backup og meta

Pagpapabakuna sa pandemya: Safety tips para sa mga magulang

Pagpapabakuna sa pandemya: Safety tips para sa mga magulang

Ang pagsisikap na maiwasan ang pagkakaroon at pagkalat ng COVID-19 ay mahalaga sa “new normal.” Bilang karagdagan sa pagsunod sa social distancing, wastong paghuhugas ng kamay, at paggamit ng mga face mask at shield, ang mga health expert ay nagpapaalala sa publiko na mag-ingat laban sa iba pang mga pana-panahong sakit tulad ng trangkaso, pulmonya, at dengue.

Ang pediatric checkups at pagpapabakuna sa pandemya ng COVID-19 ay mahalaga para maiwasan ang mga sakit mula sa iba pang mga virus. Ito ay totoo lalo na para sa mga bata, na mas madaling kapitan ng mga impeksyon.

Ligtas bang dalhin ang aking anak para sa isang checkup?

Ang mabilis na sagot: Oo, ang mga pediatric checkup at pagpapabakuna ay dapat pa ring gawin sa panahon ng COVID-19.

Sa kasalukuyan, dumami ang bilang ng mga pasyente sa maraming ospital dahil sa COVID-19 at mga pana-panahong sakit gaya ng dengue at trangkaso. Bago magtungo sa ospital, may ilang mga dapat gawin ng mga magulang bago dalhin ang kanilang anak sa doktor.

Paano ako mag-iskedyul ng mga pagbabakuna at pagsusuri sa bata sa panahon ng COVID-19?

Step 1: Makipag-ugnayan sa iyong pasilidad ng pangangalagang pangkalusugan

Ang mga klinika at ospital sa ngayon ay may mahigpit na appointments-only policy. Kahit na dati ka na sa isang partikular na klinika sa loob ng maraming taon, dapat ka pa ring tumawag sa opisina nang maaga para makakuha ng appointment at gawin ang anumang mga kinakailangan, tulad ng pagsusuri o mga clearance.

Kung mayroon kang direktang kontak sa pediatrician ng iyong anak, posible ring makipag-ugnayan sa kanila sa telepono, email, o sa pamamagitan ng iba pang mga channel.

Step 2: Sundin ang protocol

Pagkatapos mag-set up ng iskedyul para sa mga pediatric checkup o pagpapabakuna sa pandemya, tandaan ang mga kailangan ng pasilidad. Maaaring mag-iba ito depende sa dahilan ng appointment, ngunit maaaring kasama ang mga request para sa mga diagnostic tulad ng CBC, x-ray, at COVID swab test.

Maraming mga ospital at klinika sa Metro Manila ang humihingi na sumailalim sa pagsusuri sa COVID-19 ang mga pasyente bago pumasok sa pasilidad. Ito ay nagsisilbing pag-iingat sa kaligtasan para sa mga healthcare worker, mga frontliner sa opisina, at iba pang mga pasyente. Ang gastos ng PCR swab testing ay sasagutin ng pasyente, maliban kung saklaw ito ng insurance, HMO, o ng kanilang employer.

Step 3: Kunin ang mga kinakailangang clearance

Dahil sa travel restrictions at mga quarantine status ng iba’t ibang lugar sa bansa, ang mga taong wala pang 18 taong gulang at higit sa 65 taong gulang ay hindi pinapayagan na nasa labas ng kanilang mga tahanan maliban kung may mga kinakailangang clearance o may emergency. Samantala, maaaring kailanganin ang mga quarantine pass sa isang lugar habang hindi naman sa isa pa.

Ito ay isa pang dahilan kung bakit mahalagang makipag-ugnayan sa iyong health care provider nang maaga para malaman kung ano ang mga kailangan, lalo na kung plano mong humingi ng konsultasyon sa ibang lungsod. Kung kailangan mong kumuha ng clearance para sa iyong mga pediatric checkup o pagpapabakuna sa pandemya, maaari kang makipag-ugnayan sa iyong barangay o city hall para sa karagdagang impormasyon.

Step 4: Maghanda para sa pagbisita

Kung ikaw at ang iyong anak ay nag-negatibo para sa COVID-19 at nakumpleto na ang iba pang kailangang papeles, ang gawin na lang ay maghintay para sa iyong appointment. Maaari kontakin muli ang iyong health facility kapag nakumpleto mo na ang mga kinakailangan at para muling kumpirmahin ang iyong iskedyul.

Bago umalis ng bahay, mabuting maghanda ng bag na may mga importanteng bagay tulad ng mga dagdag na face mask, hand sanitizer, de-boteng tubig, at konting meryenda. Gayundin, huwag kalimutang magsuot ng face mask bago umalis sa iyong tahanan.

Dumating sa oras ng iyong appointment, ngunit hindi mas maaga sa 30 minuto. Iwasang manatili sa lobby o waiting area nang mas matagal kaysa sa kailangan mo para bawas panganib na malantad sa COVID-19 at iba pang mga sakit.

Step 5: Pagkatapos ng pagbisita

Matapos ang check up ng iyong anak, makipag-usap sa kanyang pediatrician para sa anumang karagdagang mga tagubilin. Kapag kailangan ng mga follow-up o pagpapabakuna sa pandemya ng COVID-19, magpa schedule bago umalis sa klinika. Kung ang iyong anak ay niresetahan ng mga gamot, bilhin ang mga ito sa isang parmasya bago ka umuwi.

I-dispose ng maayos ang iyong mga ginamit na face mask bago pumasok sa iyong bahay. Linisin nang mabuti ang iyong katawan at magpalit ng damit pagpasok mo sa bahay.

Aling mga bakuna ang dapat matanggap ng aking anak?

Ang mga bakuna na dapat matanggap ng iyong anak ay depende sa kanilang edad. Kasama ang mga sumusunod na bakuna sa Philippine National Immunization Program (NIP):

Bakuna Sakit Edad sa Unang Dose
BCG Tuberculosis (TB) Pagkapanganak
Monovalent Hep B Hepatitis B Pagkapanganak
Pentavalent vaccine (DTwP, Hib, HepB) Diphtheria, pertussis, tetanus, influenza, hepatitis B 6 na linggo
Bivalent OPV Polio 6 na linggo
IPV Polio 6 na linggo
PCV Pneumonia 6 na linggo
MMR, MR Measles, mumps, and rubella 9 na buwan
(6 na buwan kung may outbreak)
Td/Tdap Tetanus 7 – 18 taon
HPV Human papillomavirus 9 – 18 taon
JE Japanese encephalitis 9 buwan– 18 taon

Ang iba pang mga bakuna sa NIP ay ang rotavirus vaccine (RV), influenza vaccine, varicella (chickenpox) vaccine, at hepatitis A. Inirerekomenda din ang taunang flu shot, lalo na sa panahong ito ng COVID-19. Mahalagang tandaan na bagama’t wala sa mga bakunang ito ang makakapigil sa COVID-19, mas malala ang sakit sa mga pasyenteng may iba pang mga impeksyon at underlying diseases. Kaya naman, mabuting ganap na mabakunahan.

Saan ko makukuha ang mga pagbabakuna ng aking anak sa panahon ng COVID-19?

Ang mga rural health unit at government hospitals ay nag-aalok ng naa-access at abot-kayang basic health care at pagpapabakuna. Ibinibigay nang libre para sa mga bata hanggang 5 taong gulang ang mandatoryong basic immunization. Kung minsan, ang mga pasilidad na ito ay nagbibigay din ng mga libreng pagbabakuna para sa mga nasa hustong gulang sa pamamagitan ng mga medical mission at health drive.

Maaari mo ring dalhin ang iyong anak sa isang pribadong medical clinic o ospital, gayundin sa isang out-patient services clinic, para sa pagpapabakuna sa pandemya.

Ano ang mga benepisyo ng pagpapabakuna sa pandemya?

Nangungunang dahilan ng pagpapabakuna sa panahon ng COVID-19 ay para protektahan ang iyong anak mula sa maiiwasang childhood diseases. Mapapabuti nito ang kanilang kaligtasan sa sakit at paglaki, at makakatulong sa komunidad sa kabuuan.

Gaya ng nabanggit kanina, may ilang hakbang na kailangan gawin kung bibisita sa isang doktor para sa konsultasyon. Bilang karagdagan, ang mga emergency room ay hindi ang tamang lugar para magpabakuna. Ang mga ito ay para sa mga pasyenteng may agaran, nakamamatay na mga sakit at aksidente.

Bilang general rule, laging tandaan na ang pag-iwas ay mas mahusay kaysa sa paggamot! Ang halaga ng isang bakuna ay mukhang mahal sa loob ng isang araw, pero maliligtas nito ang iyong anak mula sa isang compromised immune system, mga nakatagong impeksyon, at avoidable health complications.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Expanded Program On Immunization, https://www.doh.gov.ph/expanded-program-on-immunization, Accessed November 12, 2020.

Childhood Immunization Schedule 2019, http://thepafp.org/website/wp-content/uploads/2017/05/2019-Childhood-immunization-Schedule.pdf, November 12, 2020.

Routine Vaccination During the COVID-19 Outbreak, https://www.cdc.gov/vaccines/parents/visit/vaccination-during-COVID-19.html, November 12, 2020.

Coronavirus (COVID-19): Kids & Medical Care During the Pandemic, https://kidshealth.org/en/parents/coronavirus-checkups.html, November 12, 2020.

Kasalukuyang Version

12/21/2022

Isinulat ni Corazon Marpuri

Narebyung medikal ni Stephanie Nera, RPh, PharmD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Checklist Ng Mga Bakuna Sa Bata: Gabay Para Sa Mga Magulang

Bakuna sa Diphtheria, Alamin ang Tungkol sa Mga Bakuna ng Iyong Anak


Narebyung medikal ni

Stephanie Nera, RPh, PharmD

Pharmacology


Isinulat ni Corazon Marpuri · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement