditation ay isa ring paraan na makatutulong na magbigay ng suporta ang iyong support group.
#3: Massage at acupuncture
Ang Traditional Chinese Medicine (TCM) ay isang uri ng complementary and alternative medicine (CAM). Ito ay isinagawa sa loob ng libu-libong taon na sinasaklawan ng higit pa sa mga herbal na gamot. Dahil ang TCM ay holistic, ang mga herbs at concoctions ay hindi ibinibigay nang nag-iisa upang gamutin ang mga sakit.
Samantala, ang acupuncture at acupressure ay mga kasanayan na nakatuon sa mga pressure points ng katawan. Sa TCM, ang mga puntong ito ay tumutugma sa mga partikular na bahagi ng katawan at organ system. Gumagamit ang acupuncture ng mga pinong karayom sa mga partikular na pressure point. Sumailalim lamang sa mga pamamaraang ito sa isang licensed acupuncturist, dahil ang hindi wastong paggamit o paglalagay ng karayom ay maaaring magdulot ng masamang epekto.
Isang posibleng alternatibo sa acupuncture ay ang massage therapy. Sa pamamagitan ng pag-alis ng tensyon at pagpapasigla ng daloy ng dugo, ang mga masahe ay nakatutulong sa pagrerelaks ng katawan at isip. Ang mga masahe na may essential oils ay maaari ring magpawi ng higit na stress at anxiety. Ang lahat ng mga nabanggit ay maaaring ikonsidera bilang mga natural na solusyon sa addiction.
#4: Mga halamang gamot at supplements
Ang pagkakaroon ng malusog na diyeta ay isang paraan upang matulungan ang iyong katawan na makabangon mula sa mga epekto ng addiction. Bilang karagdagan, ang pag-inom ng vitamins at herbal supplements ay maaaring magpalakas ng iyong pangkalahatang kalusugan.
Partikular na nakatutulong ang vitamin B sa nerve at brain health, at maaaring mapawi ang mga side effect ng pag-inom ng alak. Samantala, ang melatonin naman ay isa ring natural substance na makatutulong sa mood at pagkagambala sa pagtulog.
May mga pag-aaral sa paggamit ng mga halamang gamot upang gamutin ang addiction. Bagama’t hindi naapruban para sa paggamit ng FDA, ang mga halamang gamot tulad ng St. John’s wort, ginseng, at red sage ay nagpakita ng potensyal bilang mga pandagdag sa behavioral therapy. Makipag-usap sa iyong doktor bago kumuha ng anumang mga herbal supplement dahil maaaring makipag-ugnayan ang mga ito sa iba mo pang mga gamot o lumala ang isang umiiral na kondisyon.
Panghuli, tandaan na hindi lahat ng may label na “natural” ay ligtas na inumin.
#5: Musika at sining
Ipinakita ng mga pag-aaral na maaaring baguhin ng ilang uri ng musika ang iyong mood at mapabuti ang memorya. Dahil karamihan sa mga tao ay may kani-kanilang mga paboritong artist o genre, ang pakikinig sa mga pamilyar na kanta ay nagbubunga ng mga memorya at emosyon. Maaaring bawasan ng music therapy ang sakit, pasiglahin ang left brain, at mapawi ang anxiety.
Bilang karagdagan sa pakikinig sa musika, ang pagkakaroon ng mga creative outlet ay isa pang paraan upang maalis ang isip sa naturang addiction. Ang pag-aaral ng pagtugtog ng isang instrumento, kumunta, magpinta, kumuha ng mga litrato, o magsulat ay ilang mga mahusay na paraan upang mapawi ang stress at i-redirect ang iyong mga iniisip.
#6: Hypnotherapy
Panghuli, ang hypnosis o hypnotherapy ay isa pang alternatibong natural na solusyon sa addiction. Bagama’t hindi kinaugalian at may maling interpretasyon sa pop culture references, ang hypnosis bilang therapy ay higit pa sa isang gimmick na magic trick. Ang guided hypnosis sa ilalim ng isang clinical hypnotherapist ay nagdudulot ng trance-like state. Habang nasa ganitong estado, matutulungan ng therapist ang kanilang pasyente na tumuon sa ilang mga iniisip.
Bukod pa rito, maaaring gamitin ang hypnotherapy upang gamutin ang anxiety, phobias, at sexual dysfunction.
Key Takeaways
Bilang konklusyon, maraming natural na solusyon sa addiction. Bilang pre-caution, hindi dapat palitan ng mga pamamaraang ito ang iyong prescribed therapy; sa halip, dapat itong gamitin bilang pandagdag sa paggamot sa addiction. Ipaalam sa iyong doktor kung ikinokonsidera mo ang alinman sa mga nabanggit.
Alamin ang iba pa tungkol sa Adiksyon dito.