Gusto ng preschoolers ang adventures: gusto nilang tuklasin ang kanilang kapaligiran, pakiramdam ang textures, at subukan ang mga bagong bagay. Dahil dito, dapat maging priyoridad ang pagtulong na palakasin ang kanilang brainpower. Ang pagbibigay ng brain food para sa bata ay isang paraan upang gawin ito. Narito ang ilang mga brain food para sa bata.
1. Itlog
Hindi lamang sa protina mayaman ang itlog; isa rin silang uri ng brain superfood. Sa isang pag-aaral na kinasangkutan ng 2,500 kalahok, natuklasang ang mga kumakain ng katumbas ng 1 itlog araw-araw ay nakakuha ng mas mataas na marka sa ilang cognitive tests kaysa sa mga hindi gaanong kumakain nito.
Ayon sa mga eksperto, marahil ito ay dahil ang itlog ay puno ng choline, isang kemikal na ginagawang acetylcholine ng ating katawan, isang neurotransmitter na nakatutulong sa brain cells na makipag-ugnayan.
Ang higit na magandang balita ay may ilang mga ulat na nagsasabing ang choline ay maaari ding magbigay-proteksyon mula sa cognitive decline sa bandang huli ng buhay.
2. Mga Madadahong Gulay
Maaaring hindi ito magustuhan ng inyong anak, ngunit tiyak na kasama ang mga madadahong gulay sa listahan ng mga brain food para sa bata.
Natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga madadahong gulay ay maaaring makatulong upang mapanatili ang ating cognitive functions.
Sa pag-aaral, ang mga kalahok na kumain ng katumbas ng 1 serving ng madahong gulay araw-araw ay kinakitaan ng cognitive function na katulad ng sa isang taong 11 taong mas bata sa kanila.
Binanggit din sa ulat na ang berde, madadahong mga gulay ay nagtataglay ng mga sustansya tulad ng lutein, vitamin E, at folate na nakatutulong sa pagpapabagal ng cognitive decline.
3. Berries
Kung namimili ng mga pagkain para sa pagdebelop ng utak ng bata, huwag kalimutang isama sa listahan ang berries.
Isang malawakang pag-aaral ang nagsabing ang mga kababaeihang kumakain ng mas maraming berries (strawberries at blueberries) ay may “mas mababang rate ng cognitive decline.”
Higit pa rito, ipinaliwanag ng mga eksperto na ang berries ay mayaman sa flavonoids na maaaring dumaan sa blood-brain barrier. Ang flavonoids na ito ay may potensyal na makapagpabuti sa functions ng pag-aaral at memorya dahil sa anti-inflammatory at antioxidant properties ng mga ito.
Sa pag-aaral, ang mga kababaihan ay kumakain ng kalahating tasa ng berries araw-araw. Kung ipakakain ito sa mga bata, huwag kalimutang hiwain ang mga ito sa mas maliliit na piraso upang mabawasan ang tyasang mabulunan.
4. Mamantikang Isda
Alam mo bang ang ating utak ang pinakamatabang organ sa katawan?
Kaya, hindi nakagugulat na nangangailangan ito ng ilang uri ng taba upang mapanatiling malusog. Ang mga mamantikang isda tulad ng salmon, tuna, sardinas, at mackerel ay nagtataglay ng omega-3 fatty acids na nakatutulong sa utak. At tulad ng ipinaliwanag ng mga doktor, ang isang malusog na utak ay nakatutulong sa pokus at pag-aaral ng mga bata.
Ang mamantikang isda ay nakatutulong din sa brainpower ng bata dahil naglalaman ito ng vitamin D, na ayon sa mga eksperto, ay isa sa “mga mahahalagang brain foods na kailangan ng lahat ng bata.”
5. Gatas
Ang pangunahing dahilan kung bakit hinihikayat ang mga bata na uminom ng gatas ay malamang dahil ito ay mabuti para sa kanilang mga buto. Ngunit alam mo bang ang gatas ay isa rin sa brain food para sa mga bata?
Ayon sa mga eksperto, ang gatas ay nagtataglay ng mga protina at vitamin B. Ang mga ito ay mahahalagang sustansya na nakatutulong sa pagbuo ng mga brain tissues, enzymes, at neurotransmitters. Bukod pa rito, naglalaman din ito ng carbohydrates, na siyang pinagmumulan ng enerhiya ng utak.
Ayon pa sa isang pag-aaral, ang pag-inom ng gatas ay maaaring makapagpataas ng glutathione sa utak. Ang glutathione ay isang antioxidant na may kakayahang pigilan ang oxidative stress na nagdudulot ng pinsala.
Narito ang isang magandang payo: paminsan-minsan, maaari mo ring bigyan ang iyong anak ng yogurt. Tulad ng gatas, naglalaman din ito ng vitamin B at mga protina.
Sa pagbibigay ng mga brain food para sa bata, kailangang tandaan ang mga sumusunod na paalala:
- Maaaring madalas kang matukso na ibigay sa iyong anak ang superfoods na ito. Ngunit tandaang ang balanseng diet na may iba’t ibang pagkain ay mahalaga para sa kanilang kabuoang kalusugan. Tiyak na makatutulong ang pagkonsulta sa isang pediatrician tungkol sa mga pangangailangan sa nutrisyon ng iyong anak.
- Mahalaga kung paano ihanda ang pagkain. Maaaring hindi gusto ng iyong anak ang mga bagong pagkain, ngunit huwag sumuko. Maging malikhain sa paghahanda at pag-aayos ng mga pagkain upang maging mas nakaaakit sa kanila ang mga pagkain.
- Ang diet ay isang bahagi lamang ng pagpapalakas ng pagdebelop ng utak ng bata. Ang paglalaan ng oras kasama sila habang gumagawa ng masayang mga aktibidad ay nakatutulong din sa cognitive functions.
Matuto pa tungkol sa Nutrisyon ng Toddler dito.