Ang sprain at strain ay madalas parehong sanhi ng paulit-ulit at mabigat na pisikal na aktibidad tulad ng pag-eehersisyo. Kaya naman nakakalito ang pagkakaiba ng dalawa. Kapag alam mo ang pinagkaiba ng sprain at strain, mas magiging madali para sa iyo na matukoy kung may sprained ankle o nabanat na muscle.
Ano ang Pinagkaiba ng Sprain at Strain?
Nangyayari ang sprain kapag may abnormal na pagkabanat o pagkapunit ng ligaments. Ang ligaments ay elastic fibrous connective tissues na nag-uugnay sa iyong mga buto. Karaniwang sa wrists at ankles nagkakaroon ng sprain.
Ang strain naman ay ang pagkapunit at sobrang pagkabanat ng muscle o tendon. Ang tendons ay fibrous tissues na nagkakabit ng muscle sa buto. Strain sa likod at hamstrings ang pinakakaraniwang mga halimbawa ng pinsalang ito. Madalas itong mangyari sa mga atleta na hindi sapat ang stretching at kondisyon bago ang isang sports event.
Pinagkaiba ng sprain at strain: Ano ang mga Sintomas?
Ang mga sintomas ng sprain at strain ay:
- Sakit sa mga kasukasuan
- Pamamaga
- Limitado ang flexibility
- Hirap sa paggalaw
Ano ang pinagkaiba ng sprain at strain? Halos magkapareho ang kanilang mga sintomas. Kaya maaaring mahirap malaman kung anong pinsala meron ang isang tao.
Kahit sino ay maaaring magkaroon ng ganitong uri ng injury, anuman ang edad o kasarian. Kailangan ang pagbabantay at pag-iingat upang matiyak na maiiwasan mo ang pinsala.
Ang paggaling ay depende sa tao, uri ng paggamot o mga gamot, at sa uri ng pinsala.
Ano ang Nagdudulot ng Sprains at Strains?
Upang matukoy kung ang isang pinsala ay sprain o strain, kailangang malaman kung ano ang sanhi nito.
Ang sprain ay nakakaapekto sa wrist, ankles, tuhod, at maging sa mga daliri. Narito ang ilang madalas na sanhi ng sprains:
- Maling paghakbang na nagdudulot ng pagkatapilok. Halimbawa, paglalakad sa hindi pantay na daan o pagbaba sa hagdan.
- Masamang pag-landing habang lumulukso
- Pag-ikot ng katawan o pivot
- Pag-landing sa iyong mga kamay nang sobrang lakas
- Mga paulit-ulit na galaw na nagdudulot ng labis na puwersa
Sa kabilang banda, ang strain ay madalas na nakakaapekto sa mga maskuladong bahagi ng katawan, tulad ng likod at hamstring. Ang sanhi ng isang strain ay maaaring dahil sa:
- Maling paraan ng pagbubuhat ng mabibigat na bagay o mabilis na paggalaw
- Kulang sa tamang warm-up bago ang anumang mabigat na pisikal na aktibidad
- Sobrang pwersa kapag nagtutulak o humihila
- Tulad ng sprain, ang strain ay maaaring sanhi ng paulit-ulit na mahirap na paggalaw
Anong mga Paggamot ang Magagamit para sa Strains at Sprains?
Ang pagbibigay ng agarang atensyon sa mga pinsala tulad ng sprains at strains ay maaaring makatulong na maiwasan ang paglala ng mga sintomas. Maaaring makatulong ang mga sumusunod na treatment at mapawi ang sakit na dulot ng mild-to-moderate sprain o strain.
- Ipahinga ang bahaging napinsala. Kung pumunta ka sa ospital, maaaring imungkahi ng doktor na magpahinga ka ng ilang araw. Pagkatapos ay dapat mong gawin ang minor movements, marahil sa tulong ng saklay o tungkod.
- Lagyan ng yelo ang napinsalang bahagi. Sa loob ng 20 minuto, maglagay ng yelo na nakabalot sa tuwalya sa injured na bahagi ng apat hanggang 8 beses sa isang araw upang mabawasan ang pamamaga.
- Gumamit ng compression. Ang paggamit ng alinman sa bandages, casts, boots, o splints upang balutin ang injured na bahagi ay makakatulong na mabawasan ang pamamaga. Iwasang balutin nang mahigpit ang pinsala dahil maaaring makahadlang ito sa pagdaloy ng dugo.
- Itaas ang injured na bahagi. Binabawasan ng elevation ang pamamaga. Maaaring payuhan ka ng iyong doktor na ipahinga ang napinsalang bahagi ng katawan sa ibabaw ng unan upang maibsan ang pananakit at para sa mas mabilis na paggaling.
- Uminom ng mga gamot sa pananakit. Maaaring magreseta ang iyong doktor ng mga gamot sa pananakit gaya ng ibuprofen at aspirin para mawala ang pananakit, at pamamaga.
Pagkatapos ng mga paggamot, maaaring i-suggest ng iyong doktor na dahan-dahan mong i-ehersisyo ang napinsalang bahagi upang maiwasan ang paninigas at maibalik ang lakas. Kung malubha ang injury mo, makatutulong sa iyo ang physical therapy.
Para sa pinakamahusay na paggamot at therapy, palaging humingi ng propesyonal na tulong mula sa mga doktor o physical therapist upang maiwasan ang karagdagang pinsala at komplikasyon.
Paano Mo Maiiwasan ang Sprains at Strains?
Maiiwasan mong magkaroon ng sprains at strains sa pamamagitan ng pagsunod sa mga hakbang na ito:
- I-kondisyon ang iyong katawan, mag-warm-up, at mag-stretch bago gumawa ng anumang pisikal na aktibidad.
- Magsuot ng protective gear kapag gumagawa ng sports o kapag nagbubuhat/nagdadala ng mabibigat na materyales.
- Umupo sa isang ice bath pagkatapos maglaro ng anumang contact sports tulad ng rugby, football, at basketball.
- Magsuot ng komportableng sapatos na angkop para sa pagtakbo.
- Iwasang pilitin ang iyong sarili sa paggawa ng mahihirap na pisikal na gawain kapag nakakaramdam ng pagod.
- Gumawa ng mga pampalakas na ehersisyo upang mapabuti ang pangkalahatang lakas ng katawan.
- Huwag kalimutang mag-cool down pagkatapos ng matinding ehersisyo.
- Mag-ingat sa iyong paligid upang maiwasan ang mga aksidente.
- Kumain ng malusog at balanseng diyeta para sa malakas na katawan.
- Magsanay ng magandang postura.
- Maging physically fit.
Huwag mag-atubiling komunsulta sa iyong doktor para sa karagdagang kaalaman at payo tungkol sa pag-iwas sa sprain at strain.
Key Takeaways
Lahat ng uri ng injuries ay masakit, at ang ilan ay maaaring humantong sa permanenteng pinsala sa katawan. Ang sprain at strain ay karaniwang hindi banta sa buhay. Gayunpaman, maaari itong magdulot ng mga isyu para sa madaling pagkilos. Kapag pinabayaan, ang mga pinsalang ito ay maaaring maging malaking problema.
Ang pagkakaroon ng kamalayan sa pinagkaiba ng sprains at strains ay makakatulong sa paghahanap ng mga tamang paggamot at mga gamot upang matugunan ang iyong kondisyon.
Tandaan na palaging pinakamahusay na tawagan ang iyong local emergency hotline kapag may mga malubhang pinsala.
Matuto pa tungkol sa Orthopedics dito.
[embed-health-tool-bmi]