backup og meta

Good stress at Bad stress: Ano ang Pagkakaiba?

Good stress at Bad stress: Ano ang Pagkakaiba?

Ang salitang “stress” ay nagkaroon na ng negatibong konotasyon sa paglipas ng panahon. Kapag sinabi ng mga tao na nai-stress sila, karaniwang ibig sabihin ay hindi maganda ang kanilang pakiramdam. Iba-iba ang mga dahilan–anxiety, pagod, sakit, burnout sa trabaho, o iba pang mga dahilan. Pero alam mo ba na ang stress ay hindi laging masama? Tama, may tinatawag na “good” stress. Basahin upang maunawaan ang pagkakaiba kung ano ang good at bad stress.

Ano ang good at bad stress?  

Ang stress ay nati-trigger ng natural na fight-or-flight na sagot ng katawan sa panganib o mahirap na mga sitwasyon. Isang uri ng “good” stress ang eustress na nakatutulong sa katawan habang ang distress naman ang kabaligtaran.

Ang eustress ay maaaring:

  • Pinagmumulan ng motibasyon na makakatulong sa pag-focus ng energy sa iyong trabaho o goals.
  • Saglit na sensation at kadalasang kasabay ng tuwa at kilig
  • Pinagmumulan ng discomfort, pero kayang mapamahalaan

Ang distress naman ay maaaring: 

  • maging sanhi ng pagkabalisa, depresyon, o iba pang mental o pisikal na problema.
  • tumagal ng maikli o mahabang panahon.
  • Nagiging discomfort na lumalampas sa kakayahan ng isang tao na makayanan ito.

Eustress vs. Distress

Sa Pilipinas, ang isang pangunahing pinagmumulan ng stress ay ang pagsisikip ng trapiko na nagpapahirap sa mga tao sa pag-commute. Bukod sa mabigat na trapiko, kailangang harapin din ng mga taong walang sariling sasakyan ang mga problema sa transportasyon. Kasama din ang pabago-bagong panahon, tumataas na pamasahe, at ang pagbibiyahe na tumatagal sa average na 3-4 na oras bawat araw.  

Ang karanasang ito ay napakadaling ikategorya bilang distress. Ang iba pang mga karanasan at kaganapan ay hindi madaling ikategorya, sa positibo at negatibong pinagmumulan ng stress.

Ngunit ginawa ng mga eksperto ang mga sumusunod na generalization kung ano ang good at bad stress:

Eustress

  • Bagong romantikong relasyon, pakikipag-date o kasal
  • Pagsisimula ng bagong trabaho, lalo na kung kakatapos mo lang, o nakakakuha ng promosyon
  • Bumili o nakakaranas ng isang bagay na dati mong hindi kayang bilhin, tulad ng bahay o mamahaling bag, o travel
  • Ang pagkakaroon ng anak
  • Nag-eehersisyo
  • Ang pagtataguyod ng isang bagay na kasiya-siya, tulad ng pagpaplano ng bakasyon o isang bagong libangan
  • Pagreretiro sa isang trabahong gusto mo

Distress

  • Pagbabago sa pamilya tulad ng kamatayan, divorce, at iba pang uri ng paghihiwalay o interpersonal na relasyon
  • Kawalan ng trabaho, job insecurity, o trabahong masyadong napakahirap gawin, o toxic workplace
  • Problema sa pera, tulad ng utang o pagkabangkarote
  • Mga problemang nauugnay sa bata, tulad ng bullying o problema sa pag-uugali
  • Mental, pisikal o emosyonal na sakit, personal man o sa pamilya
  • Traumatikong karanasan o pang-aabuso
  • Pagreretiro nang walang ipon

Ang isang punto na dapat tandaan tungkol sa mga nabanggit sa itaas ay ang kakayahan ng isang tao na makayanan ang isang stressor. Dahil ang bawat tao ay magkakaiba, at kung paano niya makakayanan ay iba rin.

Halimbawa na ang pagreretiro. Maaari itong eustress o distress depende sa nagretiro.

Ang isang taong nagtrabaho sa isang magandang kumpanya at may financial stability ay maaaring abangan ang pagreretiro. Samantala, ang isang taong may problema sa pera ay maaaring matakot sa pagreretiro at magpatuloy magtrabaho. Ito ay kahit na lampas sa edad ng pagreretiro, para lamang magkaroon ng matatag na kita.

Ang isa pang halimbawa ng isang kaganapan na maaaring sabihing eustress at distress ay ang pagsakay sa isang rollercoaster. Ang isang taong gusto ang thrill ay magugustuhan ang rollercoaster ride, habang ang isang taong ayaw sa ganoong ride ay matatakot naman.

Epekto ng Stress sa Isang Tao

Ano ang good at bad stress? Maaaring maging kapaki-pakinabang ang eustress. Ito ang uri ng stress na nagtutulak sa isang atleta na gawin ang last-second shot.

Ang ganitong uri ng stress ang siyang nag-uudyok sa isang estudyante na mag-aral mabuti para sa isang pagsusulit. Ito ang puwersang nagbibigay-inspirasyon sa mga manggagawa na ma-meet ang mga deadline at magtrabaho nang maayos. Ito rin ang nagpapakilos sa mag-asawa na bilhin ang perpektong regalo para sa isa’t isa sa kanilang anibersaryo.

Sa kabaligtaran, ang matinding stress ay maaaring makapinsala sa kalusugan. Ang sapilitang mag-commute ng 5-6 na araw sa isang linggo ay nakakaapekto hindi lamang sa katawan kundi sa mental at emosyonal na kagalingan ng mga commuter. 

Ang stress buildup ay maaaring humantong sa pisikal, mental, at emosyonal na kondisyong medikal tulad ng: 

  • sakit ng ulo
  • heartburn
  • mga problema sa pagtulog
  • problema sa paghinga
  • paghina ng immune system
  • depresyon
  • anxiety disorders
  • mas mataas na panganib ng atake sa puso
  • mas mataas na blood sugar at blood pressure
  • issues sa sexual reproduction systems
  • mga problema sa tiyan
  • tensyon sa muscles

Key Takeaways

Ang stress ay hindi maiiwasan. Mula noong sinaunang panahon, ang stress ay bahagi na ng buhay. Dahil sa stress, nagawa ng ating mga ninuno na gumamit ng apoy para sa pagkain at proteksyon. Nagawa nilang magtayo ng mga bahay upang maprotektahan ang kanilang sarili laban sa mababangis na hayop at lagay ng panahon.
Isang mahalagang punto na dapat tandaan ay ang stress ay maaaring tungkol sa pang-unawa. Kung sa tingin mo na ang isang bagay ay masyadong mahirap para sa iyo, ang katawan mo ay mapupunta sa isang flight mode na hahantong sa stress. Gayunpaman, kung naniniwala ka na kaya mong harapin ang isang hamon, i-trigger mo ang fight mode ng iyong katawan at ang karanasan ay maaaring maging eustress.
Mahalaga ito dahil nangangahulugang maaari mong baguhin kung paano ka humaharap sa ilang partikular na nakababahalang sitwasyon.

Maaari mong subukan ang mga sumusunod na diskarte upang baguhin ang distress sa eustress:


  • Maging aware sa kung ano ang iyong kailangan, gusto, at nararamdaman. Alamin kung nasaan ang iyong boundaries.
  • I-manage ang iyong oras upang mapangalagaan mo ang iba’t ibang aspeto ng iyong buhay.
  • Bigyang halaga ang pahinga.
  • Makinig sa musikang gusto mo.
  • Magpamasahe ka.
  • Igalaw mo ang iyong katawan. Mag-ehersisyo, maglaro ng sports, o maglaan lang ng ilang minuto para mag-stretch.
  • Ngumiti at huminga ng malalim.
Mahalagang malaman din kung kailan dapat humingi ng tulong. Sabihin ang nararamdaman mo sa pinagkakatiwalaang mga tao, tulad ng pamilya at mga kaibigan. Pwede ka ring sumali sa support group online o humingi ng tulong sa isang therapist. Mahalaga ito lalo na kung ang iyong stress ay resulta ng trauma o pang-aabuso. 
 

[embed-health-tool-bmi]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

American Addiction Center (n.d.). Types of Stressors (Eustress vs. Distress). https://www.mentalhelp.net/stress/types-of-stressors-eustress-vs-distress/.

Rappler (2019). FAST FACTS: State of Metro Manila’s public transport system. https://www.rappler.com/newsbreak/iq/242244-things-to-know-about-metro-manila-public-transport-system.

IBON Foundation (2019). Solving the NCR mass transport crisis. https://www.ibon.org/solving-the-ncr-mass-transport-crisis/.

Positive Psychology (2020). What is Eustress And How is It Different than Stress? https://positivepsychology.com/what-is-eustress.

Psychology Today (2016). Why Stress Is Both Good and Bad. https://www.psychologytoday.com/us/blog/the-wide-wide-world-psychology/201601/why-stress-is-both-good-and-bad.

American Institute of Stress (n.d.). How Stress Affects Your Body. https://www.stress.org/how-stress-affects-your-body.

GMA News (2017). 12 ways to fight stress, according to DOH. https://www.gmanetwork.com/news/lifestyle/healthandwellness/629704/12-ways-to-fight-stress-according-to-doh/story.

Kasalukuyang Version

01/20/2023

Isinulat ni Corazon Marpuri

Narebyung medikal ni Mike Kenneth Go Doratan, MD

In-update ni: Corazon Marpuri


Mga Kaugnay na Post

Nakatutulong Ba ang Scented Candles sa Pagrelax? Alamin Dito

Senyales ng Emotional Labor sa Trabaho, Ano-ano ang mga Ito?


Narebyung medikal ni

Mike Kenneth Go Doratan, MD

General Surgery · The Medical City Ortigas


Isinulat ni Corazon Marpuri · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement