Kung nasa harap ka ng computer mo o nagse-cell phone, at makakita ka ng mga batik o specks sa screen, siguradong nakakairita iyon. Katulad nito ang mga floaters sa mata. Ngunit ang nakakainis na mga batik ay nakikita ng ating aktwal na paningin. Ito ba ay isang masamang palatandaan? Alamin kung paano bawasan ang floaters sa mata ng natural sa pamamagitan ng pagsunod sa payong ito.
Ano ang floaters sa mata?
Gaya ng halimbawa sa itaas, ang floaters sa mata (myodesopsia) ay katulad ng pagkakaroon ng mga debris o dumi sa mga screen ng gadget mo. Gayunpaman, kahit na madali nating mapunasan ang mga screen, hindi natin ito aktwal na magagawa sa ating mga mata.
Kung susuriing mabuti ang anatomy ng mata, mayroong mala-gel na likido na tinatawag na vitreous humor. Ang likidong ito ay binubuo ng tubig, collagen, protina, at ilang iba pang materyales. Ang pangunahing tungkulin nito ay punan ang espasyo at bigyan ang ating mga mata ng bilog na hugis, katulad ng tubig sa isang water balloon.
Karaniwan, ang vitreous humor ay mala-kristal na kapag ang liwanag ay pumasok sa pupil, nakararating ito sa retina sa likod ng mata na halos hindi nagagambala. Gayunpaman, dahil sa pagtanda, pagkasira, at mahinang kalusugan ng mata, ang mga sangkap sa vitreous humor ay maaaring magsimulang magkumpol at manatiling suspendido nang ilang panahon.
Ngayon, kapag ang liwanag ay dumaan sa pupil, ang mga nasuspinde na kumpol o floaters sa mata ay naglalagay ng malabong anino sa retina. Nakikita natin ang mga ito bilang maliliit na “squiggles” o mga anino sa ating paningin. Nananatili ang mga anino na ito kahit na kumukurap tayo o lumilipat ng tingin. Ang mga ito ay pinaka-kapansin-pansin kapag tumingin ka sa isang puti o mapusyaw na kulay na background. Ang mga floater mismo ay hindi nagdudulot ng anumang uri ng sakit o discomfort.
Paano Bawasan ang Floaters sa Mata nang Natural
Una, mahalagang tandaan na ang floaters sa mata ay karaniwan. Ito ay lalo na habang tayo ay tumatanda at mas pinapagod natin ang ating mga mata. Ang mga ito ay hindi nakakapinsala ngunit ang makita ang mga ito ay maaaring nakakagambala o nakakainis. Bihira ang mga floater na nangangailangan ng medical treatment o removal. Minsan, ang nakababahala sa pagkakaroon ng floater ay maaaring kung nakapagpapalabo ito ng paningin. O kung may iba pang mga problema sa mata tulad ng glaucoma o retinopathy.
Walang aktwal na paraan upang alisin ang mga floater ngunit maaari namang subukang pigilan ang mga ito. Ang mga floater ay tila nawawala sa paglipas ng panahon dahil natututo ang ating utak na huwag pansinin ang mga ito pagkatapos ng ilang oras. Bukod pa rito, ang mga ito pagtagal ay nananatili sa ilalim ng eyeball pagkatapos ng ilang buwan. Samakatuwid, kung makakakita ng mga floaters, huwag kang ma-stress dito.
Mga Factors sa pagkakaroon ng Floaters sa Mata:
- Edad
- Hindi magandang nutrisyon
- Dehydration
- Hindi makontrol na diabetes
- Nearsightedness (myopia)
- Mga pinsala sa mata o operasyon
Paano Bawasan ang Floaters sa Mata nang Natural: Mga remedyo na maaring subukan
Paano Bawasan ang Floaters sa Mata nang Natural: Flicking
Ito ay isang hindi nakasanayang paraan ngunit ito ay maaaring gumana sa iyo. Ang pag-flick ng iyong mga mata ay ang mabilis at paulit-ulit na paglilipat ng iyong tingin. Tumutok sa isang bagay at mabilis na tumingin pataas at pababa o magkatabi. Maaari mong subukang gawin ito ng ilang beses sa isang araw upang makatulong na ilipat ang mga floater mula sa gitna ng vitreous humor. Gayunpaman, ang rapid eye movements ay maaaring maging nakakahilo sa ilang mga tao. At maaaring gawing mas gumagalaw ang mga floater.
Diet at Mga Supplement
Ang pagiging malusog sa pangkalahatan ay marahil ang pinakamahusay na paraan upang maiwasan ang floaters sa mata dahil sa pagtanda. Siguraduhin na palagi kang well-hydrated, dahil ang pangunahing bahagi ng vitreous humor ay gawa sa tubig. Ang kakulangan ng tubig ay maaaring makapag palapot na nagbibigay-daan sa mga protina at iba pang materyales na magkumpol.
Kasama sa eye-friendly diet ang mga prutas at gulay na mayaman sa bitamina A, C, E, at zinc. Ang bitamina C ay mahalaga para sa pagbuo ng collagen, na isa pang bahagi ng vitreous humor. Ang lutein, beta-carotene, at lycopene ay iba pang mga sangkap na maaaring magsulong ng mabuting kalusugan ng paningin. Mahalaga naman para sa pagpapanatili ng nerve at retina function ang mga omega-3 fatty acid. Ang mga eye health supplements ay kadalasang kinabibilangan ng mga sangkap na ito.
Mga magagandang halimbawa ng pagkain na naglalaman ng mga sustansyang ito ay kinabibilangan ng:
- Carrots
- Kamatis
- Mais
- Kamote
- Kalabasa
- Bell peppers (capsicum)
- Broccoli
- Spinach
- Citrus fruit (hal. lemon, oranges)
- Salmon, tuna, sardinas
- Avocado
- Pula ng itlog
- Mga mani
- Karne ng baka
- Chickpeas o garbanzo beans
Bukod pa rito, ang pagkakaroon ng diabetes ay maaaring mag-ambag sa floater formation at retinopathies. Iwasan ang pagkain ng refined na asukal at carbohydrates. Regular na i-monitor ang iyong blood sugar at inumin ang maintenance medications upang makontrol ang blood sugar mo.
Sundin ang 20-20-20 Rule
Panghuli, ang pag-iwas sa pagkapagod sa mata ay maaaring makatulong bawasan ang floaters sa mata at iba pang mga problema sa paningin. Ang pagtitig sa screen ng masyadong mahaba nang hindi kumukurap ay nakakapagpatuyo ng mga mata at maaaring magdulot ng malabong paningin. Maaaring makatulong sa pag-lubricate ng iyong mga mata ng eye drops. Bilang kahalili, magpahinga mula sa screen bawat 20 minuto. Tumingin sa isang bagay na 20 talampakan ang layo nang hindi bababa sa 20 segundo.
Kung kaya mo, subukang tumayo at maglakad o gumawa ng ilang pisikal na aktibidad. Ang pag-upo nang matagal ay maaaring maging isang panganib sa kalusugan, bagama’t hindi talaga ito nakakaapekto sa iyong paningin. Ang paglayo sa iyong computer o gadget paminsan-minsan ay hindi lamang nagbibigay sa iyong mga mata ng pagkakataong magpahinga. Ngunit maaari ka ring gawing mas produktibo sa katagalan.
Key Takeaways
Ang ilang mga paraan upang mabawasan ang mga floaters sa mata ay natural na kinabibilangan ng pag-flick ng iyong mga mata, diyeta, at ang 20-20-20 rule. Gayunpaman, ang floaters sa mata ay karaniwang normal at hindi nagdudulot ng malalaking problema. Pinakamabuting pabayaan sila at tumuon sa pagpapanatili ng iyong pangkalahatang kalusugan.