Ano ang kaugnayan ng diabetes at dialysis? Ang iyong mga kidney ang nagsasala ng mga dumi mula sa iyong dugo. Pero kapag hindi gumana ang mga ito, maaaring kailanganin ang dialysis upang maipagpatuloy ang kanilang paggana. Ito ay kadalasang ginagawa kapag mayroon kang malalang sakit sa bato o kidney failure. Bakit kailangan ang dialysis para sa may diabetes?
Ang isang karaniwang sanhi ng kidney failure ay diabetes, isang kondisyon kapag ang blood sugar ay masyadong mataas. Ang diabetes ay maaaring makapinsala sa karaniwang paggana ng mga bato. Ito ay dahil sa labis na pagtatrabaho ng organs. Para sa mga taong na-diagnose na may diabetes at kidney failure, ang dialysis ay isang required treatment.
Ano nga ba ang dialysis?
Ang dialysis ay ginagamit upang pangalagaan ang pagsasala ng iyong dugo at pagbabalanse ng likido, mineral, at acid sa iyong katawan kapag hindi na kaya ng iyong mga bato. Magagawa ito sa pamamagitan ng machine o sa inner lining ng iyong tiyan.
Kailan ito inirerekomenda?
Ang isang tao ay dumadaan sa ganitong treatment dahil sa kidney failure. Ito ay kadalasang sanhi ng sakit sa bato o iba pang mga pinsala at sakit na nakakaapekto sa bato, tulad ng diabetes. Maaari din irekomenda ang dialysis kapag naghihintay ng kidney transplant o kung ang iyong doktor ay hindi nag-eendorso ng transplant sa case mo.
Ang mataas na blood sugar dahil sa diabetes ay maaring mag-overwork sa iyong bato, at maaaring kailanganin ang dialysis kapag ang organs mo ay nahihirapang i-filter ang iyong dugo, maaari itong mauwi as kidney failure sa paglipas ng panahon.
Hindi lahat ng may diabetes ay maaaring magkaroon ng sakit sa bato pero nasa higher risk ka. Lubos na ipinapayo na pumunta sa iyong doktor para ma-check agad ang signs ng sakit sa bato.
Ano ang nangyayari sa oras ng dialysis?
May 2 uri ng dialysis. Ang bawat isa ay nakategorya ayon sa kung paano sasalain ang iyong dugo.
Hemodialysis
Gumagamit ng external machine ang ganitong uri ng dialysis. Ang iyong dugo ay dadaan sa isang tubo patungo sa makina kung saan sasalain ang iyong dugo. Ang na-filter na dugo ay ibabalik sa iyong katawan gamit ang parehong tubo.
Peritoneal dialysis
Ang ganitong uri ay kapag ang iyong peritoneum, ang lining sa loob ng iyong tiyan, ay ginagamit sa halip na isang makina. Gagawa ng isang hiwa sa iyong tiyan kung saan ipapasok ang isang catheter. Kapag nasa lugar na, pupunuin ng fluid ang peritoneal cavity sa pamamagitan ng catheter.
Ang maliliit na blood vessels sa cavity ay nag-aalis ng mga dumi mula sa iyong dugo kapag ito ay dumaan. Pagkatapos ng ilang oras, aalisin ang fluid at papalitan upang ulitin ang proseso. Tatalakayin ng iyong health care provider ang pros at cons ng bawat uri para mas mapagpasyahan mo kung alin ang mas gusto mo.
Ano ang aasahan sa panahon ng treatment
Maaaring makaramdam ka ng pagod sa dialysis pagkatapos ng bawat session. Kung gaano katagal ang iyong mga session ay nakadepende sa uri ng dialysis. Kung pupunta ka sa isang dialysis center para sa iyong treatment, ang iyong healthcare provider ay sasamahan ka sa bawat step nito. Ngunit ang pagdi-dialysis ay hindi makakapigil sa iyo na ipagpatuloy ang iyong pang-araw-araw na gawain.
Key Takeaways
Ang iyong health care provider ay makakasama mo sa bawat hakbang ng iyong pagdi-dialysis. Ngunit sa isang mas mahusay na pamumuhay at mahigpit na pamamahala ng kondisyon, ang iyong sitwasyon ay maaaring mas mabilis na bumuti.