Ang ikatlong trimester ay ang ilang huling mga buwan ng iyong pagbubuntis. Ang matagal na paghihintay ay matatapos na, at makikita mo na rin ang iyong anak. Ang pagpapanatili ng iyong kalusugan at lakas ang marapat na maghing tuon mo. Narito ang ilang mga tips para mapanatili ang kalusugan bago manganak.
Kumain ng Masusustansyang Pagkain
Ang pagkain nang maayos ay susi para mapanatili ang kalusugan bago manganak. Ang paraan ng pagkain ng isang buntis sa ikatlong trimester ay dapat na mayroong fiber at mayaman sa protinang mga pagkain. Ang mga pagkaing mayaman sa fiber ay nakatutulong sa panunaw at nakapagpapababa ng presyon ng dugo, kaya naman nakapagpapababa ito ng banta ng preeclampsia. Gayundin, ang mga pagkaing mayaman naman sa protina ay sumusuporta sa mabilis na paglaki ng sanggol at ang pagkabuo ng utak ng sanggo at immune system nito.
Ang mga nagdadalantao ay dapat na patuloy na kumain ng maraming mga prutas at gulay dahil ang mga ito ay punong-puno ng mga sustansya na kailangan ng parehong ina at ng sanggol.
Inumin ang Iyong Prenatal Vitamins at Supplements
Ang mga prenatal supplements ay mahalaga para sa mga nagdadalantao dahil inilalaan nila ang mga sustansyang ito para masuportahan nang mainam ang paglaki ng sanggol. Gayundin, ang mga prenatal vitamins gaya ng folic acid ay nakatutulong na mapababa ang tyansa ng pagkakaroon ng mga depekto ng dinadalang sanggol.
Ang ilan sa mga pinakamahalagang bitamina at mineral na kailangan ng mga nagdadalantao sa kasagsagan ng ikatling trimester ng pagbubuntis ay ang iron, calcium, at bitamina D. Ang calcium ay nagpapalakas ng pagkakabuo ng buto ng bata sa mga huling linggo ng pagbubuntis at naiiwasan na kunin ng sanggol ang kinakailangan niyang calcium mula sa ina. Ang bitamina D naman ay nakikipagtulungan sa calcium at nakatutulong para mabawasan ang panganib ng pagkakaroon ng preeclampsia at gestational diabetes ng ina. Sa kabilang banda, ang iron naman ay nakatutulong para maiwasan ang iron-deficiency anemia at inihahanda ang ina para sa inaasahang pagkawala ng dugo sa panganganak.
Ipagpatuloy ang iyong Prenatal Exercise
Ang page-ehersisyo ay isang mainam na paraan para manatiling malusog sa ikatlong trimester. Ang mga nagdadalantao ay dapat na magsagawa ng mga low-impact exercises na makapaghahanda sa kanila para sa nalalapit na labor at panganganak. Isa sa pinakamadaling ehersisyo na maaaring gawin ng isang nagdadalantao ay ang paglalakad sa loob ng 20 hanggang 50 minuto (3 hanggang 5 beses sa isang linggo).
Ang Kegel Exercises ay may malaking tungkuling ginagampanan din sa yugto ng ikatlong trimester. Ang mga ito ay nakapagpapalakas ng mga kalamnan sa pelvic floor, kung saan naroroon ang matres, pantog, at ang dumi. Ang pagpapalakas ng kalamnan sa paligid ng pelvic floor at sa mga nakapaligid na organs dito ay makatutulong sa iyo para makontrol at ma-relax ang iyong mga kalamnan habang nagle-labor.
Manatiling Hydrated
Ang mga nagdadalantao ay nangangailangan ng mas maraming tubig para masuportahan ang pag-ikot ng fetus sa amniotic fluid gayundin para mapataas ang dami ng dugo. Maaaring makapanatiling malusog ang mga nagdadalantao at hydrated sa ikatlong trimester sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig at pagkonsumo ng mga matutubig na pagkain gaya ng pipino at kamatis. Ang dehydration ay maaaring makapag-trigger ng mga kontraksyon na maaaring maging sanhi ng preterm labor.
Panatilihin ang Wasting Dental Hygiene
Isang mahalagang tip para mapanatili ang kalusugan bago manganak ay ang pagsasagawa ng wastong dental hygiene. Ang mga nagdadalantao ay dapat na mas maging maingat kaugnay sa kanilang kalusugang dental dahil mas hantad sila sa mga cavities at periodontal (gum) disease. Ipinapakita ng mga pag-aaral na ang dental at periodontal problems ay maaaring magdulot ng premature na panganganak at mababang timbang sa pagkakasilang ng sanggol.
Ang mga nagdadalantao ay maaari pa ring sumailalim sa mga dental procedures sa umpisa ng ikatlong trimester ngunit kailangang iwasan ang mga nangangailangan ng X-rays.
Magkaroon ng Sapat na Tulog
Isang karaniwang problema ng mga nagdadalantao ay ang pagkakaroon ng sapat na tulog. Ito ay mas mahirap pa lalo na sa ikatlong trimester dahil ang mga pagbabago sa katawan ng nagdadalantao ay maaaring magdulot ng pagkagambala ng tulog.
Ang palagiang kakulangan sa tulog sa mga huling linggo ng pagbubuntis ay maaaring magdulot ng seryosong mga komplikasyon gaya ng preeclampsia at preterm birth. Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang mga nagdadalantao na may problema sa pagtulog sa kasagsagan ng kanilang ikatlong trimester ay maaaring makaranas ng mas mahahabang yugto ng pagle-labor at mas may tyansang mangailangan ng C-section.
Inirerekomenda ng mga doktor na ang mga buntis na nasa ikatlong trimester na ay matulog nang nakahilig sa kanilang kaliwang bahagi. Ang pagtulog sa ganitong posisyong ay nakapagpapabuti ng daloy ng dugo sa matres at nakababawas ng pagmamanas ng mga binti. Ang mga nagdadalantao ay dapat na mayroong hindi bababa sa 7 oras ng tulog, dahil ito ay nakapagpapalakas sa immune system ng ina at nakapagpapatibay ng katawan para sa nalalapit na panganganak.
Key Takeaways
Matuto ng higit pa ukol sa Ikatlong Trimester dito.