backup og meta

Lahat Ng Dapat Mong Malaman Tungkol Sa Type 2 Diabetes

Lahat Ng Dapat Mong Malaman Tungkol Sa Type 2 Diabetes

Habang parami nang parami ang may diabetes, importanteng malaman ang tamang alaga para sa diabetes. Narito ang paraan kung papaano mananatiling malusog habang may type 2 diabetes.

Ano Ang Type 2 Diabetes?

Pinahihina ng type 2 diabetes ang kakayahan ng katawang mag-metabolize ng glucose na isang uri ng asukal. Ang malusog na katawan ay nakapagpoproseso ng glucose upang maging energy sa tulong ng insulin, isang hormone na inilalabas ng pancreas.

Kung ang isang tao ay may type 2 diabetes, puwedeng hindi na naglalabas ng sapat na insulin ang katawan upang mapanatili ang normal na level ng glucose, o puwedeng huminto na ang katawan sa pag-respond sa insulin.  

Dahil dito, mananatiling ganoon ang sugar level at patuloy na mabubuo sa daluyan ng dugo na nakaaapekto sa ibang major organs at nagiging sanhi ng mga seryosong komplikasyon gaya ng:

  • Mga sakit sa puso at ugat gaya ng stroke, high blood pressure, at atherosclerosis o ang pagkipot ng ugat
  • Pagkasira ng bato (kidney), partikular ang kidney failure o iba pang irreversible na sakit sa bato na nangangailangan ng dialysis o kidney transplant
  • Nerve damage o neuropathy, pagkawala ng pakiramdam sa apektadong bahagi ng katawan o pagkasira ng nerves na kumokontrol sa panunaw (digestion). Nagbubunga ito ng pagduduwal, pagsusuka, pagtatae, o hirap sa pagdumi
  • Pagkasira ng mata gaya ng katarata, glaucoma, at maging ang pagkasira ng mga ugat ng retina
  • Problema sa pandinig
  • Mabagal na paggaling ng mga sugat at paltos na nauuwi sa mas seryosong impeksiyon kung hindi magagamot agad, o sa pagkaputol ng bahagi ng katawan
  • Mga problema sa balat gaya ng bacterial at fungal infections
  • Karaniwan din ang sleep apnea sa mga may type 2 diabetes
  • Isa ring komplikasyon ng type 2 diabetes ang Alzheimer’s disease, bagaman hindi pa malinaw ang pinakasanhi

Gaano Kadalas Mangyari Ang Type 2 Diabetes?

Sa tatlong klase ng diabetes, ang type 2 diabetes ang pinakamadalas na nakikita sa mga taong may ganitong sakit. Nangyayari ito sa 90% ng mga nasuring may diabetes. Mahalaga na manatiling malusog ang mga taong napag-alamang may type 2 diabetes. Ang tamang alaga para sa diabetes lamang ang makapagpipigil sa mga komplikasyon na dulot ng kondisyon na ito.

Mga Senyales At Sintomas

Dahan-dahang nag-de-develop ang type 2 diabetes. Maaaring hindi rin ito mapansin sa loob ng mahabang panahon dahil sa mga sintomas nitong hindi kapansin-pansin. Ang mga karaniwang sintomas ng type 2 diabetes ay:

  • Madalas na nagugutom
  • Sobrang pagkauhaw
  • Madalas na pag-ihi
  • Pagkahapo o kawalan ng sapat na lakas
  • Malabong paningin

Sa pagdaan ng panahon, maaaring maging mas matindi ang mga sintomas ng sakit na ito. Kapag nanatiling mataas ang blood sugar sa loob ng mahabang panahon, maaaring magdulot ang type 2 diabetes ng mga hindi karaniwang sintomas gaya ng:

  • Atake sa puso
  • Stroke 
  • Sakit sa bato
  • Mabagal na paggaling ng sugat
  • Dark patches sa leeg
  • Pananakit ng paa
  • Pamamanhid ng mga kamay at paa, o neuropathy

Alaga Para Sa Diabetes: Kailan Dapat Magpatingin Sa Doktor?

Ang taong mayroong higit sa dalawang sintomas na nabanggit ay kailangang magpatingin agad sa doktor. Maaaring maging banta sa buhay ang diabetes kung hindi magagamot agad. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang malaman kung papaano mananatiling malusog habang may type 2 diabetes. 

Mga Sanhi

Sa ngayon, hindi pa rin malinaw kung ano ang dahilan ng pagsisimula ng diabetes. Kadalasan, ang pancreas na isang glandula sa ibabang bahagi ng tyan ay naglalabas ng insulin na pinadadaloy sa mga ugat. Ang insulin na ito ang nagpapagalaw sa glucose mula sa mga ugat papunta sa mga selula ng katawan, kung saan ito nagiging energy. Ang epekto nito ay nagkaroroon ng mababang dami ng asukal sa mga ugat kaya’t binabawasan din ng pancreas ang paggawa ng insulin.  

Sa mga taong napag-alamang may type 2 diabetes, hindi maayos na na-me-metabolize ng katawan ang glucose o sugar. Nagiging resistant sila sa insulin. Sa pagtaas ng blood glucose level, patuloy rin ang paggawa ng insulin ng pancreas, ngunit hindi na ito nagagamit nang maayos ng katawan. Nauuwi ito sa pagkasira ng insulin producing beta cells sa pancreas hanggang sa hindi na nito kayang gumawa ng insulin na kinakailangan ng katawan. Kaya’t napakahalagang matutunan ang tamang alaga para sa diabetes. 

Risk Factors

Sa kabila ng hindi pa malamang sanhi ng type 2 diabetes, may mga factor na nagpapataas ng panganib na magkaroon ng sakit na ito. Kabilang dito ang mga sumusunod:

  • Ang pagkakaroon ng sobrang timbang ay isang factor, bagaman mayroon din namang mga taong may normal na timbang ngunit may sakit na type 2 diabetes.
  • May mataas na posibilidad na magkaroon ng type 2 diabetes ang mga taong hindi gaanong aktibo. Ang mga physical activity ay nakatutulong upang makontrol ang timbang at gumagamit din ng glucose bilang energy. Nagiging daan din ito upang mas maging receptive ang selula sa insulin. 
  • Kung may kapamilyang may type 2 diabetes, may posibilidad ding magkaroon ka nito.
  • Malaki ang pagkakataong magkaroon ng type 2 diabetes ang matatandang nasa edad 45 pataas dahil mas madalang na silang mag-ehersisyo, tumataas ang timbang, at nababawasan ang kanilang muscle.
  • Pre-diabetes – isang kondisyon kung saan ang blood sugar level ay mas mataas sa normal ngunit hindi sapat upang masabing diabetes na ito. Maaari itong mauwi sa type 2 diabetes.
  • Ang mga buntis na napag-alamang may gestational diabetes ay mayroon ding panganib na magkaroon ng type 2 diabetes, lalo na kung nanganak ng sanggol na may bigat na humigit 9 pounds. 
  • Ang mga babaeng may polycystic ovarian syndrome (PCOS) ay may mataas ding panganib na magkaroon ng sakit na ito.

Alamin kung ikaw ay bahagi ng grupong malaki ang risk sa type 2 diabetes.

Diagnosis At Gamutan

Paano Na-Da-Diagnose Ang Type 2 Diabetes? 

Ang pinakaginagamit na test upang malaman kung may type 2 diabetes ay:

  • Glycated hemoglobin (A1C) test. Inaalam ng test na ito kung ano ang iyong average blood sugar levels sa nakalipas na 2-3 buwan. Ang normal na level ay mababa sa 5.7%, habang nasa pagitan ng 5.7% – 6.4% ang prediabetes. Ang mas mataas pa dito ay maikokonsidera nang diabetes, lalo na pagkatapos ng dalawang confirmatory test.

Sakaling hindi available ang AC1 test, may iba pang test gaya ng:

  • Random blood sugar test. Kinukuha ito sa magkakaibang intervals na binabasa ang ang blood sugar gamit ang milligrams sa kada deciliter (mg/dL) o millimoles sa kada litro (mmol/L). Ang reading na 20mg/dL (11.1 mmol/L) o mas mataas pa ay senyales na ang isang tao ay may diabetes kasabay ng pagkuha ng iba pang mga sintomas ng sakit na ito. 
  • Fasting blood sugar test. Kinukuha ito matapos ang mag-fasting sa gabi.Ang normal na reading ay mas mababa sa 100mg/dL (5.6 mmol/L), habang ang level mula 100 to 125 md/dL (5.6 – 6.9 mmol/L) ay indikasyon ng prediabetes. Anomang mataas sa 126 mg/dL (7 mmol/L) ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng diabetes. 

Alaga Para Sa Diabetes: Paano Ginagamot Ang Type 2 Diabetes?

Sa pangkalahatan, ginagamot ang type 2 diabetes sa pamamagitan ng tamang diet at exercise. Gayunpaman, kung hindi ito sapat, may mga posibleng medikasyon at gamutan para sa sakit na ito, kabilang ang mga sumusunod:

  • Metformin. Isang oral diabetes medication na nagpapababa ng produksiyon ng glucose sa atay at pinagaganda ang reaksiyon ng katawan sa insulin. 
  • Sulfonylureas. Tinutulungan ng gamot na ito ang katawan na gumawa ng mas maraming insulin.  
  • Meglitinides. Pinalalakas nito ang pancreas sa paggawa ng insulin, ngunit maikli lamang ang itinatagal sa katawan ng medikasyong ito. 
  • Thiazolidinediones. Tinutulungan ng gamot na ito na maging receptive ang katawan sa insulin. 
  • DPP-4 inhibitors. Nakatutulong mapababa ang blood sugar level.
  • GLP-1 receptor agonists. Isang injectable na gamot na nagpapabagal sa digestion at pinabababa ang blood sugar level. 
  • SGLT2 inhibitors. Gumagana ito sa pamamagitan ng pagpapahinto sa kidney sa muling pagsipsip ng asukal papunta sa dugo, at sa halip ay inilalabas bilang ihi. 
  • Insulin. Ang mga may type 2 diabetes ay maaaring mangailangan ng insulin therapy. 

Alaga Para Sa Diabetes: Mga Pagbabago Sa Lifestyle At Home Remedies 

Bagaman walang gamot, maaari itong maiwasan o mapangalagaan ang sarili kung na-diagnosed na may type 2 diabetes. Mahalaga ito lalo na sa mga taong may history ng diabetes sa pamilya. 

Upang mabawasan ang posibilidad na magkaroon ng type 2 diabetes, ang pinakamahalagang dapat gawin ay kontrolin ang timbang. 

[embed-health-tool-bmi]

Ang taong may type 2 diabetes ay maaaring sundin ang healthy lifestyle upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga komplikasyon, habang ang mga may pre-diabetes ay maaaring gawin din ito upang mapabagal o mahinto ang pagkakaroon ng diabetes. 

Kung mayroon ka nang type 2 diabetes, nakatutulong ang pagbabawas ng timbang upang gumanda ang iyong kalusugan at makontrol ang iyong blood sugar.

Narito ang mga paraan kung papaano mananatiling malusog habang may type 2 diabetes:

  • Kumain ng masustansya gaya ng mga low fat at low calorie content ngunit mataas sa fiber. 
  • Maging aktibo sa pamamagitan ng hindi bababa sa 30 – 60 minutong moderate activity o 15 – 30 minutong high intensity physical activity araw-araw. 
  • Magbawas ng timbang, lalo na kung sobra sa timbang, at magkaroon ng permanenteng pagbabago sa eating at exercise habits. 
  • Iwasang umupo sa loob ng mahabang oras. Subukang tumayo at maglakad-lakad sa bawat 30 minuto o higit pa. 

Key Takeaways

Walang lunas ang type 2 diabetes. Ito ay isang chronic disease na nakaaapekto sa katawan at sa iba pang organs. Ito rin ay maaaring maging sanhi ng ilang banta sa buhay na mga komplikasyon.
Ang tamang alaga para sa diabetes lamang ang makapagpipigil sa mga komplikasyon. Sa pamamagitan ng tamang monitoring, puwedeng malaman agad kung may type 2 diabetes ka. Kahit mahalaga ang tamang diagnosis para sa gamutan nito, susi pa rin ang healthy lifestyle upang mapanatiling malusog ang katawan habang may type 2 diabetes.

Matuto ng higit pa tungkol sa Type 2 Diabetes dito. 

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Type 2 Diabetres, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/type-2-diabetes/symptoms-causes/syc-20351193, Accessed March 19, 2021

Type 2 Diabetes, https://www.cdc.gov/diabetes/basics/type2.html, Accessed March 19, 2021

Diabetes Facts & Figures, https://www.idf.org/aboutdiabetes/what-is-diabetes/facts-figures.html, Accessed March 19, 2021

Kasalukuyang Version

12/12/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Mike Kenneth Go Doratan, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Maling Paniniwala sa Type 2 Diabetes na Dapat Mong Malaman

Pag-Iwas sa Diabetes: Ano Ang Maaaring Gawin Tungkol Dito?


Narebyung medikal ni

Mike Kenneth Go Doratan, MD

General Surgery · The Medical City Ortigas


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement