backup og meta

Ika-8 Linggo Ng Pagbubuntis: Lahat Ng Dapat Mong Malaman

Ika-8 Linggo Ng Pagbubuntis: Lahat Ng Dapat Mong Malaman

Sa ika-8 linggo ng pagbubuntis, dumaan ka na sa napakaraming pagbabago. Ilan sa mga ito ay nakikita, ngunit karamihan sa mga ito ay naramdaman mo. Walang napapansin ang mga tao sa iyo, ngunit okay lang ‘yan! Nagdadalang tao ka na at nasa ika-8 linggo na ng pagbubuntis.

Sa panahong ito, maaaring nakararanas ka na ng mga unang sintomas ng pagbubuntis, kabilang na ang morning sickness. Gayunpaman, masuwerte ang iba na hindi nakaranas nito. Bukod sa morning sickness (na puwede mong maramdaman ano mang oras sa buong araw), maaari mo ring maramdaman na parang lumalaki o namamaga ang iyong suso.

Narito ang ilan pa sa mahahalagang pagbabago na dapat mong asahan sa ika-8 linggo ng pagbubuntis.

Development Ng Sanggol

Paano lumalaki ang aking sanggol?  

Bagaman hindi pa halata sa iyong tyan, ang iyong baby ay patuloy na lumalaki. At sa ika-8 linggo ng pagbubuntis, ang iyong baby ay kasinlaki na ng baked bean na nasa 2.7cm. Sa panahong ito, abala ang iyong baby sa pagbuo ng kanyang mga daliri sa kamay at paa. Gayunpaman, magkakadikit pa ang mga ito. Nagsisimula na ring magkaanyo ang mukha ng iyong baby dahil sa paglitaw ng ilong, talukap ng mata, at itaas na labi. 

Tulungang maprotektahan at mapalusog ang iyong baby, maging ang kanyang amniotic fluid na patuloy na nadadagdagan ng 30ml bawat linggo!

Mga Pagbabago Sa Katawan At Sa Iyong Buhay

Paano nagbabago ang aking katawan?

Sa ika-8 linggo ng pagbubuntis, tiyak na ito ang pangalawang buwan na hindi ka na niregla. Kaya’t pinatutunayan nito na talagang buntis ka na.

Gaya ng nabanggit, mas maraming amniotic fluid ang nadadagdag sa iyong sinapupunan, ngunit kalaunan, ang placenta na ang gaganap upang gawin ang kanyang trabaho. Ang pinakatrabaho ng placenta ay magbigay ng sustansya at oxygen sa fetus, at mag-alis ng anumang dumi mula sa fetus. Sa oras na mabuo ang placenta, tutubuan ito ng mga bahaging mag-uugnay sa iyong uterus. 

Kabilang sa mga pisikal na pagbabagong mararanasan sa ika-8 linggo ng pagbubuntis ang pagiging mas malambot at paglaki ng iyong suso. Maaaring maging sanhi ito ng hindi komportableng pakiramdam, kaya’t baka kailangan mo nang maghanap ng maternity wear at akmang bra para sa karagdagang suporta. Sa panahong ito, naghahanda na ang iyong suso sa posibleng pagkakaroon ng gatas at pagpapasuso.

Gaya ng dapat asahan, mas madali kang mapapagod ngayong lubos na nagtatrabaho ang katawan mo dahil sa iyong pagbubuntis. Sa ika-8 linggo ng pagbubuntis, mas marami ang nililikhang progesterone ng iyong katawan, kaya’t maaaring maging antukin ka. Kapag nangyari ito, magpahinga lang at umidlip. Mahalagang pakinggan ang iyong katawan at iwasang ma-stress sa mga pagbabagong nararamdaman. Kahanga-hanga ang ginagawa ngayon ng iyong katawan!

Ano ang dapat kong ipag-alala?

Sa ika-8 linggo ng pagbubuntis, mas marami kang mararanasang mga sintomas ng pagbubuntis kumpara sa nagdaang mga linggo. Narito ang mga dapat mong asahan:

  • Morning sickness
  • Malambot at pakiramdam na namamaga ang suso
  • May panlasang tila bakal (metallic taste)
  • Pabago-bagong mood
  • Pananakit ng ulo
  • Pag-ayaw sa ilang amoy at pagkain
  • Bloating
  • Period-like cramps
  • Pangingitim ng patches sa mukha na kilala rin bilang “mask of pregnancy”
  • Light spotting

Maaaring magdulot sa iyo ng pagkairita ang nararanasang morning sickness, paglambot ng suso, at iba pang sintomas sa ika-8 linggo ng pagbubuntis.

Tips upang mabawasan ang mga sintomas na ito:

  • Kumain ng mas masusustansyang pagkain. Mas nakapagdudulot ng pagkaantok at pakiramdam na bloated ang pagkain ng oily, spicy, at fatty foods. Upang labanan ang pakiramdam ng pagkapagod, piliin ang pagkaing mababa sa fat, at madaling tunawin sa tiyan gaya ng salad at kaunting carbohydrates.
  • Kumain ng mas kaunting pagkain sa buong araw. Ang pagkain ng full meal tatlong beses sa isang araw ay maaaring sobra para sa isang buntis. Puwede mong hati-hatiin ang iyong pagkain at kainin ito sa buong araw. Makatutulong ito upang maiwasan ang pagduduwal at upang matunaw ng iyong katawan ang mas kaunting dami ng pagkain. 
  • Uminom ng prenatal vitamins. May ilang mga prenatal vitamins na kakaiba ang lasa, kaya’t uminom nito kapag busog at/o may kasamang ginger candy.
  • Uminom ng maraming tubig. Bukod sa pagkain ng kaunting dami ng pagkain, nakatutulong ang pagpapanatiling hydrated at pag-inom ng maraming tubig upang matunawan ka nang maayos. Bukod sa tubig, puwede kang sumipsip ng tea gaya ng ginger tea (luya) na sinasabing nakatutulong sa pagduduwal.

Iwasan ang mga pagkaing nakapagpapalala ng iyong pagduduwal. Sa ika-8 linggo ng pagbubuntis, mapapansin mong nagiging sensitive ka na sa ilang mga naaamoy. Iwasan ang mga pagkain at amoy na ito. Panatilihin ding may sapat na bentilasyon ang iyong kuwarto. Buksan ang mga bintana at langhapin ang preskong hangin mula sa labas. 

Pagbisita Sa Doktor

Ano ang dapat kong sabihin sa aking doktor?

Sa ika-8 linggo ng pagbubuntis, maaari kang makaranas ng mas madalas na pagduduwal at pananakit ng ulo. Karaniwan lamang ito at hindi naman nakasasama, ngunit maaaring magdulot ng hindi komportableng pakiramdam. Sanhi ito ng paglikha ng iyong katawan ng 40-50% na mas maraming dugo. Makipag-ugnayan sa iyong doktor para sa tips at natural na remedies upang matugunan ang problemang ito. 

Ano ang mga test na dapat malaman ng mga buntis?

Isa sa mga test na maaaring hilingin ng iyong doktor sa ika-8 linggo ng pagbubuntis ay ang pap smear. Ang pap smear ay nakatutulong upang matukoy kung may STDs ang isang babae na maaaring magdulot ng panganib sa iyo at sa iyong sanggol. 

Inirerekomenda rin ng CDC ang mga sumusunod na prenatal screening:

Mas nagiging tiwala ang medical team na magkakaroon ka ng ligtas na pagbubuntis kung clear ka sa mga panganib ng mga nabanggit na sakit. Kung nagkaroon ka ng mga impeksyon, maaaring magbigay ng tamang gamutan ang iyong doktor, kabilang dito ang antibiotics. Sa paggamot ng mga impeksyon, palaging kumonsulta  sa doktor. 

Ano ang mga dapat kong malaman tungkol sa pagiging malusog at ligtas na pagbubuntis?

Sa ika-8 linggo ng pagbubuntis, mapagtatanto mong nag-aalala ka na para sa iyo at sa iyong baby. Katanggap-tanggap naman kung makaramdam ka ng pagkabigla sa dami ng mga impormasyon tungkol sa mga pag-iingat hanggang sa tips at paalala mula sa iyong mga kaibigan at kapamilya.

Gayunpaman, makatitiyak kang mabibigyan ka ng tamang impormasyon ng iyong medical team. Kumonsulta sa kanila tungkol sa anumang usapin. 

Sa ika-8 linggo ng pagbubuntis, upang matugunan ang mga pagbabago sa iyong katawan at makapag-adjust sa bagong level ng iyong energy, maaari mong pag-isipang muli kung anong mga aktibidad ang dapat mong gawin sa araw-araw. Bagaman lubos kang hinihikayat na magkaroon ng aktibo, at healthy lifestyle, pinakamainam na linawin sa iyong doktor kung anong uri ng sports at ehersisyo ang ligtas para sa iyo at sa iyong sanggol.

Puwede ka namang gumawa ng 30 minutong moderate-intensity exercises sa isang araw. Upang malaman kung nag-eehersisyo ka sa tamang intensity, dapat ay kaya mo pang makipagkuwentuhan habang nag-eehersisyo. 

Narito ang mga uri ng physical activity na HINDI inirerekomenda sa mga buntis:

Contact Sports

Ang mga sports tulad ng football, basketball, at iba pang gaya nito na kung saan ang mga manlalaro ay nakikipagbanggaan at bumabagsak ay nagpapataas ng panganib ng injury at pagkalaglag (miscarriage).

Pagtakbo, Pagbibisikleta, At Pagsakay Sa Kabayo

Bagaman ito ay solitary activity (mag-isa) hindi gaya ng contact sports, hindi pa rin ito inirerekomenda sa mga buntis dahil sa kombinasyon ng init, posibilidad na malaglag ang buntis, dehydration, at pressure sa kasukasuan kaya’t hindi ito maituturing na ligtas na gawain.

Matitinding Ehersisyo

Ang matitinding ehersisyo gaya ng HIIT routines ay nagbibigay ng dagdag na pressure sa iyong likod at mga kasukasuan, at nakapagpapataas ng panganib ng trauma sa iyong tiyan. Piliin ang mabagal, low-impact exercises gaya ng yoga, water aerobics, at iba pang gaya nito.

Diving

Dapat itong iwasan kahit na ikaw ayisang bihasang diver. Sa pag-ahon ng swimmers o divers mula sa tubig, nabubuo ang gas bubbles sa dugo. Mapanganib ito sa iyo at sa iyong sanggol.

Sa pangkalahatan, hindi inirerekomenda ang matinding sports o pag-eehersisyo dahil ang mga ganitong uri ng aktibidad ay binabago ang direksyon ng dugo at sustansya papunta sa iba’t ibang bahagi ng katawan, imbis na papunta sa sanggol. 

Maganda ang benepisyong naidudulot ng pag-eehersisyo sa isang ina at sa kanyang anak dahil nakatutulong itong mapalakas ang katawan at makatutulong din sa kanyang pagbubuntis, lalo na sa panganganak. Gayunpaman, dapat ding isiping palagi ang mga panganib na maidudulot ng mga gawaing ito.

Sa bawat buwang lumilipas, dapat mo ring bawasan nang unti-unti ang iyong physical activity upang mabawasan ang panganib ng preterm labor o ang pagkakaroon ng fetal defects. Kumonsulta sa iyong doktor para sa pinakamainam na ehersisyo at aktibidad para sa iyo.

Sa ika-8 linggo ng pagbubuntis, nagsisimula mo nang maranasan ang “full pregnancy experience” sa mga lumilitaw na sintomas at sa unti-unting nakikitang mga pagbabago sa iyong mood at lakas. Maging handa sa pagdating ng ika-9 na linggo!

[embed-health-tool-due-date]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

8 Weeks Pregnant, https://www.nhs.uk/conditions/pregnancy-and-baby/8-weeks-pregnant/, Accessed June 1, 2021

Week 8, https://www.nhs.uk/start4life/pregnancy/week-by-week/1st-trimester/week-8/, Accessed June 1, 2021

Pregnancy and HIV, Viral Hepatitis, STD, & TB Prevention, https://www.cdc.gov/nchhstp/pregnancy/default.htm?s_cid=ht_perinatalwebsite0001, Accessed June 1, 2021

Pregnancy and exercise, https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/pregnancy-week-by-week/in-depth/pregnancy-and-exercise/art-20046896, Accessed June 1, 2021

First trimester: Week 8, https://www.nhs.uk/start4life/pregnancy/week-by-week/1st-trimester/week-8/, Accessed June 1, 2021

Kasalukuyang Version

03/17/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Folic Acid Para Sa Buntis, Gaano Ba Ito Kahalaga?

Paano Maiiwasan Ang Pagkalaglag Sa Unang Trimester Ng Pagbubuntis?


Narebyung medikal ni

Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

General Practitioner


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement