backup og meta

Alamin: Ano ang mainam na gamot sa constipation?

Alamin: Ano ang mainam na gamot sa constipation?

Ang constipation ay isang digestive condition. Ito ang madalang, mahirap, at minsan masakit na paglabas ng dumi. Isa sa pinaka karaniwang sintomas ng constipation ang bloating, bukod sa matigas o lumpy stools at madalang na pagdumi. Ano nga ba ang gamot sa constipation?

Kapag constipated ka, habang mas matagal ang dumi sa colon, mas magiging gassier ka; mas mararamdaman mong bloated ka. Alamin natin kung paano mapawi ang constipation at bloating nang natural pati na rin ang mga paggamot upang makatulong sa pagpapagaan ng mga problema sa pagtunaw.

Ano ang Constipation?

Nangyayari ang constipation kapag ang pagdaan ng dumi mula sa colon patungo sa rectum ay nagiging mabagal. Kapag ang dumi ay nananatili sa colon nang masyadong matagal, ang katawan ay nagsisimulang mag-absorb ng tubig sa dumi. Nagiging matigas ito at tuyo. Kapag ang dumi ay tuyo, matigas at bukol, mahirap at masakit ito ilabas mula sa rectum.

Ano ang mga sintomas ng constipation?

Ang mga karaniwang sintomas ng constipation:

  • Mas kaunting pagdumi, karaniwang mas mababa sa 3 beses bawat linggo
  • Matigas, tuyo, at bukol-bukol na dumi na mahirap, hindi komportable, at kung minsan, masakit ilabas
  • Pakiramdam ng may humaharang sa paglabas ng iyong dumi
  • Abdominal bloating
  • Sakit ng tiyan
  • Pakiramdam ng hindi ganap na nailalabas ang laman ng iyong bituka
  • Karagdagang effort sa pagpapalabas ng dumi

Ano ang nagiging sanhi ng constipation?

Upang malaman kung ano ang natural na gamot sa constipation at bloating, mahalagang alamin ang sanhi ng constipation. Kung nagtitiis ka sa constipation, ang mga ito ang maaaring dahilan ng problema mo sa pagdumi:

  • Kulang sa fiber ang diet mo
  • Hindi sapat ang water intake (dehydration)
  • Kakulangan ng ehersisyo at pisikal na aktibidad
  • Madalas na hindi pinapansin o inaantala ang pagdumi
  • Pagbabago ng habit ng oras ng pagkain at oras ng pagtulog
  • Lubhang dependent sa laxatives at iba pang gamot sa constipation
  • Ilang gamot gaya ng ilang partikular na antidepressant, narcotics, antacids, gamot sa presyon ng dugo, at iron supplement.
  • Iba pang underlying illnesses tulad ng diabetes at hypothyroidism, irritable bowel syndrome, colorectal cancer, Parkinson’s disease, at multiple sclerosis.
  • Hormonal changes na kinabibilangan ng pagtanda, postmenopausal, buntis, at postpartum women.

Paano gamutin ang constipation?

Ang constipation ay maaaring gamutin sa iba’t ibang paraan. Bukod sa pag-inom ng mga gamot sa constipation, maaari mo ring tugunan ang mga bowel problems mo sa sariling tahanan. Ang mga home remedy na ito ay ilan sa mga pinakamahusay na paraan kung paano natural na mapawi ang constipation at bloating. Kasama sa treatment ang:

Dagdagan ang pagkonsumo ng fiber-rich na pagkain

Mayroong dalawang uri ng dietary fiber:

  1. Insoluble fiber- Ang ganitong uri ng dietary fiber ay ang pinakamahusay sa gamot sa constipation. Dahil nakakatulong ito na mapanatili ang regular na pagdumi. Nakakatulong din ito sa pagresolba ng iba pang mga problemang nauugnay sa pagdumi tulad ng almoranas, at fecal incontinence. Dapat ding tandaan, na kung may pagtatae, ang pag-ubos ng masyadong maraming insoluble fiber ay maaari talagang magpalala nito. Ang mga pagkaing mayaman sa insoluble fiber ay whole grains, ugat na mga gulay, beans, mani, at seeds.
  2. Soluble fiber – Kapag may constipation ka, ang soluble fiber ay pwedeng makatulong sa pagpapabuti ng anyo ng iyong dumi, kaya mas madali itong lumabas. Kabilang sa mga soluble fiber-rich fiber ang mga oats, citrus fruits, berries, mansanas, at saging.

Ang inirerekomendang intake ng soluble fiber para sa mga bata at matatanda ay hindi bababa sa 20 hanggang 30 grams bawat araw. Gayunpaman, tandaan na dahan-dahang dagdagan ang iyong paggamit ng fiber upang maiwasan ang pakiramdam na bloated at gassy.

Manatiling hydrated

Isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit ang mga tao ay nakakaranas ng constipation ay palagi silang dehydrated. Ang pinaka ginagamit na gamot sa constipation at bloating ay ang pananatiling hydrated. Alinman sa pag-inom ng mas maraming tubig o pagkain ng water-rich foods.

Upang manatiling hydrated, ipinapayong uminom ng hindi bababa sa 2 litro hanggang 4 na litro ng tubig sa isang araw. Depende ito kung gaano ka ka-aktibo. Kung hindi ka mahilig sa tubig, maaaring kumain ng prutas at gulay para sa iyong panlasa. Maaari ka ring kumain ng mga pagkaing mayaman sa tubig tulad ng pakwan, pipino, kamatis, dalandan, at pinya.

Ang pananatiling hydrated ay nakakatulong sa pagpapagaan ng constipation sa pamamagitan ng pagpigil sa colon mula sa pagsipsip ng lahat ng tubig sa iyong dumi. Nakakatulong ang pagiging hydrated hindi lang para lumambot ang dumi pero para din mabawasan ang bloating.

Regular na mag-ehersisyo

Ang physical activities, ehersisyo man o kahit paggalaw ng marami ay makakatulong na mapabuti ang constipation. Nakakatulong ang ehersisyo na pasiglahin ang digestive system na kaya mas maayos at mas mabilis ang transit ng pagkain sa digestive tract. Ang pagiging pisikal na aktibo ay nagpapabuti sa muscle contractions sa colon. Nagiging mas madali at mas komportable ang paglabas ng dumi. Ang madalas na pag-eehersisyo nang humigit-kumulang 30 minuto sa loob ng isang linggo ay maaaring makatulong na mapabuti ang bowel health at ang pangkalahatang kalusugan mo.

Huwag balewalain o antalain ang iyong pagdumi

Kung nararamdaman mo ang pagdumi, gawin ito. Ang patuloy na pagpipigil sa pagba- banyo upang dumumi ay malamang na magpatigas sa dumi at maaaring magdulot ng build-up. Kung mangyari ito, maaari ka ring magdusa sa fecal impaction at almoranas, bukod sa constipation. Ang pagdumi sa sandaling maramdaman mo ito, hindi lamang pinipigilan kang magkaroon ng constipation, ngunit binabawasan din nito ang iyong mga panganib mula sa pagkakaroon ng iba pang mga problema sa pagtunaw o bituka.

Mahigpit na sundin ang isang routine

Ang pagkakaroon ng konkretong iskedyul ng oras ng pagkain at pagtulog ay isa rin sa pinakamahalagang paraan kung paano maibsan nang natural ang constipation at bloating. Kung palagian at mahigpit mong susundin ang iyong routine, masasanay ang katawan sa proseso. Makatutulong ito sa pagpapagaan ng constipation at maiwasan itong bumalik.

Iba pang mga paggamot sa constipation

Kung hindi nalulutas ang constipation ng mga nabanggit sa itaas, narito ang iba pang paggamot:

  • Gumamit ng mga laxative gaya ng mga pampalambot ng dumi, fiber supplement, lubricant, stimulant, o osmotics.
  • Tanungin ang iyong doktor para sa mga reseta para sa constipation. Ang mga karaniwang inireresetang gamot para sa paninigas ng dumi ay Lubiprostone, Linaclotide, Plecanatide, at Prucalopride.
  • Para sa mas malalang isyu sa bituka, maaaring irekomenda ng iyong doktor ang biofeedback therapy o maaari ka ring payuhan na sumailalim sa operasyon.

Key Takeaways

Ang constipation ay maaaring mawala ng kusa pagkatapos ng ilang araw kung agad mo itong matugunan. Ang paggamot sa constipation sa bahay sa sandaling magsimula ito ay maaaring mapagaan at maiwasan itong lumala. Gayunpaman, kung ang treatment sa constipation sa bahay ay hindi nakakapagpabuti, palaging pinakamahusay na kumunsulta sa iyong doktor. Bagama’t maraming natural na paraan at gamot sa constipation at bloating, huwag na huwag mag-self medicate. At laging humingi sa isang propesyonal para sa anumang medikal na payo o alalahanin.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Fiber  https://www.hsph.harvard.edu/nutritionsource/carbohydrates/fiber/ Accessed August 11, 2020

Treatment for Constipation https://www.niddk.nih.gov/health-information/digestive-diseases/constipation/treatment Accessed August 11, 2020

Constipation https://www.nhs.uk/conditions/constipation/ Accessed August 11, 2020

Natural Ways to Relieve Constipation https://www.health.harvard.edu/bladder-and-bowel/natural-ways-to-relieve-constipation Accessed August 11, 2020

Constipation https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/constipation/diagnosis-treatment/drc-20354259 Accessed August 11, 2020

 

Kasalukuyang Version

09/28/2022

Isinulat ni Corazon Marpuri

Narebyung medikal ni Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

In-update ni: Corazon Marpuri


Mga Kaugnay na Post

Sanhi ng Constipation, Anu-ano ang mga Ito? Alamin Dito!

Bakit Minsan Nakararanas ng Constipation Pagkatapos ng Diarrhea?


Narebyung medikal ni

Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

General Practitioner


Isinulat ni Corazon Marpuri · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement