Napakahalaga ng mga doktor sa ating lipunan, dahil sila ang mga propesyonal na may malalim na kaalaman at kasanayan sa larangan ng medisina. Kritikal ang papel na kanilang ginagampanan, sapagkat sila ang mga taong tumutulong sa pagpapanatili ng kalusugan, pag-iwas sa sakit, at paggamot sa ating mga karamdaman.
Sa pamamagitan ng kanilang karanasan, at kaalaman, nagagawa nilang ma-diagnose ang iba’t ibang kondisyon, magbigay ng tamang gamot at pag-aalaga, at nakapagsasagawa ng mga medikal na proseso at operasyon. Bukod pa rito, patuloy rin ang kanilang pag-aaral para manatiling nakaayon ang kanilang kakayahan, at magamit an sa mga makabagong pag-unlad sa medisina.
Dagdag pa rito, ang mga doktor ay nahaharap din sa mga hamon, at sitwasyon sa trabaho na pwedeng magdulot ng trauma. Kung saan ang trauma ng mga doktor ay maaaring magmula sa mga emergency situation, personal na pagkabigo na konektado sa kanilang trabaho, at tungkulin, exposure sa mga pasyente na nagdurusa dahil sa sakit, kakulangan ng suporta at pag-aalala sa kalusugan ng doktor, at marami pang iba.
Sa katunayan, ang trauma na nakukuha ng isang doktor mula sa kanilang trabaho ay hindi madalas na pag-uusapan, dahil kadalasan sila ang gumagamot ng mga sakit ng tao. Ngunit, alam mo ba na mahalagang malaman din natin ang mga trauma ng mga doktor, para alam din natin kung paano sila uunawain, at tutulungan, nilang kanilang kaibigan, at pamilya.
Kaya para magkaroon ka ng kaalaman tungkol sa mga trauma ng mga doktor na nakukuha nila sa trabaho, patuloy na basahin ang article na ito.
6 Na Posibleng Trauma Ng Mga Doktor
Mahalagang tandaan na ang mga sumusunod na mga trauma ay hindi eksklusibo lamang sa mga doktor, dahil maaaring mangyari rin ito sa iba pang propesyon. Gayunpaman, narito ang lang halimbawa ng mga trauma na maaaring maranasan ng mga doktor dahil sa kanilang trabaho.
1. Secondary Traumatic Stress (STS)
Isa itong uri ng trauma na nagaganap kapag ang mga doktor ay madalas na exposed sa mga kwento ng kahirapan at trauma ng kanilang mga pasyente. Pwedeng maramdaman nila ang mga emosyonal na epekto ng mga kwento ng pagdurusa, at kamatayan ng kanilang mga pasyente.
2. Burnout
Ito ay isang estado ng pisikal, emosyonal, at mental na pagkaubos dulot ng matagalang stress at pagod. Maraming mga doktor ang nadedepress at nahihikayat na iwanan ang kanilang propesyon dahil sa sobrang burnout.
3. Compassion Fatigue
Tumutukoy ito sa pagkawala ng kakayahang maunawaan at makapagbigay ng simpatya sa mga pasyente dulot ng matagalang exposure sa trauma at hirap. Nagaganap ito kapag ang mga doktor ay nagbibigay ng malasakit at suporta sa kanilang mga pasyente nang walang sapat na pag-aalaga sa kanilang sarili.
4. Moral Injury
Ito’y isang uri ng trauma na may kaugnayan sa mga katanungan sa etika at moralidad na kinakaharap ng mga doktor. Maaaring maganap ito kapag ang mga doktor ay nasa sitwasyon na hindi nila pwedeng gawin ang nararapat para sa kanilang pasyente, dahil sa mga limitasyon ng sistema o iba pang mga kadahilanan na mayroon sa kanilang ospital.
5. Vicarious Trauma
Tumutukoy naman ito sa mga pagbabago sa paniniwala at pag-uugali na nangyayari sa mga doktor, dahil sa kanilang matagalang exposure sa trauma ng kanilang mga pasyente. Pwedeng maramdaman nila ang mga sintomas ng PTSD (Post-Traumatic Stress Disorder) kahit hindi sila mismong nae-expose sa tunay na peligro.
6. Work-Related Stress
Hindi makakaila na ang trabaho ng mga doktor stressful dahil sa mga hamon gaya ng pagkakaroon ng mga mahahalagang pasyente, mahigpit na mga deadline, sobrang paggawa ng trabaho, at iba pang mga kadahilanan. Kung saan ang sobrang stress na ito ay pwedeng humantong sa mga problema sa kalusugan, tulad ng insomnia, pagkapagod, at pagkawala ng interes sa trabaho.
Paano Maaaring Iwasan Ang Mga Trauma Na Ito?
Para maiwasan ang mga ito mahalaga na alagaan din ng doktor ang kanilang sarili, at bigyan pansin ang sariling pangangailangan. Dapat din nila matukoy at matamang magamit ang iba’t ibang coping mechanism para harapin ang stress sa trabaho, upang maiwasan ang burnout at pagkabalisa.
Hindi rin dapat mahiya ang mga doktor, o kahit sino sa paghingi ng support system, para makayanan ang bigat ng kanilang pinagdadaanan. Bukod pa rito, maganda rin kung magsasagawa ang isang doktor ng self-reflection, at self care para mabalanse ang sariling buhay. Huwag din nila dapat kalimutan na kapag may nararamdaman na anumang uri ng trauma o labis na pagkapagod, mahalagang kumonsulta muna sila sa mga propesyonal sa mental health para makakuha ng tamang suporta at pag-aalaga.