backup og meta

Bakit Nakakaranas Ng Seizure o Panginigisay Ang Mga May Epilepsy?

Bakit Nakakaranas Ng Seizure o Panginigisay Ang Mga May Epilepsy?

Ang epilepsy, na tinatawag ding seizure disorders, ay isang neurological (CNS) disorder na pinakasanhi upang ang isang tao ay makaranas ng pangingisay. Ano nga ba ang sanhi ng pangingisay ng may epilepsy?

Ang central nervous system (CNS) ay ang responsable sa pagkontrol sa maraming mahahalagang kilos ng katawan tulad ng paggalaw ng mga braso, hita, at binti, at limang senses. Maging ang mekanismo sa pagtibok ng puso ng isang tao ay kabilang din sa tungkulin nito. Ang CNS ay pangunahing binubuo ng spinal cord at ng utak. Subalit kasama rin dito ang sensory organs (tulad ng mga mata, ilong, at iba pang sensory receptors). Ito ang dahilan kung bakit ang CNS ay may mataas na tyansa sa mga karamdaman tulad ng trauma, impeksyon, at iba pa.

Ano Ang Epilepsy?

Bago malaman ang mga sanhi ng pangingisay ng may epilepsy, mahalagang magkaroon muna ng malawak na kaalaman tungkol sa sakit na ito. Ang mga taong may epilepsy ay madalas na makaranas ng pangingisay. Itinuturing itong “spectrum condition.” Ibig sabihin, ang mga taong na-diagnose na may ganitong kondisyon ay maaaring makaranas ng iba’t ibang sintomas o iba’t ibang uri ng pangingisay.

Kadalasan, ang utak ay gumagawa ng maliit na electrical charges o impulses sa isang tiyak at maayos na paraan. Para sa mga taong may epilepsy, ang pattern ay nagagambala ng biglang pagdami ng charges o impulses na nakaaapekto sa normal na pagkilos ng utak at katawan.

Ang pangingisay ay nag-iisa at isolated na pangyayari. Sa kabilang banda, ang epilepsy ay isang kondisyon kung saan ang isang tao ay may matagal o hindi gumagaling na pangingisay.

Sa kabuoan, may dalawang uri ng pangingisay:

  • Focal na pangingisay – Ang focal na pangingisay, na tinatawag ding parsyal na pangingisay, ay nakaaapekto sa isang bahagi lamang ng utak. Maaaring itong mangyayari nang hindi nawawalan ng malay o nang nababawasan ang malay.
  • Generalized na pangingisay – Ang mga uring ito ng pangingisay ay nangyayari kung ang buong utak ay naaapektuhan.

Maraming posibleng sanhi ang epilepsy. Gayunpaman, sa ilang mga kaso, ang sanhi ng pagdebelop nito ay hindi malinaw. Ang ilan sa mga tukoy na sanhi ng epilepsy ay maaaring sumaklaw mula sa genes, hanggang sa trauma sa ulo at maging sa abnormalidad simula ng isilang ang isang sanggol.

Anu-Ano Ang Mga Sanhi Ng Pangingisay Ng May Epilepsy?

May ilang taong nakapansin ng mga bagay na laging nagaganap bago mangyari ang pangingisay. Minsan, may mga tiyak na kondisyong nagiging sanhi upang ang isang tao ay mangisay. Tinatawag ang mga ito na triggers.

Kung ikaw ay may epilepsy, lubhang makatutulong kung alam mo ang iyong triggers. Maaari din itong makatulong sa iyong mga kamag-anak at mga mahal sa buhay. Makatutulong ito upang magawa mo ang mga kinakailangang pagbabago sa iyong paraan ng pamumuhay upang maiwasang mangyari ang pangingisay.

Kabilang sa triggers ng pangingisay ay ang mga sumusunod:

1. Tiyak Na Oras Sa Umaga o Gabi

Minsan, may mga taong nakararanas ng pangingisay mula sa isang pattern na may kaugnayan sa kanilang pagtulog. Ang mga uri ng pangingisay na ito ay tinatawag na nocturnal seizures. Kadalasang nangyayari ito bago makatulog o kung magigising na ang isang tao.

Nakita sa pag-aaral na may tiyak na gawain ang utak na nangyayari habang natutulog na maaaring maging sanhi ng pangingisay sa ilang mga tao. Kadalasan, ang nocturnal seizures ay nauuri sa dalawa depende kung kailan ito madalas na mangyari:

  • Early Nocturnal Seizures: Nangyayari ito makalipas agad ang una o ikalawang oras ng pagtulog.
  • Early Morning Seizures: Ito ay ang pangingisay na nangyayari ilang oras bago o matapos magising ng isang tao.

2. Kakulangan Sa Tulog

Ang pagkakaroon ng hindi sapat na tulog ay karaniwang trigger ng pangingisay sa maraming tao. Bagama’t hindi malinaw ang dahilan nito, nakita sa pag-aaral na ang pangingisay ay lubhang sensitibo sa pattern ng pagtulog at paggising ng isang tao. Kadalasan, ang mga taong may epilepsy ay laging nahihirapan sa kanilang pagtulog. Ang pangingisay ay maaaring makaistorbo sa masarap na tulog. Subalit ang kakulangan sa tulog ay maaari ding maging sanhi upang mas makaranas ng pangingisay ang isang tao.

3. Mga Karamdaman

Ang ilang uri ng karamdaman ay maaaring maging dahilan upang makaranas ang isang tao ng pangingisay sa unang pagkakataon. Gayundin, maaari nitong mapalubha ang pangingisay ng may epilepsy. Ang stress, dehydration, at lagnat ay ilan lamang sa mga kadahilanan na may kaugnayan sa mga karamdaman na maaaring maging sanhi ng pangingisay.

Ang febrile seizures ay ang pangingisay na pinakakaraniwang nararanasan ng mga bata. Maaaring mangyari sa mga bata na walang history ng anumang neurological disorders ang mga uri ng seizures na ito.

Ang ilang gamot ay maaari ding makapagpataas ng tyansa upang makaranas ng pangingisay ang isang tao. Ang Diphenhydramine, na makikita sa antihistamines para sa allergies, at isa sa mga halimbawa ng gamot na maaaaring maging sanhi ng pangingisay.

4. Nakasisilaw Na Liwanag o Contrasting Patterns

May napakakaunting bilang ng mga tao na naaapektuhan ng nakasisilaw na liwanag, o patterns na may kombinasyon ng maliwanag at madilim na itsura. Ang paulit-ulit na pangingisay na sanhi ng liwanag o patterns ay kadalasang tinatawag na photosensitive epilepsy.

Ang patterns na gumagalaw o binubuo ng mga hugis na may malubhang matitingkad na kulay ay posibleng maging sanhi ng photosensitive epilepsy.

Maaari ding maging trigger ang mga larawan sa screen. Isang halimbawa ay nang unang lumabas ang anime cartoon na Pokemon. May ilang mga bata na nakaranasan ng pangingisay dahil sa panonood ng mga palabas sa telebisyon na may nakasisilaw na liwanag at imahe.

5. Regla

Ang regla ay maaaring maging sanhi ng pagbabago sa lebel ng hormone. Dahil dito, maaaring makaranas ng pangingisay ang ilang mga kababaihan. Ang paulit-ulit na pangingisay na may kaugnayan sa regla ay maaaring isang kondisyong tinatawag na catamenial epilepsy.

Ang mga kababaihang may ganitong uri ng epilepsy ay maaaring makaranas ng pangingisay sa tiyak na bahagi ng siklo ng kanilang regla. Partikular itong nangyayari bago o habang may buwanang dalaw o kung siya ay ovulating.

Pagkontrol Sa Triggers

Hindi lahat ng taong may epilepsy ay may triggers. Gayundin, may ilang hindi agad nakapapansin sa pattern ng kanilang pangingisay. Kung ikaw ay na-diagnose na may epilepsy, maaaring lubhang makatulong ang pagkakaroon ng diary upang masubaybayan ang pag-atake ng pangingisay at upang malaman ang posibleng dahilan nito.

Narito ang ilang mga paraan upang maiwasang ang pangingisay:

  • Ang pag-alam sa iyong triggers ay maaaring maging pinakamabisang paraan upang maiwasan ang pangingisay.
  • Laging inumin ang iyong gamot.
  • Iwasan ang ma-stress nang sobra at siguraduhing laging may sapat na tulog.
  • Kung ikaw ay may photosensitive epilepsy, maging mas maingat sa iyong mga pinapanood.
  • Kung sa iyong palagay ay may kaugnay ang iyong pangingisay sa iyong regla, siguraduhing ipagbigay-alam ito sa iyong doktor.

Key Takeaways

Ano ang sanhi ng pangingisay ng may epilepsy? Kung ikaw ay na-diagnose na may epilepsy, ang pangingisay ay bahagi na ngayon ng iyong araw-araw na pamumuhay. Ang pag-alam kung paano nangyayari ang triggers ay makatutulong upang malaman kung ano ang may kaugnayan sa iyong nararanasan. Ang pagtanda sa iyong triggers at ang pagbabago sa iyong paraan ng pamumuhay upang maiwasan ang mga ito ay isang paraan upang mapangalagaan ang iyong kabuoang kalusugan at kagalingan habang namumuhay nang may epilepsy.

Matuto pa tungkol sa Seizure Disorders dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Overview of Nervous System Disorders, https://www.hopkinsmedicine.org/health/conditions-and-diseases/overview-of-nervous-system-disorders, Accessed Dec 7, 2020

What is epilepsy, https://www.epilepsy.com/learn/about-epilepsy-basics/what-epilepsy, Accessed Dec 7, 2020

Epilepsy, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/epilepsy/symptoms-causes/syc-20350093#:~:text=Overview,races%2C%20ethnic%20backgrounds%20and%20ages, Accessed Dec 7, 2020

Classification of Seizure Types, https://epilepsycentre.org.au/classification-of-seizure-types/#:~:text=However%2C%20there%20are%20three%20specific,awakening%20(early%20morning%20seizures), Accessed Dec 7, 2020

Lack of Sleep and Epilepsy, https://www.epilepsy.com/learn/triggers-seizures/lack-sleep-and-epilepsy, Accessed Dec 7, 2020

Febrile Seizure, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/febrile-seizure/symptoms-causes/syc-20372522, Accessed Dec 7, 2020

Catamenial epilepsy, https://www.cedars-sinai.org/health-library/diseases-and-conditions/c/catamenial-epilepsy.html#:~:text=Catamenial%20epilepsy%20(CE)%2C%20also,or%20during%20menstruation%2C%20or%20period, Accessed Dec 7, 2020

Triggers, https://www.epilepsy.org.uk/info/triggers, Accessed Dec 7, 2020

Kasalukuyang Version

09/05/2022

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Nicole Aliling, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Sintomas ng aneurysm sa utak, anu-ano ito? Alamin dito!

Ano Ang Gelastic Seizure, Paano Ito Nangyayari, At Paano Ito Maiiwasan?


Narebyung medikal ni

Nicole Aliling, MD

Neurology · Centre Médicale Internationale


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement