Madalas kapag napag-uusapan ang vitamins ay ang kalusugan ng katawan at tibay ng resistensya ang naiisip ng mga tao. Ngunit alam mo ba na mayroong mga tinatawag na skin vitamins o mga vitamins na nakatutulong na panatilihing malusog ang ating balat?
Halina’t magbasa at alamin kung anu-ano ang mga vitamins na ito, at kung ano ang pinakamainam na paraan upang makuha ang mga benepisyo nito sa ating balat.
Ano ang skin vitamins?
Lahat siguro sa atin ay pamilyar sa mga vitamins. Ito ay mga compounds na kadalasang nahahanap sa pagkain at nakatutulong para panatilihing malusog ang ating katawan. Kabilang na rito ang pag-iwas sa sakit, pag-rekober sa karamdaman, paggaling ng mga sugat, atbp. Ngunit madalas ay hindi naiisip ng mga tao na nakatutulong rin ang mga vitamins na ito sa ating balat. Ito ay dahil tulad ng ibang organs sa ating katawan, ang ating balat ay isa ring organ at nakikinabang sa benepisyong dulot ng mga vitamins, partikular na ang mga skin vitamins.
Ang skin vitamins ay vitamins na bukod sa benepisyong naibibigay sa katawan ay mayroon dins epekto na pagpapalusog at pagpapabuti sa ating balat. Ang karaniwang mga skin vitamins ay ang vitamin A, vitamin B, vitamin C, vitamin D, at vitamin E.
Mahalaga ring tandaan na hindi kinakailangang uminom ng mga supplements o kaya gumamit ng mga espesyal na pamahid sa balat upang makuha ang benepisyo ng mga vitamins na ito. Basta’t masustansya at nasa tamang dami ang iyong kinakain, siguradong kumpleto ang nakukuha mong skin vitamins. Syempre bukod sa benepisyo nito sa balat, nakatutulong rin ang mga vitamins nito sa kabuuang kalusugan ng iyong katawan.
Ngunit anu-ano nga ba ang benepisyo ng bawat skin vitamin na ito? Ating alamin.
Vitamin A
Ang vitamin A ay kilala sa benepisyo nito sa kalusugan sa mata, ngunit nakatutulong rin itong panatilihing malusog ang balat. Ang vitamin A ay mabisa laban sa acne at psoriasis, at mayroon ngang mga gamot sa kondisyong ito na hinahaluan ng vitamin A. Bukod dito, maaari ring makatulong ang vitamin A laban sa wrinkles, at sa epekto ng exposure sa araw.
Ang vitamin A ay nakukuha sa mga pagkaing tulad ng carrots, bell peppers, squash, fish oil, milk, eggs, atbp.
Vitamin B
Ang vitamin B ay hindi iisang uri ng vitamin ngunit isang grupo na kung tawagin ay mga B-vitamins. Ang B-vitamins ay nakatutulong sa paggaling ng mga sugat, pagkakaroon ng collagen sa balat, panggamot sa acne at iba pang skin conditions, at sa pagpapanatili ng moisture sa balat.
Ang B-vitamins ay nakukuha sa mga pagkaing tulad ng whole grains, avocado, sweet potato, chicken, broccoli, spinach, seaweed, atbp.
Vitamin C
Ang vitamin C naman ay karaniwang kilala sa naibibigay nitong benepisyo sa ating immune system. Ngunit bukod sa pagpapatibay ng resistensya, malaki rin ang naitutulong ng vitamin C sa ating balat. Nakatutulong ang vitamin C upang bawasan ang wrinkles sa balat, alisin ang mga free radicals, nakatutulong sa sun exposure, at sa pagbilis ng paggaling ng mga sugat. Bukod dito, nakakadagdag rin ang vitamin C sa proteksyon laban sa mga sakit sa balat.
Ang vitamin C ay nakukuha mula sa mga citrus fruits, at mga prutas tulad ng strawberry, atis, mangosteen, apple, atbp.
Vitamin D
Malaki ang naitutulong ng vitamin D pagdating sa ating kalusugan. Bukod sa nakatutulong ito sa pagbuo at pagpapatibay ng mga buto, nakatutulong rin itong palakasin ang ating immune system. Ngunit bukod dito, nakatutulong rin ang vitamin D upang bawasan ang inflammation at ang epekto ng sun damage. Bukod dito, mahalaga rin ang papel ng balat sa vitamin D, dahil sa ating balat nabubuo ang vitamin D3 na ginagamit ng ating katawan.
Ang vitamin D ay nakukuha mula sa dairy products, eggs, salmon, mushrooms, at kapag naaarawan ang balat.
Vitamin E
Sa lahat ng mga skin vitamins, ang vitamin E ang pinakakilala pagdating sa pangangalaga sa balat. Ito ay dahil nakatutulong ang vitamin E na panatilihin ang moisture ng balat, bawasan ang epekto ng cell at sun damage, panatilihing malambot ang balat, at panatilihin ang moisture sa balat.
Ang vitamin E ay nakukuha mula sa nuts, seeds, spinach, broccoli, kiwi, at mango.
Mahalagang Kaalaman
Sa pamamagitan ng wastong pagkain ay siguradong makukuha ang kinakailangan ng ating katawan na dami ng skin vitamins.