Maligayang pagdating sa ika-38 linggo ng iyong pagbubuntis!
Baby Development
Paano lumalaki ang aking sanggol?
Full term na ang iyong sanggol. Mula sa maliit na buto, kasinlaki na ngayon ng pakwan ang iyong anak. Sa timbang nitong nasa 6 ¼ hanggang 7 ¼ libra (pounds) at haba na 17 hanggang 20 pulgada (43.2 – 50.8 cm), handa na ang iyong sanggol na ipanganak.
Sa ika-38 linggo ng pagbubuntis, karamihan sa maliliit na buhok (lanugo) na bumabalot sa iyong sanggol sa kabuuan ng unang mga yugto ng pagbubuntis ay nawala na. Magpapatuloy na ang iyong sanggol sa pag-ipon ng una nitong dumi (meconium). Ang meconium ay isang malagkit na berdeng bagay na nagtataglay ng lahat ng particles na kinain ng iyong sanggol habang nasa loob pa ng iyong sinapupunan.
Karamihan sa mga organs ng iyong sanggol ay buo na at gumagana nang maayos. Samantalang hindi pa gaanong mature ang kanyang utak at baga, ngunit magiging handa na rin ito matapos siyang ipanganak. Patuloy na lalaki ang dalawang napakahalagang organs na ito upang maibigay ang pangangailangan ng iyong sanggol.
Mga Pagbabago Sa Katawan At Buhay
Paano nagbabago ang aking katawan?
Sa ika-38 linggo ng pagbubuntis, maaaring magsimula nang maranasan ang dagdag na pressure sa iyong pelvic area. Sanhi ito ng paggalaw ng iyong sanggol papunta sa tama nitong posisyon sa panganganak.
Dahil sa sobrang fluids sa katawan na naipon sa iyong tissues at kasukasuan, mamamanas ang iyong mga kamay, paa, bukong-bukong, at mga binti. Sa ika-38 linggo ng pagbubuntis, magiging karaniwan ang pamamanas ng ilang bahagi ng iyong katawan dahil nakatutulong itong ihanda ka sa panganganak. Kung napapansin mong hindi na normal ang pamamanas ng ilang bahagi ng iyong katawan, agad na makipag-ugnayan sa iyong doktor sapagkat maaaring indikasyon na ito ng preeclampsia.
Maaaring mahirapan kang gumalaw, umupo, matulog, at tumayo sa puntong ito ng iyong pagbubuntis. Dahil dalawang linggo na lang bago ang iyong due date, mararamdaman mo na ang ilang senyales ng pag-le-labor. Maaaaring mapansin ang mild-menstruation cramps at pananakit ng likod. Laging tandaan na sakaling magdulot ang mga senyales na ito ng sobrang hirap sa pakiramdam, tumawag na ng ambulansya at ipaalam sa iyong medical provider sa lalong madaling panahon.
Ano ang dapat kong ipag-alala?
Tulad sa nagdaang linggo, alam mo na dapat ang birthing position ng iyong sanggol. Kailangan mong tiyakin ang posisyon ng iyong sanggol sa ika-38 linggo ng pagbubuntis dahil maaari ka nang manganak anumang oras. Kontakin ang iyong doktor at humingi ng tulong kung kailangang ayusin ang posisyon ng iyong sanggol sa sinapupunan.
Isa ang preeclampsia sa sakit na maaari mong makuha sa linggong ito. Karaniwan itong sakit ng mga buntis na sanhi ng high blood pressure at pagkasira ng ilang organs gaya ng atay at bato.
Ang biglaan at sobrang pamamanas ng mga binti, paa, bukong-bukong, kamay, at mukha ay maaaring senyales ng pagkakaroon ng preeclampsia.
Ayon sa pag-aaral, 36.7% ng lahat ng maternal deaths sa Pilipinas ay sanhi ng hypertensive diseases, 22.5% dito ay dahil sa preeclampsia. May ilang mga babae ang nakararanas ng mild preeclampsia, ngunit kung hindi agad magagamot, maaari itong maging sanhi ng pagkamatay ng ina at ng sanggol.
Sakaling makaranas ka ng mga sintomas ng preeclampsia, huwag mag-atubiling kumonsulta sa doktor para sa karampatang gamutan.
Pagbisita Sa Doktor
Ano ang dapat kong sabihin sa doktor ko?
Sa ika-38 linggo ng pagbubuntis, kailangan mong ipaalam sa iyong doktor ang mga pagbabago sa iyong katawan. Importante mo ring ipaalam ang iyong mga nararamdaman. Gawin ito upang malaman ng iyong doktor kung nag-le-labor ka na o hindi pa.
Puwede kang mag-labor sa pagitan ng ika-38 linggo hanggang sa iyong due date, ngunit madali mong matutukoy kung manganganak ka na sa pamamagitan ng mga sumusunod na senyales:
- Contractions na may regular na pagitan
- Paglabas ng iyong mucus plug
- Pananakit ng likod
- Pakiramdam na may ilalabas ka kasabay ng patuloy na contractions
- Pagputok ng panubigan
Anong mga test ang dapat kong malaman?
Bago manganak, may mga test na dapat mong kunin upang matiyak ang kaligtasan mo at ng iyong sanggol. Ilan sa mga test na ito ay pwede mong gawin sa klinika ng iyong doktor o sa ospital.
Maaaring i-check ng iyong doktor ang iyong baby gamit ang karaniwang ultrasound. Ito ay para i-check kung ang sanggol ay nasa tamang posisyon bago ipanganak. Sa ika-38 linggo ng pagbubuntis, maaari ka ring sumailalim sa blood at urine tests upang malaman kung ikaw ay nasa panganib ng preeclampsia.
Puwede ka ring kumuha ng Fetal Non-Stress Test (NST), upang masubaybayan ang tibok ng puso ng iyong sanggol. Ginagawa ang non-stress test kung hindi gumagalaw nang kasindalas ng karaniwan nitong ginagawa (10 beses na paggalaw sa isang oras) at kapag dumaraan ka sa high-risk na pagbubuntis.
Tiyaking magtanong muna sa inyong medical provider bago kumuha ng kahit na anong test upang malaman kung ligtas ba ito para sa iyo at sa iyong sanggol.
[embed-health-tool-due-date]
Kalusugan at Kaligtasan
Ano ang dapat kong malaman tungkol sa pagiging malusog at ligtas habang nagbubuntis?
Malapit ka nang manganak! Ilang araw na lang at makikita mo na ang iyong anak. Upang maging handa, narito ang mga bagay na dapat mong gawin:
- Kumain nang masustansya. Hindi lamang tinutulungang lumaki nang malakas at malusog ang iyong sanggol ng pagkain ng masusustansya, tinutulungan ka rin nitong madagdagan ang produksyon ng gatas sa suso na taglay ang lahat ng sustansyang kailangan ng iyong sanggol.
- Ihanda na ang iyong hospital bag. Lahat ng kailangan mo ay dapat na nakalagay na sa iyong hospital bag upang hindi ka na ma-stress at upang hindi na kailangang umuwi pa ng iyong partner para kumuha ng mga gamit.
- Makipag-usap sa iyong doktor at partner tungkol sa iyong pregnancy plan. Nakatutulong ito upang hindi maging stressful ang iyong panganganak. Kung alam mo na ang dapat mong gawin, lugar na dapat puntahan, mga taong dapat matawagan, mahanap, at makita habang nag-le-labor at nanganganak, mababawasan na ang iyong pag-aalala.
- I-enjoy ang oras kasama ng iyong partner. Matapos mong manganak, magiging mahirap ang paglalaan ng oras kasama ng iyong partner. Habang buntis ka, humanap ng pagkakataong makabuo ng mga alaala kasama ng iyong partner.
Narating mo na ang ika-38 linggo ng pagbubuntis. Nagsisimula na ang countdown para sa iyong nalalapit na araw ng panganganak.