Isang normal na bagay na lamang ang makakita sa ating paligid ng isang tao na umiiyak. Ang pag-iyak ay isang natural na paraan ng tao upang ipahayag ang kanilang emosyon at damdamin. Ito ay maaaring maging resulta ng iba’t ibang mga dahilan tulad ng kalungkutan, galit, takot, o tuwa. Bukod pa rito, sa pamamagitan ng pag-iyak, nailalabas ng isang tao ang kanilang emosyonal na kalagayan o sitwasyon.
Sa madaling sabi, ang pag-iyak ay isang mahalagang bahagi ng ating karanasan bilang tao, at nagpapakita ito ng ating pagkatao at kahinaan. Dagdag pa rito, marami pang benepisyo ang pag-iyak sa ating kalusugan. Para malaman ang mga sumusunod na benepisyo ng pag-iyak, patuloy na basahin ang article na ito.
6 Benepisyo ng pag-iyak sa kalusugan
Ayon sa mga doktor ang pag-iyak ay isang natural na reaksyon ng katawan ng tao, at isa sa mga kilalang paraan upang maipakita ang ating emosyonal na kalagayan. Gayunpaman, bukod sa benepisyo ng pag-iyak sa pagpapahayag ng emosyon, mayroon din itong potensyal na benepisyo sa kalusugan ng isang tao, at narito ang mga sumusunod:
- Nailalabas ang stress
Kapag umiiyak ang isang tao, naglalabas ang bawat indibidwal ng mga kemikal sa katawan gaya ng adrenocorticotropic hormone (ACTH) na nagbibigay-daan sa tao na maibsan ang kanilang stress na nararamdaman. Ang ganitong proseso ay maaaring magdulot ng pakiramdam ng kaluwagan sa tao at pagkabawas ng mga tensyon na nararamdaman.
- Pagpapalabas ng emosyon
Tandaan na ang pag-iyak ay isang malusog na paraan para mapalabas ang mga emosyon tulad ng lungkot, pagkalungkot, galit, at iba pa. Kung saan ang pag-iyak ay maaaring makatulong para gumaan ang pakiramdam ng isang tao na nakakaapekto sa ating overall health.
- Pagpapababa ng tensyon
Pwedeng makatulong ang pag-iyak sa pagpapalabas ng pisikal na tensiyon sa katawan. Dahil kapag umiiyak ang isang tao, nagkakaroon ng mga paggalaw ang isang indibidwal, tulad ng paghinga nang malalim, at pag-iikot ng mga balikat, na maaaring makatulong sa pag-alis ng mga namuong tensiyon sa mga kalamnan ng isang tao.
- Pagsasaayos ng mood
Kadalasan, nagkakaroon ng mas maganda at magaan na pakiramdam ang isang tao matapos umiyak. Ito ay maaaring dahil sa paglabas ng mga kemikal sa utak tulad ng endorphins, na nagdudulot ng pakiramdam ng kasiyahan at kaluwagan.
- Pagpapabuti ng kalusugan ng mata
Ang pag-iyak ay maaaring magsilbing natural na pamamaraan upang linisin ang mga mata mula sa mga particles tulad ng alikabok, usok, o iba pang irritants na maaaring makaapekto sa kalusugan ng mata ng isang tao. Ito rin ay maaaring magdulot ng pagpapabuti ng lubrikasyon ng mata at pagbabawas ng mga sintomas ng mga kondisyon tulad ng dry eye syndrome.
- Napapabuti ang kalusugan ng puso
Ang pag-iyak ay nagbibigay-daan sa paglabas ng mga kemikal sa katawan na nauugnay sa pagkaka-stress tulad ng cortisol. Ang pagtaas ng antas ng cortisol sa katawan ay maaaring magdulot ng pagtaas ng presyon ng dugo at panganib sa puso. Sa pamamagitan ng pag-iyak, natatanggal ang mga kemikal na ito, na nagdudulot ng pagkaka-stress sa puso.
Paalala ng mga doktor
Ang mga benepisyo ng pag-iyak ay malaking bagay para maging stable ang ating mental at emotional health. Gayunpaman, ang sobrang pag-iyak ay maaaring magdulot ng emosyonal na pagkaubos, pagkabahala, at mga posibleng pangmatagalang epekto sa kalusugan. Kaya kung ikaw ay patuloy na nakakaranas ng malalim na kalungkutan o hindi mo na kayang kontrolin ang iyong pag-iyak, mahalagang kumonsulta sa isang propesyonal na pangkalusugan upang makakuha ng tamang suporta at gabay. Dahil ang mga doktor ay maaaring magbigay ng isang malalim na pagsusuri sa iyong kalusugan upang matukoy ang pinagmumulan ng sobra-sobrang pag-iyak. Mayroon din silang kaalaman at kasanayan sa pag-aaruga at paggamot ng mga taong may mental health problem.