backup og meta

Nutrisyon Ng Bata: Ito Ang Dapat Malaman Ng Mga Magulang

Nutrisyon Ng Bata: Ito Ang Dapat Malaman Ng Mga Magulang

Alam ng mga magulang kung gaano kahalaga ang masustansyang pagkain para sa paglaki at pag-unlad ng kanilang anak. Gayunpaman, ang “masustansyang pagkain” ay nakadepende sa ilang factors gaya ng kasarian, edad, level ng aktibidad, tangkad, at bigat ng bata. Kaya naman may ibang dietary requirement ang iyong preschooler kumpara sa isang toddler o sa isang school-age na bata. Ano ang mga kinakailangang nutrisyon ng bata kapag preschooler na sila?

Pangkalahatang Ideya Tungkol Sa Preschool Nutrition Pyramid

Sa oras na maging preschool na ang iyong anak, maaaring kaya na nilang kumain nang mag-isa. Kakainin nila kung ano ang kinakain ng iba pang miyembro ng pamilya, ngunit mahalagang matiyak ang nutrisyong taglay ng mga ito. Bukod dito, mahalaga ring isaalang-alang ang dami ng pagkain. 

Ang nutrition pyramids para sa preschoolers ay nagkakaiba-iba depende sa pinagbabatayan, ngunit karamihan sa mga pyramid na ito ay ipinapangkat ang dietary requirement ng isang bata sa mga sumusunod:

nutrisyon ng bata

Grains

Ang grains ang pangunahing pinagkukunan ng carbohydrate ng iyong anak. Ang mga pagkaing ito ay gawa sa kanin, wheat, oats, barley, o cereal grains. Sinasabi sa mga ulat na kailangan ng mga bata ng 6 na servings kada araw. Sa paghahanda ng pagkain, puwede mong ikonsidera ang:

  • ½ cup ng nilutong pasta, rice, o cereal
  • 1 hiwa ng tinapay
  • ½ muffin

Mga Gulay

Kasama sa kinakailangang nutrisyon ng bata ang mga gulay. Para sa anak mo, piliin ang maberde at madadahon, gayundin ang mga gulay na may iba’t ibang kulay.

Para sa sukat ng serving, sinasabi ng mga pag-aaral na ang bata ay nangangailangan ng 3 servings ng gulay araw-araw. Karaniwang katumbas ng isang serving ang ½ tasa ng niluto o tinadtad na gulay. 

Prutas

Syempre, hindi makokompleto ang nutrition pyramid ng bata kung walang prutas. Huwag mag-alala, hindi lamang sariwang prutas ang puwede mong pagpilian. 

Ayon sa mga eksperto, ang mga prutas na puwede mong ibigay sa iyong anak ay pinatuyo, frozen, o nakalata. Sa katunayan, ang 100% na fresh fruit juices ay puwede rin. Pagdating sa paghahanda, puwedeng kainin nang diretso (huwag kalimutang hugasan) ang mga prutas o isama sa salad, gawing shake, o puree (kinatasan). 

Kailangan ng mga preschooler ang 2 serving ng prutas araw-araw. Ang isang serving ay kadalasang katumbas ng ½ tasa o 1 piraso ng maliit na prutas.

Gayunpaman, para sa fruit juice, inirerekomenda ng The American Pediatric Society ang hindi lalagpas sa 4 ounces (118 ml) ng sariwang fruit juices para sa mga batang nasa edad 1-3, habang ang mga batang nasa edad 4-6 na taon ay puwedeng kumonsumo ng hanggang 6 ounces (177 ml). 

Dairy

Ang dairy o produktong gawa sa gatas ay mahalaga sa malusog na mga buto, kaya naman, hindi dapat kalimutan ng mga magulang na isama ito sa paghahanda ng pagkain.

Kailangan ng preschoolers ng 2 hanggang 3 tasa ng gatas araw-araw. Magtuon sa healthy sources na may mataas na calcium at mababang fat o fat-free products. Halimbawa ng healthy choices ang:

  • Yogurt
  • Unsweetened milk
  • Keso

Karne

Hindi makokompleto ang nutrisyon pyramid ng bata kung walang karne, sapagkat ito ang magandang pagkunan ng protina. Magtuon sa low-fat at purong laman, isda, at poultry. 

Kailangan ng preschoolers ng 2 hanggang 3 servings kada araw. Ang isang serving ay katumbas ng 1 itlog o 1.5-2 ounces (42-56 grams) ng karne, isda, at poultry.

Bukod dito, pakitandaan na ang ilan sa mga mani at buto ay maganda ring pagkunan ng protina.

Fats

At bilang huli, kasama rin sa kinakailangang nutrisyon ng bata ang fats. Ngunit huwag mag-alala, hindi ibig sabihin nito na kailangan mong bigyan ng “matatabang pagkain” ang iyong anak. 

Kailangan ng preschooler ang 3 hanggang 4 na servings ng fats araw-araw. Ngunit maliit lamang ang bawat serving at kailangang manggaling sa mga healthy oils, na puwede mong isama sa kanilang pagkain. Puwede kang kumuha ng 1 serving ng fats sa:

  • 1 kutsarita ng oil, butter, o salad dressing
  • 2 kutsara ng avocado
  • 1 kutsara ng nut butter

Mga Paalala

Kahit na kaya nang kumaing mag-isa ng iyong preschooler, patuloy pa ring tandaan ang mga madudulas na pagkaing gaya ng mani, prutas na may malalaking buto, whole grapes, malalaking karne at hotdog. Puwede kasi itong magdulot ng panganib na mabulunan ang iyong anak, kaya’t hatiin ito sa maliliit na bahagi bago ihanda.

Hangga’t maaari, sabayan ang inyong anak sa pagkain upang mabantayan siya. Makatutulong din ang pagsabay sa kanila upang malaman kung mayroon siyang allergies sa pagkain.

At huli, pakitandaang puwedeng magbago ang dami ng serving at klase ng pagkain depende sa pangangailangang pangkalusugan ng iyong preschooler. Ang pinakamainam na gawin ay makipag-usap sa pediatrician ng iyong anak hinggil sa kanyang pagkain.

Matuto pa hinggil sa Nutrisyon ng Bata dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Preschooler Nutrition, https://www.stanfordchildrens.org/en/topic/default?id=preschooler-nutrition-90-P02273, Accessed December 30, 2020

Preschool Nutrition, https://www.nal.usda.gov/fnic/preschool-nutrition, Accessed December 30, 2020

Sample Menu for a Preschooler, https://www.healthychildren.org/English/ages-stages/preschool/nutrition-fitness/Pages/Sample-One-Day-Menu-for-a-Preschooler.aspx, Accessed December 30, 2020

Childhood Nutrition, https://www.healthychildren.org/English/healthy-living/nutrition/Pages/Childhood-Nutrition.aspx, Accessed December 30, 2020

What Should My Preschooler Be Eating? https://health.clevelandclinic.org/what-should-my-preschooler-be-eating/, Accessed December 30, 2020

Kasalukuyang Version

03/31/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Ruben Macapinlac, MD, DPPS

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Tatlong Pangkat Ng Pagkain: Alamin Dito Ang Wastong Nutrisyon

Epekto ng Wastong Nutrisyon Sa Kalusugan: Mga Dapat Malaman


Narebyung medikal ni

Ruben Macapinlac, MD, DPPS

Pediatrics · Philippine Pediatric Society


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement