backup og meta

Ano ang Kwashiorkor, Paano Ito Nagagamot, at Paano Maiiwasan?

Ano ang Kwashiorkor, Paano Ito Nagagamot, at Paano Maiiwasan?

Maaaring narinig mo na kung ano ang Kwashiorkor sa mga tao, sa balita, o sa social media. Ngunit ano nga ba talaga ang Kwashiorkor? At bakit mahalagang malaman ang tungkol sa kondisyong ito? 

Ano ang Kwashiorkor?

Ang salitang kwashiorkor ay nangangahulugang “deposed child” (“deposed” o “tinanggal” mula sa pagpapasuso ng nanay dahil sa bagong silang na kapatid ) sa isang African dialect.

Isa itong napakaseryosong anyo ng malnutrisyon. Maaaring mangyari sa tao ang ganitong kondisyon kapag walang sapat na protina sa kanilang kinakain. Mas karaniwang mangyari ang Kwashiorkor sa mga papaunlad na bansa, at maging sa mga lugar na may matinding kahirapan at walang access sa pagkain. Sa kabilang banda, bihira namang mangyari ito sa mga mauunlad nang bansa. 

Bagaman kahit sinong tao sa anumang edad ay maaaring magkaroon ng ganitong kondisyon, mas malapit sa ganitong panganib ang mga sanggol at bata kumpara sa matatanda.

Dulot ng maraming kadahilanan ang malnutrisyon, partikular ang Kwashiorkor. Kabilang dito ang kapabayaan ng mga magulang at tagapag-alaga, kakulangan sa kaalaman sa kung anong pagkain ang masustansya, at kakulangan sa access sa masustansyang pagkain. 

Noong 1950’s, kinilala ng World Health Organization ang Kwashiorkor bilang public health crisis. Ang resulta, nagsagawa ng iba’t ibang relief efforts ang mga bansa upang mabawasan ang kondisyong ito. Bagaman nakatulong ang mga programang ito, nananatili pa rin itong seryosong usapin sa mahihirap na bansa at mga lugar na may matinding kahirapan.

Ano ang mga Sintomas?

Ang pinakakaraniwang sintomas ng kondisyong ito ay edema o pamamaga. Maaaring magsimula ang pamamagang ito sa binti ng tao. Ngunit maaari din itong makaapekto sa iba pang bahagi ng katawan.

Narito ang ilan pang sintomas na dapat bantayan:

  • Lumaking tiyan o “pot” belly
  • Pagkawala ng kalamnan o muscle dahil sa kakulangan ng protina at nutrisyon
  • Bigong pagtangkad
  • Pagkairita at kapaguran
  • May bakubako o mga bitak sa mga kuko
  • Madalas na nakararanas ng impeksyon

Nararapat na ikonsidera ang Kwashiorkor bilang isang seryosong problema. Posibleng mamatay sa kondisyong ito ang mga bata at sanggol na nakararanas ng pangmatagalang malnutrisyon. Mas madali kasi silang kapitan ng mga impeksyon. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga para sa mga magulang na magbigay ng tamang nutrisyon para sa kanilang mga anak upang maiwasan itong mangyari.

Gamutan para sa Kwashiorkor

Ngayong alam na natin kung ano ang Kwashiorkor, kailangan na nating pag-usapan kung paano gagamutin ang kondisyong ito. At dahil dulot ito ng malnutrisyon, ang pinakamabuting gamutan ay ang pagbibigay ng pagkaing may sapat na nutrisyon upang makabawi ang katawan.

Sa paggamot ng taong may Kwashiorkor, ang carbohydrates, simpleng asukal, at fats ang unang dapat ibigay. Nakatutulong ito upang makapagbigay ng energy sa katawan na kailangan nito upang gumana. Matapos nito, maaaring magbigay ng protina upang  maibalik ang sapat na imbak ng protina. Syempre, kailangan din ng vitamin at mineral supplements dahil nakatutulong itong pabilisin ang paggaling ng katawan.

Karaniwang solusyon ang gatas dahil nakapagbibigay ito ng mga sustansyang kailangan ng katawan. Gayunpaman, maaaring may lactose intolerance ang mga batang malnourished. Ito ang dahilan kung bakit kailangang magbigay ng supplements na may lactase enzyme upang maayos nilang matunaw ang gatas at mga produktong gawa sa dairy.

Maaari ding magreseta ang mga doktor ng penicillin upang makatulong na labanan ang anumang impeksyon. Kung may problema sa mata ang pasyente, makatutulong ang Vitamin A supplements upang gumaling. 

Mahalaga ring tandaang hindi dapat ibigay nang sabay-sabay ang maraming pagkain. Kailangang ibigay ng mga tagapag-alaga ang maliit lamang na dami ng pagkain sa simula dahil ang pagkain ng marami matapos ang mahabang panahong hindi pagkain ay maaaring magdulot ng problema sa panunaw. Palaging kumonsulta sa iyong pediatrician tungkol sa kondisyon ng iyong anak. 

Kadalasang nauuwi sa magandang resulta ang maagang paggamot sa Kwashiorkor. Madalas, ang katawan ng tao ay nakababawi nang lubos matapos mabigyan ng nutrisyon. Ngunit sa kaso ng mga bata na huli nang ginamot, nakababawi pa rin sila. Ngunit may pangmatagalang problema dulot ng malnutrisyon. 

Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Bata at Malnutrisyon dito. 

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

1 Kwashiorkor – StatPearls – NCBI Bookshelf, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK507876/, Accessed September 24, 2021

2 Kwashiorkor – NHS, https://www.nhs.uk/conditions/kwashiorkor/, Accessed September 24, 2021

3 Kwashiorkor: MedlinePlus Medical Encyclopedia, https://medlineplus.gov/ency/article/001604.htm, Accessed September 24, 2021

4 Treatment of Severe Protein Deficiency in Children (Kwashiorkor) | The American Journal of Clinical Nutrition | Oxford Academic, https://academic.oup.com/ajcn/article-abstract/5/5/506/4729892?redirectedFrom=fulltext, Accessed September 24, 2021

5 Difference between kwashiorkor and marasmus: Comparative meta-analysis of pathogenic characteristics and implications for treatment – ScienceDirect, https://www.sciencedirect.com/science/article/abs/pii/S0882401020310688?via%3Dihub, Accessed September 24, 2021

Kasalukuyang Version

06/21/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Janie-Vi Villamor Ismael-Gorospe, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Malnutrisyon: 6 Na Maling Paniniwala Tungkol Dito

Uri Ng Malnutrisyon, Anu-Ano Ang Mga Ito?


Narebyung medikal ni

Janie-Vi Villamor Ismael-Gorospe, MD

General Practitioner


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement