Paano pumili ng kutson kung nais mong maging mahimbing at komportable ang iyong tulog? Ang mahimbing na tulog ay isang napakahalagang bagay na may pangmatagalang epekto sa iyong kalusugan. Sa kabutihang-palad, ang merkado ay puno ng mga pagpipilian kapag kutson ang pinag-usapan.
Ang pagbili ng kutson ay talagang isang malaking pamumuhunan. Samakatuwid, mahalagang mamuhunan sa pinakamahusay na kutson na posible, at kung pagdating ng panahon palitan ito ayon sa alituntunin ng mga eksperto. Ngunit kailan mo ba dapat palitan ang iyong kutson? Sa normal na kondisyon, ang mga kutson ay dapat pinapalitan tuwing anim hanggang walong taon. Siyempre, ito ay isang pangkalahatang patnubay at hindi isang solusyon na angkop sa lahat.
Bakit kritikal kung paano pumili ng kutson?
Ang paghahanap ng perpektong kutson ay maaaring magresulta sa malaking pagkakaiba, hindi lamang sa iyong pagtulog kundi sa lahat ng aspeto ng iyong pang-araw-araw na buhay. Ang pagkakaroon ng de-kalidad na tulog ay maaaring magresulta sa:
- Pagdagdag sa iyong pagiging produktibo
- Maiwasan ang pananakit ng kalamnan at kasukasuan
- Humahantong sa mas maligayang buhay
Maraming mga pag-aaral ang nagpapakita ng direktang ugnayan sa pagitan ng mga oras ng pagtulog at ng iyong kaligayahan. Dahil sa kahalagahan ng pagpapahinga ng maayos sa gabi, inirerekomenda ng mga eksperto na gawin itong tunay na prayoridad sa iyong buhay. Dapat din tiyaking mayroon kang mga tamang kagamitan at kaalaman upang kontrolin ang iyong pagtulog. Maraming batayan sa pagpili ng tamang kutson at hindi lamang dahil gusto mo ang kulay nito.
Mga dapat tandaan kung paano pumili ng kutson
Handa ka na bang magsimulang mamili? Marahil ay mayroon nang ilang partikular na katangian ng kutson na naiisip mo. Bago ka pumunta sa pamilihan o maghanap sa internet, isaalang-alang muna ang sumusunod:
1. Posisyon sa pagtulog
Ang iyong nakaugaliang posisyon sa pagtulog ay isang mahalagang konsiderasyon sa pagpili ng tamang kutson. Kapag ang isang kutson na hindi nag-aalok ng tamang suporta para sa iyong karaniwang posisyon, maaaring magdulot ito ng sakit at hindi magandang pagtulog. Narito ang iba’t-ibang posisyon sa pagtulog at mga nararapat na kutson sa bawat posisyon:
-
Mga natutulog sa likod
Kung madalas kang natutulog sa iyong likod, ang mga malambot na kutson ay malamang na hindi magbibigay ng sapat na suporta upang mapanatiling maayos ang iyong gulugod habang natutulog ka. Ang mas matibay na foam o hybrid na kutson, na kombinasyon ng mga coils at foam, ay maaaring makatulong sa iyo upang makapagpahinga nang mas mabuti.
-
Mga natutulog sa gilid
Paano pumili ng kutson kung patagilid kang matulog? Ang pagtulog nang nakatagilid ay naglalagay ng presyon sa iyong mga balikat at balakang. Mas gugustuhin mong maghanap ng mas malambot na kutson na magpapagaan sa iyong katawan at nakakatulong na mapawi ang presyon sa mga pangunahing puntong ito. Ang memory foam o pillow-top mattress ay nagbibigay ng perpektong timpla ng ginhawa at suporta.
-
Mga natutulog sa tiyan
Karaniwang inirerekomenda sa mga natutulog sa tiyan na lumipat sa isang posisyon sa pagtulog na nag-aalok ng mas mahusay na mga benepisyo sa kalusugan. Ayon sa mga chiropractor, ang pagtulog sa tiyan ay naglalagay ng stress sa iyong gulugod. Habang tumatagal, maaari itong humantong sa pananakit ng likod at leeg.
2. Paano pumili ng kutson base sa porma ng katawan
Ang porma ng iyong katawan ay maaari ding makaapekto sa antas ng suporta na kailangan mo mula sa iyong kutson. Kung ikaw ay may mas mababang timbang malamang na mas babagay sa iyo ang medium-firm na kutson na mas matatag. Ngunit kung natutulog ka nang nakatagilid o kailangan mo ng ginhawa mula sa sakit at pressure, malamang na gugustuhin mo ang mas malambot na kutson.
Ang mga taong may mas mataas na timbang ay karaniwang nangangailangan ng mas matibay na kama upang makakuha ng sapat na suporta. Mas magugustuhan mo ang mga hybrid, na kombinasyon ng innerspring coils na nagbibigay suporta, at kutson na nagbibigay ginhawa. Maghanap ng mga kutson na mas mataas sa 12 pulgada upang makapagbigay ng sapat na suporta.
3. Presyo ng mga kutson
Ang mga bagong kutson ay nag-iiba-iba sa presyo, depende sa materyales, lokasyon ng konstruksyon, uri, at brand. Natural lamang na mas mahal ang mga kutson na gawa sa mga natural o organikong hibla.
4. Uri ng kutson
Maaari ding mag-iba ang presyo kung ang pipiliin mong kutson ay hybrid, innerspring o foam. Ang pinakamurang opsyon sa ngayon ay ang innerspring subalit baka mahirapan kang maghanap nito. Malamang na mas mura naman ang foam kumpara sa mga hybrid.
5. Opsyon sa pagdeliver
Isa sa mahalagang konsiderasyon kapag bumili ka ng kutson ay ang pamamaraan ng pagbili nito. Nauuso na ngayon ang mga kutson sa kahon, na idedeliver lamang sa harap ng iyong tahanan o condominium. At dahil kasya ito sa karton, mas madali mo itong dalhin kahit anong palapag ang iyong kwarto.