Isa sa mga pinakakaraniwang problemang nararanasan ng mga sanggol at bata ay ang pagtitibi. Ito ay kadalasang nagdudulot ng hindi komportableng pakiramdam sa mga bata at maaaring maging sanhi ng pag-aalala sa mga magulang. Ano ang maaaring gawin ng mga magulang upang maiwasan ang mga digestive disorder sa mga bata? Okay lang bang bigyan ng laxatives ang mga bata para gamutin ang pagtitibi? At ano-anong mga natural na laxative ang maaaring gamitin ng mga bata?
Magagamot ba ng mga Medikal o Natural na Laxative ang Pagtitibi ng mga Bata?
Isa sa pinakamadali at pinakakaraniwang paraan upang masolusyunan ang kahirapan sa pagdumi ay ang paggamit ng mga laxative. Ito ay totoo rin para sa mga bata. Bagama’t karaniwan itong ginagamit ng mga nakatatanda, ang mga maliliit na bata ay maaari ding uminom ng laxatives.
Karaniwang nahahati sa dalawang kategorya ang mga gamot sa pagtitibi para sa mga bata, batay sa kung ano ang epekto ng mga ito. Ang unang uri ng mga gamot ay nagpapalambot sa dumi upang mas madaling makalabas. Ang pangalawa naman ay nagpapasigla sa aktibidad ng bituka upang maging regular ang pagdumi.
Bago magbigay ng anomang medikal o natural na laxative sa iyong anak, siguraduhing kumonsulta muna sa pediatrician.
Medikal at Natural na Laxatives para sa Pagtitibi ng mga Bata
May ilang uri ng laxatives na ligtas na gamitin ng mga bata. Ilan sa mga gamot na kadalasang inirereseta ng mga doktor upang gamutin ang pagtitibi ng mga bata ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
Docusate (Coloxyl)
Ang laxative na nagpapalambot sa texture ng dumi ay kinabibilangan ng docusate (Coloxyl), lactulose (Laevolac), at mineral oil.
Ang docusate ay maaaring nasa anyo ng capsule o tableta. Maaaring ireseta ng iyong doktor ang gamot na ito kung hindi masyadong malubha ang pagtitibi.
Sa napakabihirang mga kaso, ang gamot na ito ay maaaring magdulot ng side effects tulad ng pagduduwal, pagsusuka, at pananakit ng tiyan.
Sennoside B (Senokot)
Ito ay laxatives na nagpapasigla sa aktibidad ng bituka ng bata upang maging regular ang pagdumi.
Ang mga stimulant na gamot na ito ay ginawa mula sa halamang senna. Ang mga batang wala pang 6 taong gulang ay hindi dapat uminom ng sennoside B, maliban kung imungkahi ito ng doktor.
Kasama sa side effects na maaaring maranasan ng mga bata ay ang pagtatae at pananakit ng tiyan. Magiging pula din ang ihi ng iyong anak. Gayunpaman, hindi kinakailangang mag-alala dahil babalik sa normal ang kulay matapos nilang ihinto ang pag-inom ng gamot.
Lactulose (Laevolac)
Tulad ng docusate, ang lactulose ay isang pampalambot ng dumi. Ayon sa National Health Service, ang gamot na ito ay hindi dapat ibigay sa mga batang wala pang 14 taong gulang, maliban na lamang kung ireseta ito ng doktor.
Ang gamot na ito sa pagtitibi ay available bilang syrup na may matamis na lasa. At ang isang side effect ng gamot na ito ay pagtatae.
Iba-iba ang tugon ng bawat bata sa bawat uri ng gamutan. Ito ay maaaring maapektuhan ng kalubhaan ng kondisyon ng bata at ng tiyak nitong sanhi. Ang paghingi ng payo sa doktor ay makatutulong upang maibsan ang pagtitibing nararanasan ng bata. Habang isinasagawa ang gamutan, sundin ang mga tagubilin ng doktor, lalo na sa paggamit ng gamot sa pagtitibi na medikal o natural na laxative para sa mga bata.
Natural na Laxatives sa mga Bata
Bilang magulang, marahil ay ginawa mo na ang lahat ng iyong makakaya upang hindi bigyan ng gamot ang iyong anak. Mabuti na lamang, ang pagtitibi ay kadalasang sanhi ng hindi malusog na diet at paraan ng pamumuhay. Ibig sabihin, maaaring mapigilan ng mga magulang ang pagtitibi sa mga bata sa pamamagitan ng pagkakaroon ng malusog na diet at paraan ng pamumuhay sa mga bata.
Dagdag pa, ang ilang pagkain ay nagsisilbing natural na laxatives para sa mga bata.
Isang paraan upang malabanan ang pagtitibi sa mga bata ay siguraduhing ang iyong anak ay nakakukuha ng sapat na fluids, na kinabibilangan din ng formula milk o gatas ng ina.
Maaari ka ring magbigay ng gatas upang suportahan ang kalusugan ng digestive ng iyong anak, tulad ng gatas na mataas sa fiber. Makatutulong ito na matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan sa fiber ng iyong anak, gayundin ang pag-iwas at paggamot sa pagtitibi.
Ang ilan pang mga bagay na maaari mong gawin upang maging maayos ang pagdumi ng iyong anak ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
1. I-monitor ang Kinakain ng Iyong Anak
Ang pinakamahusay na paraan upang gamutin ang pagtitibi ng mga bata nang hindi umiinom ng gamot ay ang pagsasaayos ng kanilang diet. Kailangan ding piliin ng mga magulang ang tamang pagkain na makatutulong upang maibsan ang mga sintomas nito.
Bilang panimula, maaaring magdagdag ng mga mansanas at peras sa pang-araw-araw na diet ng iyong anak. Ang mga prutas na ito ay nagtataglay ng sorbitol, isang asukal na parang natural na laxative para sa mga bata.
Dagdag pa, ang prutas na ito ay naglalaman din ng pectin fiber at actinidain enzymes (pinakamataas sa kiwi at papaya) na maaaring magpalambot sa dumi ng mga bata habang pinasisigla ang mas mabilis na pagdumi.
Masisiyahan din ang mga bata sa pag-inom ng juice na gawa sa prutas. Upang madagdagan ang fiber content, huwag balatan ang prutas. Ngunit siguraduhing hugasan ang mga ito nang mabuti.
Marapat ding regular na kumain ang bata ng mga gulay at prutas, lalo na ang mga maaari nang kumain ng solid na pagkain. Ang ganitong pagkain ay maaaring maging natural na laxatives para sa mga bata at pamalit para sa gamot sa pagtitibi.
Maaari ding magdagdag ng mga gulay tulad ng broccoli at peas upang madagdagan ang fiber na nakukuha ng bata.
Balansehin kung paano solusyunan ang pagtitibi sa mga bata sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mas maraming tubig upang mapakinabangan nang lubos ang kakayahan ng dietary fiber na mapalambot ang dumi.
2. Iwasan ang mga Pagkain na Maaring maging Sanhi ng Pagtitibi
Ang susunod na listahan ng natural na laxatives para sa mga bata ay ang simpleng pag-iwas sa ilang uri ng pagkain.
Epektibo ang mga paraang ito upang maibsan at maiwasan ang pagtitibi sa mga bata na may mga allergy, intolerances, Crohn’s disease, o Celiac disease.
Ang sumusunod ay ang listahan ng mga pagkaing dapat iwasan:
- Dairy o pagkaing nagtataglay ng lactose, tulad ng gatas, cake, chocolate, keso, o ice cream
- Pagkaing may gluten, tulad ng tinapay o pasta
- Wheat, barley, o rye
Posibleng ang iyong anak ay kakikitaan din ng mga sintomas ng paninigas ng pagtitibi dahil sa iba pang mga pagkain na hindi nabanggit sa itaas. Kumonsulta sa iyong doktor upang matuto pa tungkol dito.
3. Potty Training
Kung sa iyong palagay na ang sanhi ng pagtitibi ay ang mga gawi ng pagdumi ng iyong anak, magsagawa ng mga ehersisyo para sa potty training. Ang gawi ng pagpipigil ng dumi ay nagiging sanhi upang hindi normal na manatili ang mga dumi sa large intestine. Bilang resulta, ang dumi ay nagiging tuyo, siksik, at mahirap ilabas.
Upang solusyunan ang pagtitibi sa mga bata, ang mga magulang ay maaaring:
- Turuan ang kanilang mga anak kung paano sabihin kung nais dumumi.
- Turuan ang kanilang mga anak na buksan ang sariling pantalon.
- Maghanda ng mga kagamitan, tulad ng isang espesyal na upuan sa banyo para sa potty training, tissues, at iba pa.
- Gumawa ng regular na iskedyul para sa pag-ihi at pagdumi ng iyong anak, halimbawa sa umaga pagkagising o pagkatapos kumain.
Matuto pa tungkol sa mga Problema sa Digestive rito.