Ang ating urinary system ang responsable sa produksyon, storage, at pag-aalis ng fluid waste na ginagawa ng bato. Gayunpaman, ang functionality ng iyong urinary system ay maaaring malagay sa alanganin kung may Urinary tract infection (UTI) ka. Ngunit ano nga ba ang mga karaniwang sanhi ng UTI?
Ang UTI ay isang impeksyon na pwedeng mangyari sa anumang bahagi ng iyong urinary system. Pero kadalasan ito ay karaniwan sa lower urinary tract ( bladder at urethra). Kadalasang nangyayari sa mga babae ang kondisyong ito. At pwedeng maging malala kung hindi magagamot agad.
Ano ang mga Sintomas ng UTI?
Kung meron kang UTI, malamang na nararanasan mo ang mga sumusunod:
- Paulit-ulit na pakiramdam na naiihi pero kakaunti o walang nailalabas
- Masakit at burning sensation na pakiramdam habang umiihi
- Ang ihi ay may hindi pangkaraniwang amoy o malakas at mukhang cloudy
- Kulay pinkish o madugong ihi
- Masakit o may pressure sa tiyan
- Pakiramdam na pagkapagod at biglang pagkalito
- Kung ang UTI ay nakarating sa mga bato mo, maaring may pakiramdam na nilalagnat at naduduwal
Ano ang mga Karaniwang Sanhi ng UTI?
Nangyayari ang UTI kapag ang bacteria ay nakapasok sa urinary tract sa pamamagitan ng urethra at dumami sa pantog. Kapag hindi nagawang alisin ng urinary system ang mga bacteria, patuloy silang dadami at magreresulta sa impeksyon.
Narito ang mga karaniwang sanhi ng UTI
Pagbubuntis
Lahat ng babae ay mas malamang ang risk na magka- UTI kaysa sa mga lalaki. Ito ay dahil mas maikli ang urethra ng babae. Kaya naman mas madaling makapasok ang bacteria. Ang mga buntis ay mas prone sa UTI kaysa sa iba.
Ang pagbubuntis ay nagiging sanhi ng UTI dahil sa maraming mga pagbabago sa katawan ng babae. Kaya mas madali silang kapitan ng bacterial infections. Nangyayari ang UTI sa buntis kapag lumalaki ang kanyang matris. Dahil dito nagkakaroon ng higit na pressure sa pantog at urinary tract. Ang pressure na ito ay nagpapahirap sa kanila na makaihi ng maayos. Ibig sabihin ang bacteria sa kanilang pantog ay hindi ganap na maalis.
Sexual intercourse
May iba’t ibang dahilan kung bakit ang pakikipagtalik ay nagiging sanhi ng UTI. Una, ang thrusting sa oras ng sex ay maaaring magpasok ng mas maraming bacteria sa urethra at sa pantog.
Pangalawa, ang mga sexually transmitted diseases tulad ng chlamydia at gonorrhea ay pwedeng mag-trigger ng UTI. Pwede kang makakuha ng mga STD sa pagkakaroon ng multiple sexual partners. Gayundin ang hindi pagpa-practice ng good hygiene pagkatapos ng sex.
Mga Problema sa Prostate
Ang mga lalaking 50 years old pataas ay mas mahina sa prostate problems pati na rin sa UTI. Ang mga problema sa prostate tulad ng prostate gland enlargment ay maaaring makahadlang sa daloy ng ihi mula sa pantog. Kapag nangyari ito, naiipit ang bacteria sa pantog at patuloy silang dadami. Ito ay magreresulta sa UTI.
Diabetes
Ang mga taong may diabetes ay may mahinang immune system na ginagawa silang hindi protektado sa mga impeksyon at mga sakit. Pwedeng magdulot ng UTI ang diabetes dahil sa mataas ng glucose levels at nerve problems.
Ang mga diabetic na nakakaranas ng nerve damage ay maaaring mahirapang umihi ng normal. Nagreresulta ito sa pananatili ng maraming ihi sa kanilang pantog. Pwede itong magdulot ng UTI.
Constipation
Ang dumi na naipon sa rectum at colon ay pwedeng makadiin sa pantog at daanan ng ihi. Ito ay nagpapahirap sa isang tao na maka-ihi ng maayos. Kapag ang ihi ay matagal na nasa pantog, dadami ang bacteria at magdudulot ito ng impeksyon.
Menopause
Dahil ang hormonal changes ay pwedeng magpabago ng balanse ng bacteria sa ari ng babae, ang menopause ay pwedeng maging sanhi ng UTI. Dagdag pa rito, may mga pagbabago sa kanilang reproductive organs tulad ng urethra. Kaya naman nagiging mas madaling kapitan ng bacteria.
Edad
Ang katandaan ay maaaring maging sanhi ng UTI. Ito ay dahil ang mga matatanda ay mas madaling kapitan ng impeksyon dahil sa mahinang immunity. Sila ay nahihirapang makarating agad sa banyo para umihi kaya madali silang magkaroon ng UTI.
Urinary catheters
Ang mga taong nasa hospital, bedridden, o walang kakayahang pumunta sa banyo ng sarili ay nilalagyan ng catheter. Ito ay para makuha ang kanilang ihi. Kaya lang ang urinary catheter ay isa ring madaling mapasok ng bacteria para makarating sa urinary tract.
Ang urinary catheter ay madali ring pasukin ng bacteria bago ito ipasok o maaaring pamahayan ng bacteria habang ito ay nasa bladder.
Mga urinary procedures
Maaring maging prone sa UTI ang isang tao dahil sa mga invasive surgeries o procedures sa loob ng urinary system. Kasama sa mga surgery na may kinalaman sa urinary system ang kidney removal, (nephrectomy), bladder surgery, at operasyon ng urethra.
Paano maiiwasan ng UTI?
Para maiwasan ang UTI, kailangan mo na:
- Manatiling hydrated para madaling mailabas ng urinary system mo ang mga toxins sa katawan.
- Iwasang magpigil ng ihi para hindi ito maipon sa pantog mo.
- Ugaliin ang wastong kalinisan kapag umiihi at pagkatapos ng sex.
- Kapag naghuhugas ng kanilang ari, ang mga babae ay pinapayuhan ng pagpupunas mula sa harap papunta sa likod. Ito ay para maiwasang makapasok ang bacteria sa urethra.
- Gamutin ang mga underlying conditions tulad ng constipation at kidney stones.
- Iwasang gumamit ng feminine products na maaaring makairita sa urethra.
- Humingi agad ng medical attention sa oras na makaramdam ng mga sintomas ng UTI
- Huwag mag self-medicate at kumunsulta sa iyong doktor para sa medical prescriptions.
Key Takeaways
Ang UTI ay isang karaniwang problema na maaaring maranasan ng sinuman. Ang pag-alam kung ano ang mga karaniwang sanhi ng UTI ay makakatulong sa iyo na maiwasang mangyari ito.
Mag-iskedyul ng pagbisita sa iyong doktor sa sandaling makaramdam ka ng mga sintomas ng UTI. Ito ay makakabawas sa tyansang lumala ang UTI. Tandaan na inumin ang iyong mga gamot at gawin ang lahat ng preventive measures na makakatulong sa iyong mawala agad ang UTI.