Ang mga itlog ay mababa sa calories ngunit mataas sa protein. Mayroon din itong mga bitamina at mineral tulad ng iron, na mabuti para sa dugo; carotenoids, na antioxidants; at lutein at zeaxanthin, na nakatutulong sa paglaban sa mga sakit. Hindi lamang mura at masarap ang mga itlog, marami ring magagawa sa mga ito. Maaaring ilaga o idagdag sa iba’t ibang mga ulam. Ang “hindi mabuti” rito ayon sa iba, ang cholesterol ng itlog ay mataas. Ngunit mataas nga ba sa cholesterol ang mga itlog?
Tatalakayin sa artikulong ito ang ilan sa mga paniniwala tungkol sa itlog, sakit sa puso, at cholesterol.
Paniniwala #1 Napatataas Ng Itlog Ang Panganib Ng Sakit Sa Puso
Kung ikaw ay nagkaroon na ng problema sa cholesterol, maaaring narinig mo na mula sa iba na ang cholesterol ng itlog ay nakapagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng sakit sa puso. Subalit napatunayan ng mga bagong pag-aaral na hindi ito totoo.
Halimbawa ay ang isang pag-aaral na kabilang ang 177, 000 tao mula sa 50 bansa. Batay sa resulta nito, ang pagkain ng itlog ay walang kaugnayan sa pangunahing cardiovascular disease events at sa antas ng kamatayan.
Katulad din ng pag-aaral na isinagawa noong 2019, napatunayang ang cholesterol ng itlog ay walang kaugnayan sa ischemic heart disease. Sinabi rin ng mga mananaliksik na ang pagkain ng isda, itlog, at mga pagkaing gawa sa gatas bilang kapalit ng mga karne ay nakapagpapababa ng tyansa ng pagkakaroon ng ischemic heart disease.
Ayon sa mga eksperto, maaaring may ibang mga dahilan kung bakit ang pagkain ng itlog ay nakapagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng cardiovascular diseases. Halimbawa: Ang ibang pagkaing isinasabay sa pagkain ng itlog, tulad ng mga bacon at sausage, ay maraming saturated fat. Dagdag pa, ang pagluluto ng itlog gamit ang hindi masustansyang mantika at mantikilya ay maaari ding may kaugnayan sa pagtaas ng tyansa ng pagkakaroon ng heart disease.
Paniniwala #2 Ang Mga Itlog Ay Masama Para Sa Cholesterol
Ngayon, subukan nating sagutin ang tanong na, Masama ba ang cholesterol ng itlog?
Ang mga taong may mataas na cholesterol ay kadalasang kinakain lamang ay ang puti ng itlog. Ito ay dahil sa pag-aakala noon ng mga mananaliksik na ang dietary cholesterol ay may direktang epekto sa blood cholesterol.
Ngunit batay sa mga bagong natuklasan, ang pagkain ng itlog ay hindi nakaaapekto sa lebel ng cholesterol.
Halimbawa, sa pag-aaral na kabilang ang 177, 000 tao, nalamang ang itlog ay walang kaugnayan sa lebel ng cholesterol. At habang ipinakita sa isang ulat na ang pagkain ng itlog ay maaaring bahagyang makapagpataas sa kabuoang cholesterol at sa lebel ng bad cholesterol, napatunayan din nito ang pagtaas ng lebel ng good cholesterol.
Paniniwala #3 Hindi Dapat Kumain Ng Mas Marami Pa Sa Tatlong Itlog Sa Loob Ng Isang Linggo
Ngayong alam mo na ang sagot sa tanong na “Masama ba ang cholesterol ng itlog?” alamin naman natin ang limitasyon ng pagkain ng mga itlog.
Noong 1968, ang American Heart Association ay nagbigay ng rekomendasyon na tatlong itlog lamang ang kainin sa loob ng isang linggo. Ngunit hindi na ito ang kaso ngayon.
Ayon sa mga ulat, bagamat ang cholesterol ng itlog ay mataas, ito rin ay madaling mapagkukunan ng protina, bitamina, at mga mineral. Dagdag pa, ang itlog ay kumukunsumo lamang ng halos 8% ng ating daily allowance ng saturated fats. Ibig sabihin, ito ay isa sa mga “pagkaing mayaman sa cholesterol na dapat kainin.”
Depende sa sitwasyon ang limitasyon ng pagkain ng itlog. Kung ikaw ay malusog, ang isang itlog sa isang araw ay hindi makapagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng cardiovascular diseases. Sa kabilang banda, ang mga taong may mataas na cholesterol ay dapat isaalang-alang ang pagkain ng apat na itlog sa loob ng isang linggo.
Huling Paalala
Masama ba ang itlog para sa cholesterol? Ito ay depende sa kung ano ang iyong kinakain kasabay ng itlog at kung paano mo niluluto ang mga ito. Iwasan o limitahan ang pagkain na mataas sa saturated fats, tulad ng processed foods at pulang karne. Gayundin, piliin ang masustansyang paghahanda ng mga pagkain (poached, nilaga, at iba pa).
Ang bilang din ng mga itlog ay dapat isaalang-alang kung ikaw ay mayroon ng mataas na cholesterol. Kaya ang pagtatanong sa doktor tungkol sa limitasyon ng pagkain nito ay makabubuti.
Halimbawa, kung pinayuhan kang limitahan ang pagkain ng cholesterol sa 200 mg bawat araw, tandaan na ang burok ng itlog ay kadalasang may 186 mg na agad. Sa kabilang banda, ang puti ng itlog ay mayaman sa protina ngunit walang cholesterol. Kaya naman maaaring dagdagan ang pagkain nito.
At huli, tandaan na bukod sa pagkain ng itlog, ang kabuoang diyeta pa rin ang mas mahalaga. Kaya kumain ng maraming prutas at gulay, whole grains, lean protein, healthy fats, at pagkaing gawa sa gatas.
Matuto pa tungkol sa Cholesterol dito.