backup og meta

MS Prevention Diet: Maaari bang Baguhin ang Diyeta upang Pigilan ang Multiple Sclerosis?

MS Prevention Diet: Maaari bang Baguhin ang Diyeta upang Pigilan ang Multiple Sclerosis?

Ang multiple sclerosis (MS) ay isang nakakapanghinang sakit na nagdudulot ng pinsala sa nerves ng isang tao, na maaaring magdulot ng kapansanan. Dahil dito, sinusubukan ng mga tao na malaman ang mga paraan ng pagpigil sa MS. Isa na rito ay sa pamamagitan ng MS prevention diet. Gaano kabisa ang pagbabago ng iyong diyeta patungkol sa pagkain laban sa multiple sclerosis? At posible ba ito? 

Ano ang Pagkain Laban sa Multiple Sclerosis?

Ang MS prevention diet ay isang diyeta na nagsusulong ng pagkain ng mga pagkaing nagpapalakas ng immune system laban sa sakit. Kasama rin ang pagpapalakas ng utak at nervous system function. Ang diyeta ay pinaniniwalaan na makakatulong na mapanatili ang mabuting kalusugan at potensyal na pabagalin ang mga epekto ng multiple sclerosis.

Pagkain Laban sa Multiple Sclerosis: Gaano Ito Kabisa?

Sa kabila ng pag-claim ng ilang mga tao na ang MS prevention diet ay nagbabago sa buhay, ang mga pag-aaral na ginawa tungkol dito ay walang katiyakan hanggang ngayon. Sa ngayon, walang pang paraan upang ganap na maiwasan ang multiple sclerosis.

Gayunpaman, posible na ang pagkain ng ilang mga pagkain ay maaaring makatulong na mabawasan ang panganib na magkaroon ng MS. Sa bagay na ito, maaaring maging epektibo ang pagbabago ng iyong diyeta. Bukod sa pagpapababa ng panganib ng MS, ang pagkain laban sa multiple sclerosis ay maaaring mapabuti ang iyong pangkalahatang kalusugan.

Anong mga Uri ng Pagkain ang Dapat Mong Kainin?

Narito ang ilan sa mga pagkain laban sa multiple sclerosis na inirerekomenda upang makatulong na mapababa ang iyong panganib ng MS:

Healthy fats

Kadalasang hindi maganda ang tingin sa fats o mga taba. Dahil ito ay kadalasang iniuugnay sa pagtaas ng timbang, obesity, at cardiovascular problems. Gayunpaman, hindi ito palaging totoo.

May mga malusog na taba, na kilala bilang omega-3 fatty acid, na talagang kailangan ng iyong katawan. Mahalaga ang Omega-3 fatty acids dahil nakakatulong sila sa pagpapababa ng presyon ng dugo. Dagdag pa rito, nakakatulong ito na mabawasan ang panganib ng mga atake sa puso at mga stroke, pati na rin nagpapabuti sa paggana ng utak.

Ang mga Omega-3 fatty acid ay napag alaman ding nakakabawas ng pamamaga, at may antioxidant effects. Tumutulong din ang mga ito na mapabuti ang brain function at itaguyod ang mas malusog na brain cells sa pangkalahatan.

Ang mga uri ng taba na ito ay kadalasang nasa fatty fish, pati na rin sa nuts at seeds.

Fatty Fish

Ang mataba na isda ay mas malusog na pamalit sa red meat. Isang dahilan ay mababa ang mga ito sa saturated fat at may mataas na antas ng omega-3 fatty acids. Ang isa pang dahilan ay ang isda ay may mas mababang kolesterol, kaya sa pangkalahatan, ang mga ito ay mas mahusay na mapagkukunan ng protina kumpara sa iba pang meat sources.

Mainam kainin ang mga isda na tulad ng tuna, salmon, mackerel, herring, sardines, at anchovies. Upang mapababa ang risk para sa MS, ang mga ito ay mainam na pagkain laban sa multiple sclerosis.

Vitamin D

Ipinakikita ng ilang mga pag-aaral ang matibay na koneksyon sa pagitan ng mas mababang sunlight exposure at mas mababang antas ng bitamina D sa panganib na magkaroon ng multiple sclerosis.

Sa mga geographic locations kung saan limitado ang sikat ng araw sa ilang partikular na oras ng taon, mas mataas ang prevalence ng MS. Ito ay kumpara sa mga lugar kung saan maaraw sa halos lahat ng araw ng taon. Ang UV rays sa sikat ng araw ay nakikipag-ugnayan sa mga pigment ng melanin sa balat, na nagpapasimula ng synthesis ng vitamin D sa katawan

Bukod sa direktang exposure sa sikat ng araw, ang mga tao ay maaari ding kumain ng pagkain na naglalaman ng vitamin D. Mayaman sa vitamin D ang fatty fish, red meat, liver, pula ng itlog, at fortified milk. Kung minsan, inirerekomenda ng doktor ang pag-inom ng dietary supplements na may vitamin D.

Plant foods

Upang mapababa ang risk ng pagkakaroon ng MS, mag-focus sa pagkain laban sa multiple sclerosis. Kumain ng mga masustansyang  prutas at gulay. Naglalaman ang mga ito ng mga bitamina at mineral na kailangan ng katawan mo para maging malusog. Bukod dito, mayaman din sila sa fiber, walang cholesterol, at halos walang taba.

Bukod sa iyong kinakain, pwede mo ring palitan ng mga prutas at gulay ang mga processed snacks. Sa halip na potato chips ang kainin, kumain ka ng carrot o celery stick bilang alternatibo.

Sa kabuuan, ang pagkain ng mga gulay ay isang mahusay na paraan hindi lamang upang mapababa ang iyong panganib ng multiple sclerosis. Mapapabuti din ang iyong pangkalahatang kalusugan.

Uminom ng tubig sa halip na mga inuming matamis

Panghuli, siguraduhing iwasan ang mga matatamis na inumin tulad ng mga soda at maging ang na-prosesong katas ng prutas. Ang mga inuming ito ay naglalaman ng maraming asukal, na hindi kailangan ng iyong katawan.

Sa halip, piliin ang tubig, tsaa, o kape. Mainam din na tiyaking mananatili kang hydrated sa buong araw, dahil nakakatulong ito sa iyong pangkalahatang paggana ng katawan at pinapabuti ang iyong pagdumi.

Key Takeaways

Kahit na marami pang research ang kailangang gawin para sa pagiging epektibo ng pagkain laban sa multiple sclerosis o MS Prevention Diet, siguraduhin na ang iyong mga kinakain ay mabuti sa iyong kalusugan. Sa pamamagitan ng pagpili sa mas malusog na diet, hindi lamang mapapababa mo ang risk na magkaroon ka ng multiple sclerosis, kundi makakaiwas ka rin sa iba pang mga sakit. Bukod sa diyeta, subukang gumawa ng mga hakbang tungo sa mas malusog na buhay. Ito ay sa pamamagitan ng paghinto sa paninigarilyo at pagpapalakas ng iyong immunity laban sa mga impeksyon.

Matuto pa tungkol sa Multiple Sclerosis dito.

[embed-health-tool-bmi]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

The Role of Diet in Multiple Sclerosis: Mechanistic Connections and Current Evidence, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC6132382/, Accessed January 13, 2021

Multiple Sclerosis Foundation – 10 Evidence-Based Dietary Tips for Disease Prevention, https://www.msfocusmagazine.org/Magazine/Magazine-Items/Posted/10-Evidence-Based-Dietary-Tips-for-Disease-Prevent, Accessed January 13, 2021

Is there a multiple sclerosis diet? – Mayo Clinic, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/multiple-sclerosis/expert-answers/multiple-sclerosis-diet/faq-20057953#:~:text=Overall%2C%20people%20with%20MS%20need,alcohol%20as%20much%20as%20possible., Accessed January 13, 2021

Diet & Nutrition | National Multiple Sclerosis Society, https://www.nationalmssociety.org/Living-Well-With-MS/Diet-Exercise-Healthy-Behaviors/Diet-Nutrition, Accessed January 13, 2021

Multiple Sclerosis (MS) Diet | Start Today | Overcoming MS, https://overcomingms.org/recovery-program/diet, Accessed January 13, 2021

 

The initiation and prevention of multiple sclerosis | https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC4467212/, Accessed August 25, 2022

Kasalukuyang Version

01/31/2023

Isinulat ni Corazon Marpuri

Narebyung medikal ni Nicole Aliling, MD

In-update ni: Corazon Marpuri

Narebyung medikal ni

Nicole Aliling, MD

Neurology · Centre Médicale Internationale


Isinulat ni Corazon Marpuri · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement