Dapat na alam ng magulang ang wastong pagkain ng preschooler. Dahil mahalaga ang paglinang ng healthy eating habits sa’yong anak para matulungan silang lumaki nang maayos at maabot ang iba’t-ibang developmental milestones.
Kaugnay nito, ano nga ba ang mga hakbang ang maaaring gawin ng mga magulang para maitanim ang good dietary choices sa kanilang mga anak? Alamin dito.
I-establish ang regular na iskedyul para sa meryenda at oras ng pagkain
Isa sa pinakamahalagang tip para sa mga magulang ay ang pagtatakda ng mga iskedyul para sa mga pagkain at meryenda.
Ang ugaling ito ay nakakatulong para “sanayin” ang appetite ng iyong preschooler. Kung saan, ang pagkain sa mga regular na pagitan ay nagtataguyod ng balanseng diyeta para sa kanila. Bukod pa rito, hindi lamang nila kakainin ang mga masustansyang pagkain na inihahanda mo para sa kanila. Ngunit mapipigilan din sila sa pagkain ng meryenda sa tuwing gusto nila.
Narito ang isa pang mahalagang tip: limitahan ang mga oras ng pagkain sa isang makatwirang panahon o oras.
Sa karamihan ng mga kaso, ang 30 minuto ay higit pa sa sapat para sa’yong preschooler, upang matapos ang kanilang pagkain. Ngunit, maaari kang mag-adjust batay sa kanilang kakayahan na pakainin ang kanilang sarili. Ang pagtatakda ng limitasyon sa oras ay nakakatulong sa’yong anak na magpokus sa kanilang mga pagkain.
Kumain kasama ang pamilya at maging modelo
Natututo ang mga bata sa pamamagitan ng pagkopya sa iyong ginagawa. Para maituro ang malusog at wastong pagkain ng preschooler. Kumain kasama ang pamilya para magaya nila ang magagandang gawi.
Habang nagsasalu-salo, ipunto ang pagpili ng iba’t ibang masustansyang pagkain, lalo na ang mga prutas at gulay.
Higit pa rito, alalahanin kung paano ka magsalita at kumilos. Huwag magdala ng mga gadget at bigyang-diin na hindi nila dapat paglaruan ang kanilang pagkain o ang maglaro sa mesa.
Pigilan din ang iyong anak na tumakbo habang kumakain, dahil pinapataas nito ang panganib ng mga aksidente tulad ng ‘choking”.
Bigyan ang anak ng kalayaan sa mga pagpipilian
Natutukso ang ilang magulang na magpataw ng mga mahigpit na alituntunin sa oras ng pagkain. Tulad ng pagpapaubos ng pagkain sa plato bago kumain ng dessert — o pagpilit sa kanila na kumain ng masustansyang pagkain kahit hindi nila gusto.
Sinasabi ng mga eksperto na mas mabuting bigyan ng kalayaan ang mga bata pagdating sa pagpili ng pagkain. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugan na maghahanda ka ng mga pagkain ayon sa kanilang mga kagustuhan.
Lutuin ang pagkaing nasa iyong meal plan. Pagkatapos, hayaan ang iyong preschooler na pumili kung ano ang gusto nilang kainin. Dagdag pa rito, pwedeng ipagpatuloy ang pag-aalok sa kanila ng pagkain na una nilang hindi nagustuhan.
Tandaan din na huwag silang pilitin na ubusin ang pagkain sa kanilang plato. Sapagkat ang mga preschooler ay may iba’t ibang portion sizes, kumpara sa iyo. Ang paghiling sa kanila na ubusin ang lahat pagkain kapag busog na sila ay pwedeng magresulta sa overeating. Ang pagtuturo ng wastong pagkain ng preschooler ay kinabibilangan ng paghikayat sa kanila na kilalanin ang kanilang kagutuman — at pagkabusog.
Bigyan sila ng healthy treats
Magnanais kumain ng candy o treats paminsan-minsan ang mga preschooler. Kaya hindi matalinong gawin na ganap na ipagbawal ito sa kanila. Baguhin o i-modify na lamang kung paano mo sila pinapayagang kumain nito.
Halimbawa, kapag gusto nilang kumain ng mga tsokolate, pumili ng chocolates bilang isang pamilya. Upang maging mas malusog ito, piliin ang dark variety kaysa sa brand na maraming sugars.
Ang isa pang mahalagang tip, iwasan ang pagbibigay ng pagkain bilang isang gantimpala. Sapagkat, ang pagbibigay ng mga matatamis, soda, o cake bilang mga gantimpala ay maaaring mag-trigger ng labis na pagkain. Dahil ito’y tinitingnan nila bilang isang premyo, maaari nilang kainin ito sa kahit na hindi pa oras ng pagkain — o kapag hindi pa sila nagugutom.
“Sanayin” sila na pumili ng mga masustansyang pagkain
At panghuli, sanayin ang iyong anak na pumili ng mga masustansyang pagkain kaysa sa mga produktong walang laman na calories. Isama sila sa grocery shopping at sa paghahanda ng pagkain. Bigyan sila ng mga materyales (gaya ng mga aklat) na nagpapakita ng healthy eating habits para sa preschoolers. Narito ang mga sumusunod na pwede mo pang gawin para sa wastong pagkain ng preschooler:
Panatilihin ang iba’t ibang masustansyang pagkain sa bahay
Para magkaroon ng ilang antas ng kontrol sa pagpili ng pagkain ng iyong anak. Panatilihin ang mga masustansyang pagkain at meryenda sa bahay.
Halimbawa, mag-imbak ng mga masustansyang pagkain gaya ng mga prutas at veggie salad sa refrigerator. Kapag nagutom ang iyong anak, idirekta siya sa refrigerator at hayaan silang pumili ng kanilang pagkain.
Gawing mas “visible” o nakikita ang mga prutas
Maglagay ng iba’t ibang prutas sa mesa, kung saan madaling makita at maabot ng iyong anak ang mga ito. Makakatulong kapag sinabi nila sa’yo na nagugutom sila o kung natutukso silang kumain.
Hikayatin silang kumain
Ang isang kapaki-pakinabang na pamamaraan upang makatulong na bumuo ng healthy eating habits para sa kanila ay ang magtakda ng isang “one bite rule.”
Sa madaling salita, hikayatin ang iyong anak na kumain ng isang kagat ng bagong pagkain na iniaalok sa kanila. Gayundin, isaalang-alang ang paghahanda ng mga pagkaing hindi nila gusto sa ibang paraan. Halimbawa, kung hindi nila gusto ang broccoli, ipares ito sa isa pang gulay na gusto nila. Pagkatapos, hilingin sa kanila na sumubo o kumagat.
Matuto nang higit pa tungkol sa Pagiging Magulang sa isang Preschooler dito.