Ang hypothyroidism ay isang kondisyon kung saan ang thyroid ay hindi gumagawa ng sapat na thyroid hormones sa daluyan ng dugo. Nagiging sanhi ito ng paghina ng metabolismo. Ang hypothyroidism sa bata ay nagreresulta sa mga mapanirang epekto sa kalusugan kung ito ay hindi ginagamot. Kabilang dito ang mabagal na paglaki, intellectual disability, at pagkaantala sa pag-unlad.
Karaniwan ba ang hypothyroidism sa bata?
Ang hypothyroidism ay lubhang karaniwan. Maaari itong makaapekto sa sinuman sa anumang edad, kabilang ang mga bata at bagong silang.
Mga Sintomas
Ano ang mga Sintomas ng Hypothyroidism sa mga Bata?
Newborns
Nangyayari sa anumang edad ang hypothyroidism ngunit ang mga sintomas ay nag-iiba sa mga bata. Bihirang nakikita sa kapanganakan ang mga sintomas. Ang edad kung kailan lumilitaw ang mga sintomas at kung gaano kalubha ay depende kung gaano kahusay gumagana ang thyroid gland ng sanggol. Maaaring lumitaw ang ilang mga sintomas sa unang linggo o buwan pagkapanganak. Banayad ang mga sintomas at kadalasang maaaring hindi mapansin ng mga magulang at doktor. Kabilang dito ang:
- Paninilaw ang balat at puti ng mga mata
- Constipation
- Mahina kumain
- Malamig na balat
- Nabawasan ang pag-iyak
- Malakas na paghinga
- Mas madalas ang pagtulog/kaunti ang aktibidad
- Mas malaking soft spot sa ulo
- Malaking dila
- Pamamaga sa paligid ng mga mata
Toddlers at Gradeschoolers
Hindi pare-pareho ang hypothyroidism sa bata. Ito ay depende sa edad ng bata. Ang ilang mga kondisyon ng thyroid na lumilitaw sa maliliit na bata ay:
- Mas maliit kaysa sa average height
- Ang mga braso, kamay, at paa ay mas maikli sa karaniwan
- Mas matagal ma-develop ang permanent teeth
- Late magsimula ang puberty
- Mabagal ang mental development
- Mas mabagal ang heart rate kaysa karaniwan
- Brittle ang buhok at tuyo ang balat
- Puffy facial features
Teens
Ang hypothyroidism sa mga teenager ay mas madalas na nangyayari sa mga babae kaysa sa mga lalaki. Kadalasan ito ay dahil sa autoimmune disease na Hashimoto’s thyroiditis. Ang mga teenager na may family history ng mga autoimmune disease, gaya ng Hashimoto’s thyroiditis, Graves’ disease, o type 1 diabetes ay nasa mas mataas na panganib na magkaroon ng thyroid disease. Mayroon ding mas mataas na panganib para sa thyroid disease ang mga batang may genetic disorder tulad ng Down syndrome.
Ang mga sintomas sa mga kabataan ay katulad ng sa mga matatanda. Ngunit, ang mga sintomas ay maaaring hindi tiyak at mahirap makilala. Ang mga teenager na may hypothyroidism ay kadalasang nakakaranas ng mga sumusunod na pisikal na sintomas:
- Dagdag timbang
- Mabagal na paglaki
- Mas mababa sa average height
- Mabagal na breast development
- Naantala ang pagsisimula ng regla
- Malakas o hindi regular na menstrual bleeding
- Mas malaking testicular sa mga lalaki
- Naantala ang puberty
- Tuyo, makati ang balat
- Malutong na buhok at mga kuko
- Constipation
- Paos na boses
- Malaking thyroid gland
- Pananakit at paninigas ng kalamnan at kasukasuan
Ang mga teenager na may hypothyroidism ay maaari ring makaranas ng mga pagbabago sa pag-uugali na hindi gaanong halata. Kasama sa mga sintomas ang:
- Pagod
- Makakalimutin
- Mga problema sa mood o pag-uugali
- Nahihirapan sa school performance
- Malungkot ang pakiramdam
- Problema sa pag-concentrate
Maaaring may ilang sintomas na hindi nakalista sa itaas. Kung mayroon kang anumang mga alalahanin tungkol sa isang sintomas, mangyaring kumunsulta sa iyong doktor.
Kailan Dapat Magpatingin sa Doktor?
Kung ang iyong anak ay may anumang mga palatandaan o sintomas ng hypothyroidism, kumunsulta sa iyong doktor. Iba-iba ang kilos ng katawan ng bawat isa. Laging pinakamahusay na talakayin sa iyong doktor kung ano ang pinakamainam para sa iyong sitwasyon.
Mga Sanhi
Ano ang Nagiging sanhi ng Hypothyroidism sa mga Bata?
Ang pinakakaraniwang sanhi ng hypothyroidism sa bata ay family history ng sakit.
Ang iba pang mga karaniwang sanhi ng hypothyroidism sa mga bata ay kinabibilangan ng:
- Hindi sapat ang iodine sa diyeta ng isang bata
- Ipinanganak na may hindi gumaganang thyroid o walang thyroid gland (tinatawag ding congenital hypothyroidism)
- Hindi wastong paggamot sa thyroid disease ng isang ina sa panahon ng pagbubuntis
- Abnormal na pituitary gland
Risk Factors
Ano ang Nagpapataas ng Panganib ng Hypothyroidism sa mga Bata?
Mayroong maraming mga kadahilanan ng panganib para sa hypothyroidism sa mga bata. Ang ilan sa mga mas karaniwang kaso ay:
- Ang mga bata na ang mga magulang, lolo at lola, o kapatid ay may hypothyroidism ay nasa mas mataas na panganib para sa thyroid disease. Totoo rin ito kung mayroong family history ng immune problems na nakakaapekto sa thyroid.
- Ang mga kondisyon ng autoimmune, tulad ng Graves’ disease o Hashimoto’s thyroiditis, ay mas karaniwang lumilitaw sa panahon ng puberty. Mas madalas na nakakaapekto ang thyroid conditions na ito sa mga babae kaysa sa mga lalaki.
Diagnosis at Paggamot
Ang impormasyong ibinigay ay hindi kapalit ng anumang medikal na payo. LAGING kumunsulta sa iyong doktor para sa karagdagang impormasyon.
Paano Sinusuri ang Hypothyroidism sa mga Bata?
Magpapasya ang doktor para sa pinakamahusay na paraan upang masuri ang iyong anak. Ito ay depende sa kanyang edad at iba pang mga dahilan. Karaniwan, maaaring kumpirmahin ng physical exam at specific diagnostic testing ang diagnosis. Maaaring may kasamang blood tests ang diagnostic testing. Ito ay susukat sa ilang partikular na hormone tulad ng thyroid-stimulating hormone (TSH) o thyroxine (T3 at T4), o imaging tests. Humigit-kumulang 1 sa bawat 4,000 na sanggol ang na-diagnose na may congenital hypothyroidism.
Ang enlarged thyroid na kilala bilang goiter, ay maaaring magdulot ng mga problema sa paghinga at paglunok. Susuriin ng doktor ng iyong anak dito sa pamamagitan ng pagdama sa kanyang leeg.
Paano Ginagamot ang Hypothyroidism sa mga Bata?
May iba’t ibang treatment options para sa hypothyroidism sa bata. Karaniwang kinabibilangan ng paggamot ang pang-araw-araw na thyroid hormone therapy na may gamot na tinatawag na levothyroxine (Synthroid). Ang dose ay ibibigay ng iyong doktor at nakasalalay sa iba’t ibang mga kadahilanan tulad ng edad ng iyong anak.
Ang paggamot sa isang newborn na may thyroid disease ay mas matagumpay kapag sinimulan sa loob ng unang buwan ng bata. Regular ding sinusuri ng mga doktor ang mga sanggol sa loob ng unang apat na linggo ng buhay, upang hindi mangyari ang mga problemang ito sa kalusugan.
Kapag hindi nagagamot, ang hypothyroidism sa bata ay maaaring mauwi sa pagkabansot, mga problema sa nervous system, o mabagal na development. Makatutulong sa mga magulang na may kamalayan sa mga sintomas nito. Ito ay upang makahingi ng medikal na tulong at magbigay ng paggamot para sa kanilang anak.
Kung may anumang katanungan, mangyaring kumunsulta sa iyong doktor upang mas maunawaan ang pinakamahusay na solusyon para sa iyo.
Matuto pa tungkol sa Child Health dito.
[embed-health-tool-bmi]