backup og meta

Turuan Ang Batang Kumain Ng Mabuti: Heto Ang Mga Dapat Tandaan

Turuan Ang Batang Kumain Ng Mabuti: Heto Ang Mga Dapat Tandaan

Isa sa most challenging task ng magulang ang turuan ang batang kumain ng mabuti. Partikular ang mga masustansyang pagkain dahil kailangan ito ng bagets para sa kanilang pag-unlad at paglaki. Ngunit, hindi lahat ng mga bata ay madaling turuan. Ang iba sa kanila ay “picky eater” o “maselan” pagdating sa pagpili ng kakainin. Habang ang ibang kids ay nagagawang mag-tantrums o magmaktol sa tuwing susubukan silang pakainin ng gulay o kaya ibang masustansyang pagkain ng kanilang magulang. 

Nangangailangan ng mahabang pasensya at pagtitiyaga ang magulang upang maturuan ang anak. Ito ang dahilan kaya’t gumawa kami ng listahan ng mga tips upang turuan ang batang kumain ng mabuti. Nais naming makatulong sa mga magulang upang mapadali ang pagpapakain at mapabuti ang kalusugan ng kanilang mga anak.

7 Paraan Upang Hikayatin sa Malusog na Pagkain si Bagets!

Ang mga bata ay kilalang mapili pagdating sa pagkain. Kahit karaniwang sabik sila na sumubok ng mga bagong bagay, may mga ilang pagkain na talagang hindi nila gusto lalo na kung hindi ito pamilyar sa kanila. Kadalasan, ang mga masustansyang pagkain, kagaya ng mga gulay at prutas ang ayaw nilang kainin.

Paano nga ba natin sila eksaktong hihikayatin sa malusog na pagkain? Narito ang ilang bagay na dapat tandaan:

Tip No. 1 – Magplano ng Mga Pagkain kasama ang Iyong Anak

Isama ang anak sa pagplaplano ng inyong kakainin para sa buong linggo. Ang paraan na ito ay makakatulong upang mahikayat ang iyong anak sa malusog na pagkain. Bukod dito, nagkakaroon na rin kayo ng “instant bonding” at nagiging exciting ang pagplaplano ng pagkain. Makakatulong din ito para mabigyan ng autonomy ang anak at magabayan sila sa tamang pagpili ng pagkain. 

Mahusay na paraan din ito para sumubok ng mga bagong pagkain. Kung saan mas magiging masaya sila dahil bahagi sila ng pagpaplano ng pagkain.

Tip No. 2 — Hayaan sila na Pumili ng Kakainin

Para masigurado na si bagets ay kumakain ng malusog, hayaan silang pumili ng pagkain na gusto nilang kainin. Ipakita sa kanila ang iba’t ibang pagpipilian ng masustansyang pagkain. Pagkatapos, pabayaan silang magpasya kung alin sa mga pagkain ang gusto nilang kainin para sa araw na iyon.

Sa ganitong paraan, hindi nila mararamdaman na pinaghihigpitan sila o limitado ang kanilang mga pagpipilian sa pagkain. Subalit, siguraduhin lamang na ang pagkain na ibinibigay mo sa kanila ay malusog na pagpipilian.

Tip No. 3 — Mix Things Up

Pwedeng lutuin ang mga gulay sa iba’t ibang paraan. Kung ang iyong anak ay hindi mahilig sa pinakuluan o steamed na gulay, bakit hindi subukang bigyan ang iyong anak ng salad o piniritong gulay? Ganoon din sa karne, isda, at iba pang pagkain.

Sa pamamagitan ng paghahalo ng mga pagkain, ginagawa mong exciting ang oras ng pagkain. Sa ganitong paraan, nagiging kaabang-abang ito para sa’yong anak.

Tip No. 4 — Kapag Kumakain sa Labas, Pumili ng Mas Malusog na Opsyon

Siyempre, normal para sa mga bata ang gustuhin na kumain sa fast food nang madalas. Ang mga burger, fries, pizza, at iba pang mga pagkain ay napakasarap. Tandaan mo rin na ayos lang na kumain nito paminsan-minsan.

Sa kabila nito, magandang ideya pa rin na pumili ng mas malusog na mga opsyon. Halimbawa, sa halip na pritong pagkain, piliin na lang ang inihaw na pagkain. Kaysa mag-order ng softdrinks, pumili ng fruit juice o kahit na tubig lamang. Iwasan ang upsizing meals, at subukang bawasan din ang desserts.

Ang ganitong paraan ay makakatulong din para mabawasan ang negatibong epekto sa kalusugan ng fast food.

Tip No. 5 — Practice what you Preach

Kung ikaw mismo ay hindi kumakain ng malusog na pagkain, malamang na gagayahin ka ng iyong anak. Kaya’t ang isang tip para turuan ang batang kumain ng mabuti ay ipakita mo sa iyong anak ang tamang halimbawa.

Pwede mo itong gawin sa pamamagitan ng pagkain ng healthy foods para mahikayat mo ang iyong anak na sundin ang mga bagay na iyong ipinapayo.

Tip No. 6 — Gawin itong Isang Masayang Karanasan

Ang oras ng pagkain ay hindi lamang tungkol sa pag-refuel. Ito’y isang mahusay na paraan para sa pamilya upang mag-bonding at magkuwentuhan tungkol sa kanilang araw. Sinasabi na kapag masaya at kapana-panabik ang pagkain, nakakatulong ito para magdagdag ng gana. Mas nasasabik din ang mga bata na subukan ang mga bagong masustansyang pagkain kasama ka.

Tip No. 7 — Huwag Suhulan ang Iyong mga Anak

Kung minsan, sinusuhulan ng magulang ang kanilang mga anak ng dessert, para kumain sila ng masustansyang pagkain. Hindi ito magandang diskarte, dahil hindi matututunan ng iyong anak ang halaga ng malusog na pagkain.

Sa halip, subukang maging mapagpasensya sa’yong anak at unawain ang mga bagay mula sa kanilang pananaw. Ginagawa nitong mas madali para sa’yo na malaman kung bakit hindi nila gusto ang isang partikular na pagkain. Makakatulong din ito upang makita mo ang bagay na maaari mong gawin para magustuhan nila ang pagkaing iyon.

Key Takeaways

Mahalagang malaman ng magulang na hindi nila dapat pilitin ang kanilang mga anak na kumain ng masustansyang pagkain. Bagama’t pwede itong gumana sa panandaliang panahon, pwedeng iugnay ito ng mga bata bilang bahagi ng kanilang negatibong karanasan sa pagkain ng healthy foods. Habang tumatanda sila, maaaring hindi nila isapuso ang malusog na gawi sa pagkain.
Maraming mga paraan upang hikayatin sila sa malusog na pagkain. Ang pinakamahusay na paraan upang magawa ito ay maging matiyaga at maunawain sa’yong anak. Subukang hikayatin sila, sa halip na pilitin ang anak, para ang oras ng pagkain ay maging kasiya-siya at exciting. Ito’y dapat na maging isang positibong karanasan para sa kanila, nang sagayon ay magkaroon sila ng malusog na habit sa pagkain habang sila’y tumatanda.

Matuto pa tungkol sa Pagiging Magulang dito.

[embed-health-tool-vaccination-tool]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

1 8 Proven Tips on How to Get Kids to Eat Healthy | Rasmussen University, https://www.rasmussen.edu/degrees/education/blog/how-to-get-kids-to-eat-healthy/, Accessed November 2, 2021

2 Persuading Kids to Eat Nutritious Meals, https://www.stanfordchildrens.org/en/topic/default?id=persuading-kids-to-eat-nutritious-meals-1-1175, Accessed November 2, 2021

3 Think fast when kids want fast food – Harvard Health, https://www.health.harvard.edu/blog/think-fast-when-kids-want-fast-food-201301315846, Accessed November 2, 2021

4 Healthy Food for Kids – HelpGuide.org, https://www.helpguide.org/articles/healthy-eating/healthy-food-for-kids.htm, Accessed November 2, 2021

5 Healthy Eating (for Parents) – Nemours KidsHealth, https://kidshealth.org/en/parents/habits.html, Accessed November 2, 2021

Kasalukuyang Version

07/08/2023

Isinulat ni Lornalyn Austria

Narebyung medikal ni Regina Victoria Boyles, MD

In-update ni: Regina Victoria Boyles


Mga Kaugnay na Post

Ano Ang Mga Hindi Dapat Gawin Sa Harap Ng Bata Bilang Magulang?

5 Sakit Na Maaari Makuha Ng Iyong Anak Kapag Naulanan Sila!


Narebyung medikal ni

Regina Victoria Boyles, MD

Pediatrics


Isinulat ni Lornalyn Austria · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement