backup og meta

Ano Ang Parkinson's Disease, At Maaari Ba Itong Gamutin?

Ano Ang Parkinson's Disease, At Maaari Ba Itong Gamutin?

Sa buong mundo, ipinapakita ng mga statistics na 10 milyong tao ang dumaranas ng Parkinson’s disease (PD). Ang kondisyong ito ay mas karaniwan sa mga matatandang pasyente. Habang ang mga lalaki ay 1.5 beses na mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng naturang sakit, maaari itong makaapekto sa mga tao ng anumang kasarian o lahi. Ngunit ano ang Parkinson’s disease? Sa artikulong ito, aming itatalakay ang mga salik ng panganib, sintomas, komplikasyon, paggamot, maging ang pamamahala para sa PD.

Ano Ang Parkinson’s Disease?

Ang Parkinson’s disease (PD) ay isang neurodegenerative disorder na nagreresulta sa mga abnormalidad sa motor function ng isang tao. Madalas na nakararanas ng resting tremors, muscle rigidity, hindi makontrol na mabagal na paggalaw, at kahirapan sa pagpapanatili ng tuwid na postura ang mga taong mayroon nito. 

Ito ay resulta ng kakulangan ng dopamine production at release sa utak. Bagama’t hindi lamang ang dopamine ang nag-iisang neurochemical na apektado sa PD, maaaring ito ang responsable para sa mga sintomas ng sakit. Bilang isang neurotransmitter at chemical messenger, ang dopamine ay responsable para sa mga sumusunod:

  • Pagkontrol sa paggalaw
  • Emotional responses
  • Pagkaramdam ng sakit at kasiyahan

Ano Ang Parkinson’s Disease At Sino Ang Nasa Panganib? 

Kahit na ang sanhi ng Parkinson’s disease ay kasalukuyang hindi alam, maraming mga salik ang maaaring magdulot ng panganib sa isang tao na magkaroon ng nasabing sakit. Kabilang dito ang mababang pagkonsumo ng caffeine, paninigarilyo, at pesticide exposure. Gayunpaman, ipinapakita ng ebidensya na ang edad ay isang pangunahing salik sa pag-unlad ng kondisyon. Kung kaya, maraming tao ang nagkakaroon ng mga sintomas sa kanilang 60s at 70s.

Ano Ang Parkinson’s Disease At Ang Mga Maagang Sintomas Nito?

Madalas nagtatanong ang mga tao kung ano ang Parkinson’s disease kapag nakapapansin na sila ng ilang mga paunang sintomas.

Habang ang Parkinson’s disease ay nakaaapekto sa mga motor functions, mayroon itong mga sintomas na higit pa sa paggalaw. Ang mga sintomas ng PD ay kinabibilangan ng mga sumusunod:

  • Anosmia o pagkawala ng amoy
  • Panginginig habang nagpapahinga
  • Mas maliit kaysa sa normal ang sulat-kamay
  • Hirap sa paglalakad o paggalaw sa paligid (shuffling gait)
  • Insomnia o problema sa pagtulog
  • Constipation
  • Nakamaskarang mukha o blangkong ekspresyon ng mukha
  • Tahimik, malambot, at/o mababang tono na boses o pamamaos
  • Nakayukong postura
  • Pagkahilo o pagkahina

Kung ang mga sintomas na ito ay nararanasan ng isang matandang pasyente, pinakamahusay na kumunsulta sa isang medikal na propesyonal o neurologist na dalubhasa sa mga movement disorders. 

Ano Ang Parkinson’s Disease At Ang Mga Komplikasyon Nito?

Ang mga sumusunod ay mga komplikasyon na maaaring maranasan ng mga pasyenteng may PD:

  • Urinary incontinence
  • Constipation
  • Hirap sa pagnguya at pagkain
  • Sleep disorders
  • Depression at mga pagbabago sa emosyon 
  • Cognitive problems tulad ng dementia at hirap sa pag-iisip

Paano Ito Ginagamot o Pinapamahalaan?

Kaugnay ng pagtatanong kung ano ang Parkinson’s disease, marami rin ang nais malaman ang gamot sa naturang sakit. 

Bagama’t wala pang lunas para sa Parkinson’s disease, may mga paraan upang pamahalaan ang mga sintomas. Ang paggamot sa PD ay multi-disciplinary, at maaaring may kinalaman sa neurology, occupational therapy, at mga medical social workers.

Depende sa kalubhaan ng sakit, maaaring magreseta ang mga doktor ng gamot. Karaniwan, ang mga pasyenteng nangangailangan ng gamot ay tumatanggap ng mga reseta para sa levodopa, monoamine oxidase inhibitors (MAOIs), o anticholinergics. Maaaring mapataas ng mga ito ang dopamine levels at bawasan ang breakdown rate nito.

Paano Maiiwasan Ang Parkinson’s Disease?

Ipinapahiwatig ng kamakailang pananaliksik na ang pagpapanatili ng physically active lifestyle (tulad ng pagsasagawa ng aerobics) ay maaaring makatulong sa pag-iwas sa sakit. Makipag-usap sa iyong doktor at sa isang lisensyadong fitness instructor bago magsimula ng bagong exercise routine o dagdagan ang intensity ng iyong kasalukuyang workout.

Ang kape at green tea ay pinaniniwalaan ding mabisa upang maiwasan ang PD. Gayunpaman, higit pang mga pag-aaral ang kinakailangan upang kumpirmahin ang mga epekto nito sa pag-unlad ng sakit na ito. Pinakamainam na kumunsulta sa isang doktor bago idagdag ang mga inuming ito sa iyong diyeta o dagdagan ang iyong kasalukuyang dami ng paagkonsumo.

Key Takeaways

Ang Parkinson’s disease ay isang malubhang kondisyon na nailalarawan sa pamamagitan ng mga sintomas tulad ng shuffling gait, mga blangkong ekspresyon ng mukha, resting tremor, mga problema sa pagtulog, pagkawala ng pang-amoy, at mga isyu sa pag-iisip. Ito ay isang kondisyon na nakaaapekto sa produksyon ng dopamine (isang neurotransmitter na kumokontrol sa paggalaw at emosyonal na tugon) sa utak. Dahil nakaaapekto ito sa mga motor functions, ito ay itinuturing na nakapanghihinang kondisyon.
Habang umuunlad ito, maaaring mahirapan ang mga pasyente sa paggawa ng mga simpleng gawain tulad ng paggalaw at pagkain. Bagama’t kasalukuyang walang lunas para sa sakit, ang paggamot ay maaaring maisagawa sa anyo ng pamamahala ng mga sintomas.

Alamin ang iba pa tungkol sa Parkinson’s Disease dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Statistics, https://www.parkinson.org/Understanding-Parkinsons/Statistics, Accessed January 25, 2021

Time Trends in the Incidence of Parkinson’s Disease: a 30-year Study, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC5004732/, Accessed January 25, 2021

Chapter 1Parkinson’s Disease: Etiology, Neuropathology, and Pathogenesis, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK536722/, Accessed January 25, 2021

Neuroanatomy, Substantia Nigra, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK536995/, Accessed January 25, 2021

Exploring the Link Between Dopamine and Parkinson’s Disease, https://www.cedars-sinai.org/blog/exploring-the-link-between-dopamine-and-parkinsons-disease.html#:~:text=Scientists%20believe%20a%20lack%20of,neurotransmitter%20affected%20in%20Parkinson’s%20disease, Accessed January 25, 2021

10 Early Signs of Parkinson’s Disease, https://www.parkinson.org/understanding-parkinsons/10-early-warning-signs, Accessed January 25, 2021

Movement Symptoms, https://www.parkinson.org/Understanding-Parkinsons/Movement-Symptoms, Accessed January 25, 2021

Non-Movement Symptoms, https://www.parkinson.org/Understanding-Parkinsons/Non-Movement-Symptoms, Accessed January 25, 2021

Treatment, https://www.parkinson.org/Understanding-Parkinsons/Treatment, Accessed January 25, 2021

Parkinson’s disease, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/parkinsons-disease/symptoms-causes/syc-20376055#:~:text=Some%20research%20has%20shown%20that,who%20don’t%20drink%20it, Accessed January 25, 2021

Kasalukuyang Version

11/09/2022

Isinulat ni Fiel Tugade

Narebyung medikal ni Nicole Aliling, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Mga Komplikasyon Ng Parkinson's Disease

Paano Maiiwasan Ang Pagkakaroon Ng Parkinson's Disease? Alamin


Narebyung medikal ni

Nicole Aliling, MD

Neurology · Centre Médicale Internationale


Isinulat ni Fiel Tugade · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement